
NASA 25 na ang bilang ng mga fireworks-related injuries (FWRI) na naitatala ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Sa datos na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na mula sa dating 20 ay nakapagtala pa sila ng limang bagong fireworks-related injuries mula sa 61 DOH sentinel hospitals mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 26, hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 27, kaya’t umakyat pa ito sa 25.
Ayon sa DOH, ito ay mas mataas ng 14% kumpara sa 22 kaso lamang ng FWRIs na naiulat sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, 23 o 92% ay mga lalaki habang ang 13 o 52% ay nagtamo ng eye injuries at dalawa o 8% ang nagtamo ng blast/burn injuries na may amputation o naputulan ng bahagi ng katawan.
Ang limang pangunahing fireworks naman na dahilan ng FWRI ay ang boga (8 kaso); whistle bomb (4); kwitis (3); 5-star (2) at unknown (2).
Kaugnay nito, pinayuhang muli ng DOH ang publiko na umiwas na sa paputok at gumamit na lamang ng mga alternatibong paraan ng pag-iingay sa pagsalubong sa Bagong Taon. (Andi Garcia)
The post 25 na ang tinamaan ng paputok – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: