
HABANG lumalaon lumilinaw na ang usapin ng hustisya sa bansa’y nakakiling sa kung sino ang malapit o nasa poder ng kapangyarihan. Higit kung ang usapin na nakasalang ay may kinalaman sa pagitan ng meron at wala. May pangyayari na sa antas pa lang ng kapulisan kita ang pagkiling sa may pera o kaya sa may kaya sa buhay. Hindi malimutan ni Mang Juan ang tungkol sa tsuper ng isang mamahaling sasakyan na nanagasa ng traffic enforcer na tumagal ng ilang araw bago naimbitahan sa istasyon ng pulisya sa punong himpilan ng kapulisan. Uulitin, hindi hinuli sa halip inimbitahan ng kapulisan upang magpaliwanag hinggil sa kinasangkutang insidente. Nasa isang silid na may aircon, may media, naroon ang puno ng kapulisan, walang mugshot na naganap. Ano tama o mali ang unang pahayag. Sa kabilang dako, nariyan ang anak ni Aling Nanette ng Tondo na hindi na narinig ng panig at nakahandusay sa kakalsadahan sa isang hinalang akusasyon.
Mailap ang katarungan sa mga tao o personalidad na hindi sumasakay sa ibig ng mga nasa pamahalaan higit kung maririnig ito ng pagpuna na dama sa kaibuturan ng mga tinatamaan. Ayaw ng mga puna at batikos na tuwirang may tama sa gawa lalo’t may kinalaman sa pagpapaalwan ng buhay. Hindi na ibig na mawalay sa sarap ng buhay na dama higit kung kasama ang pamilya sa pakinabang na dala ng posisyong tangan. Naaalala ni Mang Juan ang anak ng isang kalihim na nahulihan ng droga subalit hindi man nakita ng madla ang mug-shot at patago pa ang inilabas na larawan na silip ang mukha. Ang masaya dito, may katagalan bago nasampahan ng kaso, may kaso na nga ba? Saan karsel ito naka piit? O’ unang naalis ang dating hepe ng PDEA sa pwestong kinalalagyan dahil sa panghuhuli sa anak ng kalihim, Tama ba ito Bondying?
Sa takbo ng katarungan, marahil magandang pagkakataon ito lalo sa natitirang araw ng taon para sa kasalukuyang pamahalaan na balik tanawan ang ilang usapin na kailangan ng masusing pagsusuri at kung nararapat na tuldukan, eh tuldukan. Tiyak na malaking kabawasan sa balikat ng mga taong gobyerno na naatasan na tumutok sa usapin, maging sa dumidinig. Sa kabilang banda, mainam na mabigyan ng pansin ang mga kaso na may katagalan ng hindi umuusad na bigyan pansin ng hindi magtagal sa pagkakapiit ang mga akusadong dapat palayain. Habang ang mga usapin na kailangan iakyat sa husgado’y dapat iakyat ng mabilis marinig at mabigyan pasya.
Bigyan laman ang usapin na kailangang bigyan pansin lalo’t may katagalan ng nasa piitan ang akusado na naparatangan ng mali dahil sa paniniwalang napikon ang dating pangulo na dating Mayor sa imbestigasyong ginawa ng ito’y puno ng CHR. Mahigit limang taon na nakapiit ang isang anak, ina, kaibigan, senador, puno ng CHR at dating kalihim na si Leila de Lima. Sa paratang ng dating pamahalaan, nawalan ng kalayaan si dating Sen. D5 na dahilan ng kanyang pagkakapiit. Mahaba na ang itinakbo ng usapin na naglantad sa kahinaan ng hustisya sa bansa dahil sa dami ng balakid upang madinig ng may kabilisan ang usapin na isinalang laban sa butihing senador.
Sa totoo lang, malayo na tinakbo ng usapin at may kaganapan na muntik na nitong ikapahamak habang nasa piitan. Hindi mawala ang panganib sa pagtigil sa isang lugar na ‘di mo hawak ang pagpapasya kung sino at hindi ang dapat ang makapasok o papasukin sa lugar na kinalalagyan. Ang naganap na insidente na nagdulot kay Sen D5 ng takot na ‘di maarok ang nagtulak sa pitak na ito umapela sa pamahalaan na bigyan ito ng mabilis na paglilitis. Paglilitis na nakamit ng ilang opisyal ng pamahalaan na nakasuhan. Magandang regalo para sa akusado na mabigyan ng mabilis na pagdinig na hindi ibinigay sa panahon ng dating pamahalaan. Sa totoo lang, ang kaganapan sa usapin ni Sen. D5, tila may hugis na dahil sa unti-unting nagbabago ng mga salaysay ang mga testigo na pinuwersa na lumagda sa isang affidavit na ‘di totoo. Ngunit, tunay na malikhain ang sanlumikha at parang domino na bumabagsak ang mga kasong iniharap sa dating senador sa pagbawi at pag amin ng mga testigo na gawa- gawa ang mga pahayag laban kay Sen.D5.
Sa takbo ng pangyayari lalo sa pagbaliktad ng mga testigo laban kay Sen. D5, napapanahon na isantabi ang usapin o isuko ang laban lalo’t may pahayag ang mga dating testigo na pinilit lang lumagda sa affidavit. Ang maling paggamit sa mga taong nasa posisyon para sa sariling interes ng nasa poder ang isang sakit na ‘di na dapat umiral sa lipunan lalo sa pamahalaan na nagpapairal ng Karapatan Pantao higit ng mga akusado. Napapanahon na iuurong ang kasong iniharap at kagyat na palayain ito. Ang mapalaya si dating SenD5, sa ngalan ng tapat na katarungan ang isang magandang pamasko na ihahandog ng pamahalaan. Malinaw na magkakaroon ito ng epekto lalo sa mga taong maling naakusahan.
Umaapela ang pitak na ito sa pamahalaan sa ngalan ng hustisyang makatarungan ang ibigay ang kalayaan sa dating Sen D5. At ito ang tamang gagawin. Wala ng dahilan upang manatili ito sa piitan dahil sa mga naganap na pagbaligtad ng mga testigo na dahilan ng pagkakapiit. Hindi kalabisan na igawad ang tamang pasya na palayain ito dahil sa maling paratang at sa pahayag ng mga testigo. Magandang puntos ito para sa pamahalaan ni Boy Pektus, na pagbibigay ng tamang hustisya sa mga taong pinagkaitan dahil sa kabila ang paniniwala. Tama ang panahon na makamit ang Kalayaan lalo’t malapit na ang araw ng Pasko. Boy Pektus isang magandang pagkakataon na isulong ang tamang hustisya para sa lahat at para kay Sen. D5.
Isang karagdagan, sa takbo ng panahon lalo’t dama na ang lamig at ang simoy ng kapaskuhan, nariyan at nilagdaan na ang pambansang budget ng gobyerno para sa 2023, nararapat na bigyan pansin ang kagalingan ng bayan. Maaari bang patikimin sina Mang Juan, Aling Marya, Ba Ipe at ang balana ng kapirasong kaginhawahan lalo sa pagbaba ng presyo ng maraming bilihin. Mainam na maibigay ng pamahalaan ang pamasko sa panahong ito, ang paggalaw ng mga bilihin pababa ang mainam na pamasko ng mapagkasya ang P500.00 budget para sa Noche Buena.
Maligayang Pasko sa Lahat!
Maraming Salamat po!!!
The post ISANG MAGANDANG PAMASKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: