Facebook

BAGONG TAON, BAGONG PAGHAMON

Palakpakan at pagbunyi natin ang ating mga sarili dahil nalagpasan at natapos natin ang lumipas na taong 2022 na kung saan maraming kababayan nating mga Pinoy ang tumirik at hindi nakayanan ang dagok ng buhay sanhi ng pandemya hinggil sa virus na dulot ng covid19.

Ang eksperiyensang ito ay pwede nating ipagmalaki ng buong-buo sa mga susunod na mga henerasyon sa kadahilanang ang panahong ito ay puno ng sakripisyo, hirap at pagdurusa na tanging lakas na lamang ng loob ang kakapitan.

Maliban sa tibay ng loob ay pananalig at pananampalataya na lamang sa Poong MayKapal ang sinasandalan ng marami nating kababayan na walang ibang natatanaw kundi kadiliman.

‘Di kaila sa atin, maraming kapuwa nating mga Pinoy ang sumakabilang buhay sa loob lamang ng dalawang taon dahil sa pandemyang ito. Ito ay hindi lang dito sa Pinas kundi sa buong mundo, iba-ibang lahi, iba-ibang kulay.

Sa awa ng Diyos at sa tulong na rin ng siyensiya, unti-unti nating nagapi at nasugpo ang sinasabing krisis na kung saan ang ating kalaban ay hindi nakikita, ito ang mahirap sa lahat.

Lumipas ang taong 2022 at papasok ang panibagong taong 2023. Siguradong may muling paghamon at pagsubok tayong dadaanan. Ito ay walang katiyakan, kasiguraduhan… mas lalong hindi natin alam ang susunod na kabanata ng ating buhay, di po ba?

Tanging Diyos lamang ang nakakaalam ng tatahakin nating bagong landas sa yugto ng ating buhay kung kaya’t huwag sanang mawala ang ating pananalig at pananampalataya sa kanya.

Positibo man o negatibo ang ating dadaanang landas, hindi dapat mawala ang ating lakas ng loob, tapang at paniniwala na ang lahat ng ito ay malalagpasan nating muli.

Pasalamatan din natin ang Panginoon dahil halos wala na ang pandemyang nag-pahirap sa atin ng mahigit dalawang taon.

Itong pandemyang ito ay tinuturing na lang ng marami na endemya o endemic na nangangahulugang halos tapos na ang krisis.

Salamat din at nairaos natin ang araw ng Pasko na medyo maaliwalas, masaya at may liwanag na ng buhay na natatanaw.

Ganon pa man ay kailangan pa rin nating ingatan ang ating mga sarili. Tuparin at panatiliin pa rin natin ang disiplina at respeto sa isa’t isa dahil baka masayang lang ang ating pinaghirapan.

Harinawa’y magkaroon tayong lahat ng isang manigong bagong taon na tigib ng galak at ligaya.

The post BAGONG TAON, BAGONG PAGHAMON appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BAGONG TAON, BAGONG PAGHAMON BAGONG TAON, BAGONG PAGHAMON Reviewed by misfitgympal on Disyembre 27, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.