Facebook

OLAZO AT TAGOY “KAMBAL-TUKO” SA CAVITE?

BILANG hepe ng Cavite Provincial Police Office, dapat ay kumilos at gumawa ng paraan itong si P/Col Christopher F.Olazo upang mahinto ang ginagawang panggagamit sa kanyang pangalan ng isang nagngangalang TAGOY sa pamamagitan ng pangongolekta ng tong o lagay bilang protection money para smooth ang vice operations sa buong lalawigan

Mula daw kasi nang matalagang Provincial Director ng Cavite si Col.Olazo, ilang araw pa lamang ang nakakaraan, biglang kinontak at binigyan ng go-signal nitong si Tagoy para mag-operate ang mga operator / financier ng sakla, STL- con jueteng lotteng, pergalan (perya at sugalan) at paihi kapalit ng weekly tong para umano sa bagong upong PD na si Col. Olazo.

Ayon sa insider ng SIKRETA, unang binigyan ng blessing ni Tagoy para makapag- umpisa ang mga operator ng sakla sa mga bayan ng Tanza at Indang na ngayo’y punong- puno na ng lamesa ng naturang sugal. Nagkalat, naghambalang sa mga kalsada at mga sulok-sulok ng dalawang munisipalidad na ito ng Cavite ang mga saklaan.

Bukod kay Olazo, ipinanghihingi o ipinangongolekta din ni Tagoy sa mga sakla operator sina Chief PNP Gen. Rodolfo ‘Junaz’ Azurin Jr., Region 4A Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. at maging ang hepe ng Camp Crame-based Criminal Investigation and Detection Group na si MGen Ronald Lee, CIDG Regional Chief, P/Col. Joel Ana at Cavite CIDG Provincial Officer, P/LtCol. Benedick Poblete, ayon pa sa mga ka-SIKRETA .

May bulung-bulungan din na umiikot sa kapulisan at sirkulo ng mga iligalista na ipinanghihingi din ni Tagoy ang Office of the Governor na ibinibigay umano sa tatlong nagpapakilalang tauhan ng isang mataas na opisyal ng kapitolyo.

Ito’y ulat na hindi dapat balewalain ni Cavite Gov. Junvic Remulla dahil nakakasira ito sa kanyang malinis na pangalan.

Ang tatlong mokong na ito na nagpapakilalang mula sa Office of the Cavite Governor kasama si alyas Erik Turok ang isinasangkalan at ipinagmamalaki din ni Tagoy sa mga sakla operator na kanyang binigyan ng go-signal na maglatag ng sakla table sa Tanza at Indang kaya walang takot ang mga sakla lord sa kanilang lantarang pag – ooperate ng kanilang illegal na negosyo.

Talaga namang napaka-pangit sa paningin di lamang ng mga taal na residente ng Tanza at Indang kundi maging sa bakasyunista at turistang naglilimayon sa nabanggit na munisipalidad ang mga naghambalang na sakla table sa mga matataong lugar ng mga naturang munisipalidad.

Kaya maging sa sentro ng kalakalan tulad ng Brgy. Daang Amaya I, sa tabi ng eskwelahan sa Brgy.Daang Amaya II, Borland, Brgy.Sanja Mayor Poblacion, Julugan VI, Julugan VII, Julugan VIII at iba pang lugar pawang sa bayan ng Tanza ay nagkalat ang mga saklaan.

Kahit na nga malapit sa police station ng munisipalidad ng Indang at sa may pampublikong palengke ay di iginalang ng mga tauhan nina Tagoy at Erik Turok at doon ay nakapaglatag din ang mga ito ng mga mesa ng saklaan. Hanggang sa Bicol Region ay nakapagbukas na din pala ng mga sakla dens itong si Erik Turok.

Kung susumahin hindi kukulangin sa 100 sakla den ang naipustura na nina Tagoy at Erik Turok sa Tanza at Indang na talaga namang “eye sore” at nakasira sa industriya ng turismo sa nasabing mga bayan at sa lalawigan ng Cavite sa kabuuan.

Ang ipinapakita namang gilas at lakas ni Tagoy kina Gen. Nartatez Jr. at Col Olazo ang pinanghahawakan din marahil nina Tanza Police Chief, LtCol. Gerry Laylo at Mayor Yuri Pacumio, ganon din sina Indang Police Chief Major Ed Montanto at Mayor Fidel para makapag operate ang mga sakla lords sa kanilang mga bayan.

Hindi maitatatwa sa lipunan at maging sa kapulisan na ang sakla den ay pinamumugaran ng mga drug pusher at addict ay may mataas din na crime rate.

Kapag ang mga pusher at addict ay natalo sa sakla, isama mo pa ang bisyo nila sa droga, ang mga ito’y nagogoyo na sa panghoholdap, pagnanakaw at kung anu-ano pang uri ng krimen magkapera lamang at masustinehan ang kanilang bisyo.

Dahil sa masamang implikasyon ng sakla at droga kaya tumataas ang insidente ng kriminalidad sa rehiyon ni Gen Nartatez Jr. partikular ang Cavite na area of responsibility ni Col Olazo.

Dahil dito ay nakukumpromiso ang liderato ni Gen Azurin Jr., tumataas na crime rate kaya’t napupuna, napapahiya ito sa taumbayan at sumasama din ang imahe nito sa mata ng masa at higit sa lahat kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. (PBBM)

Ang problema sa sakla operation sa Tanza at Indang ay paulit-ulit nang naipagbigay alam na rin sa Office of the Provincial Commander ng Cavite, subalit ang ipinagtataka ng mga anti-crime / vice crusaders, hindi umaaksiyon si Col Olazo.

At dahil sa kawalan ng aksyon ni PD Olazo ay tinawag ng mga anti-crime / vice crusader na “kambal tuko” sina Olazo at tong kolektor na si Tagoy sa pamamayapag na operasyon ng sakla sa Cavite, lalo na sa mga bayan ng Tanza at Indang.

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com

The post OLAZO AT TAGOY “KAMBAL-TUKO” SA CAVITE? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
OLAZO AT TAGOY “KAMBAL-TUKO” SA CAVITE? OLAZO AT TAGOY “KAMBAL-TUKO” SA CAVITE? Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 08, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.