GUMAGAPANG ang takot sa mga residente sa isang compound sa Las Piñas City dahil sa dami ng ahas na nahuhuli sa mga bahay, nakikita sa dingding, kisame, at pati sa banyo.
Sinabi ng mga residente na may mga malalaki at maliliit na sawa na nahuhuli sa mga kabahayan sa kanilang lugar.
Ayon kay Mark Henson Oreo, residente sa compound, simula pa 2017 ay anim na sawa na ang nakita sa kanilang bahay.
“Nakita po namin nasa dingding, nakatago sa likod ng wallpaper, nakalambitin sa kahoy, sa ceiling po ng bubong o sa banyo,” saad ni Mark.
Dahil sa pangamba, nilagyan na nila ng harang ang kanilang dingding para hindi na makapasok ang sawa sa loob ng bahay.
Sinabi naman ni Nenita Gacuma, na napagkamalan niyang sinturon ng kaniyang anak ang ahas na nakita niya sa loob ng kanilang banyo.
“Papunta po ako ng CR maliligo sana ako. Akala ko sinturon po ng anak ko ‘yung nalaglag, tapos kinukuha ko po nang nagsabi ng ‘ssss’, ay may ahas po,” ani Nenita.
Ganito rin ang naging karanasan ni Anthony Longcop. Aniya, umiihi raw siya sa kanilang banyo nang biglang may malaking sawa siyang nakita.
Sa tuwing may ahas sa kanilang lugar, ang takbuhan ng mga residente ang kapitbahay nilang si Rommel Adona.
“Dito sa compound namin, halos 20 na ang nahuli ko,” pahayag ni Rommel.
Minsan na rin daw siyang natuklaw ng sawa dahil kamay lang ang gamit niya sa paghuli sa mga ito.
“Sa tingin po namin du’n po nagmumula ang mga ahas na nakukuha namin sa puno ng Balete,” ani Mark.
Ayon naman sa pinakamatandang residente sa lugar na si Boy Dy, dati ay may nangupahan sa kanilang lugar na may mga alagang ahas, isda at sari-saring hayop.
“Dati po itong pet shop. May mga malalaking ahas, maliit, sari-sari. May mga nakawala sa kulungan,” giit naman ni Roberto Davila Jr., caretaker ng dating petshop.
Ayon kay Sherwin Castillo ng Las Piñas City Veterinary Services Office, reticulated python ang uri ng ahas na nakita sa naturang compound.
“Sila naman ay uri ng sawa na hindi naman venomous. Hindi po sila nakamamatay. Pero ang delikado po sa kanila kapag ikaw ay nalingkis o kaya ikaw ay makagat, siguradong masusugatan ka rin,” sambit ni Sherwin.
Nitong nakaraang linggo, iniinspeksyon na ng mga kawani ng barangay, City Veterinarian ng Las Piñas at Department of Environment Natural Resources-Metropolitan Environmental Office South ang compound.
Pakay nilang hanapin ang iba pang sawa na posibleng naglulungga sa lugar at alamin kung tunay ang pinangangambahang “mother snake.”
The post Isang compound sa Las Piñas pinamumugaran ng ahas appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: