Facebook

Bong Go sa LGUs, govt agency: Tulong sa mga binagyo tiyaking makararating

Nasaksihan ang kalunos-lunos na sinapit ng mga biktima ng Severe Tropical Storm Paeng sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga ahensya ng gobyerno at local government units na tiyaking makararating ang mga tulong na may kaugnayan sa bagyo sa kanilang mga nasasakupan na higit na nangangailangan.

“Alam n’yo, kung ano ‘yung available na food packs… o ano pa mang mga delata d’yan, kesa naman masira, ipamigay na sa tao,” sabi ni Go.

“Importante po ngayon walang magutom na Pilipino. Sa totoo lang, pera naman ng taumbayan yan,” idinagdag ng senador.

Nauna rito, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan na ang burukratikong pagkaantala sa pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng mga sakuna.

Sa halip, ipinag-utos ni Marcos sa mga opisyal ng gobyerno na tiyaking makararating ang lahat ng uri ng suporta at tulong ng gobyerno sa mga nangangailangan nito.

Binigyang-diin naman ni Go na apurahin ang pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga taong higit na nangangailangan sa panahon ng kalamidad, at hinimok niya ang mga ahensya ng gobyerno na huwag ipagpaliban ang kanilang paghahatid.

“Tayong nasa gobyerno, halimbawa, DSWD, ‘wag nyo na patagalin. Kahit madoble, matriple, ibigay natin sa mga kababayan natin,” ani Go.

“Naghihirap na, nag-aadjust pa ‘yan. Ibig sabihin, ang iba d’yan nasiraan ng bahay, wala pang panahon na bumili ng mga pagkain at delata. Ang iba walang pambili, so dapat tulungan natin ang mga kababayan natin, tulungan natin ang mahihirap,” idiniin niya.

Hinimok naman ni Go ang publiko na panatilihin ang kooperasyon at ipagpatuloy ang diwa ng bayanihan upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan tungo sa pagbangon.

“Ako naman po sa mga kababayan natin, ‘wag kayong mawalan ng pag-asa, magtulungan lang po tayo. Sabi ko nga paulit-ulit kong sinasabi, ang pera po kikitain natin, ang gamit po nabibili… mga nabasa, naputikan, pwede nating labhan yan,” anang senador.

“Pero ang perang kikitain natin ay hindi nabibili ang buhay. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman. Alagaan po natin ang buhay ng bawat isa kaya nasasaktan po ako kapag merong namamatay, nasasaktan po ako kapag merong mga kababayan nating nasasawi,” dagdag ng mambabatas.

Nangako siya na hangga’t kaya niya at hangga’t may panahon, bibisitahin niya ang mga lugar kung saan kailangan ang kanyang tulong upang suportahan at bigyan ng pag-asa ang kanyang mga kapwa Pilipino sa harap ng mga kahirapan.

“Magtulungan po tayo. Siguraduhin nating walang maiiwan sa ating muling pagbangon,” ani Go.

Matapos ang personal na pagbisita sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo sa Bacoor City at Kawit, Cavite gayundin ang mga nasunugan sa Taguig City noong Nobyembre 4, tumuloy si Senator Go sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur noong Nobyembre 5 upang personal na suriin ang mga apektadong komunidad doon.

Kasama niya ang kapwa senador na si Robin Padilla, personal silang nagbigay ng tulong sa 2,000 biktima ng bagyo sa nasabing araw. Ang mga aktibidad ay ginanap sa Datu Abdullah Sangki Municipal Compound sa Maguindanao del Sur at Datu Odin Sinsuat Municipal Covered Court sa Maguindano del Norte.

Noong Lunes, Nobyembre 7, pumunta si Go sa Balayan at Calatagan Batangas para magbigay ng tulong sa mga mahihirap at saksihan ang groundbreaking ng isang Super Health Center.

The post Bong Go sa LGUs, govt agency: Tulong sa mga binagyo tiyaking makararating appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa LGUs, govt agency: Tulong sa mga binagyo tiyaking makararating Bong Go sa LGUs, govt agency: Tulong sa mga binagyo tiyaking makararating Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 07, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.