KALAHATING milyong Filipino kada araw ang maisasakay at makakapagbiyahe ng matiwasay sakaling matapos na ang paglalagay ng Metro Manila Subway.
Sinaksihan mismo ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) kamakailan, sa Malacañang, ang pirmahan ng kasunduan sa pagitan ng bansang Hapon at ng ating bayan upang masimulan na ang kontrata para sa Metro Manila Subway Project (MMSP).
Ang kasunduang ito ay nagpapakita ng kaseryosohan ng Administrasyon ni PBBM na magsulong ng malalaking ‘infrastructure projects’ na lalong makakapag-pasigla ng ekonomiya ng bansa sa mga darating na mga panahon.
Ang MMSP ay kauna-unahang ‘underground railway system’ sa Pilipinas. May kabuuang haba itong 33 kilometro na binubuo ng 17 stations mula Valenzuela City hanggang sa FTI-Bicutan sa Parañaque City, na may linyang dudugtong pa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Kapag ito’y nagsimula nang mag-operate bukod sa kaya nitong pagsilbihan ang kalahating milyong pasahero araw-araw, mababawasan nito ng malaki, ang oras ng pagbibiyahe mula Quezon City hanggang NAIA ng mula sa isa’t kalahating oras sa tatlumpu’t limang (35) minuto na lamang.
Kaya nga nandun din at sumaksi sa pirmahan si Quezon City Mayor Joy Belmonte upang ihayag din ang kanyang kasiyahan sa pagsisimula ng MMSP.
Ang kontrata ay kinabibilangan ng Contract Package 102 (CP102) para sa Quezon Avenue at East Avenue Stations. At Contract Package 103 (CP103) naman para sa Anonas at Camp Aguinaldo Stations. Mga lugar na sakop ng pamamahala ni Mayora.
Kaya para kay Mayor Joy, di nga naman basta-basta lamang ang proyektong ito. Bukod sa magbubunsod ito ng kaunlaran at pagbabago sa ating pagbibiyahe, maidudugtong nito ang karamihan, tao man o pangangalakal at maiibsan ang trapik at oras sa paglalakbay.
Ganun na rin lamang ang pasasalamat ni PBBM sa pamahalaan ng Japan sa pagpopondo ng MMSP mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) — ahensiyang matagal nang sumusuporta sa ika-uunlad ng Pinas, ilang dekada na ang nakaraan. Umaasa rin si PBBM na lalago pa ng husto ang kooperasyong namamagitan sa atin at ng mga Hapon.
Binansagang ‘Crown Jewel’ ng pambansang mass transit system, inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ang MMSP y makakapagbigay din ng 18,000 trabaho sa paglalatag pa lamang nito, at magpapasigla ito ng ekonomiya lalo na sa mga lugar na daanan at malalagyan ng mga istasyon.
“Ang lahat ng ito ay para sa ating mga mamamayan. Sama-sama nating isulong ang mga ganitong klaseng proyekto para sa lahat ng Pilipino,” ang sabi nga ni PBBM.
The post JOY NG QC ANG SUBWAY PROJECT NI PBBM appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: