
BAKIT mas gusto ng Pinoy ang ‘branded o stateside products’ kaysa gawang atin?
Bunga ng kaisipang kolonyal, maraming produkto natin ang pinatay ng importasyon na mas mura kaysa gawang atin.
Pinatay ng stateside products at ng importasyon ang mga matitibay na gawang sapatos sa Marikina; hinagod sa hirap ang magsasaka na mura ang bili ng palay, mura ang bili ng traders sa mga alagaing manok, baboy at iba pang negosyong atin.
Kahit ano’ng yabang at pagmamalaki ng operasyon laban sa ismagling, umaapaw ang mga tindahan sa puslit na kargamento.
Kahit nais bumili ng produktong appliances na gawang Filipino, wala namang mabibili; may gawang atin, pero pinekeng brand ng mamahaling damit, sapatos, at iba pa, marupok at mahina rin at madaling masira tulad ng gawang China.
Wala tayong sariling gawa na mga gamit elektroniko tulad ng cellphone, laptop at iba pang gadgets: lahat ay pawang gawa sa ibang bansa.
Kahit saan ka lumingon, produktong dayuhan ang makikita natin; kahit sa pagkaing lokal, natatalo na rin ng mga pagkaing dayuhan na mas kinasasabikang tikman ng ating dila.
Matagal na tayong malaya, pero alipin pa rin tayo ng isipang kolonyal.
***
May mga opisyal ng bayan na tsinelas ang suot nang pumasok sa gobyerno, at makaraan lamang ng ilang taon, imported shoes, makikislap na alahas at hindi na sila amoy pawis kungdi umaalingasaw sila sa mamahaling pabango.
Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?
Maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila sa kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.
Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.
Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?
***
Talagang kinakailangan nang baguhin Mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos (PBBM) ang polisiya ng bansa sa masyadong “pagkiling” sa China — na hindi naman “kaibigan” ang pagturing sa atin.
Oks at tama na kaibiganin natin ang China, tulad ng ibang bansa, pero ang pagkakaibigan ay dapat nakasalig sa katapatan at maayos na pagbibigayan.
Ang problema Mr. President hindi natin ito nakikita sa kasalukuyang relasyong Pilipinas at China.
Bakit ika nyo, at ano-ano ang mga katibayan?
Hindi po kinikilala ng China yung matagal ng hatol ng International Court sa Hague na atin nga ang mga Isla sa Spratley at iba pang isla na sakop ng ating economic zone.
Ang katotohanan po nyan PBBM, hindi lamang iisa kungdi pinararami pa ang mga instalasyong pandagat at military na itinayo sa mga pulo ng Spratleys na sobrang nakababahala na at lumilikha ng malaking tensiyon sa ating mga kakampi tulad ng US.
Tama po ang postura na makipagkaibigan tayo sa China sapagkat tanggap natin ang katotohanan, hindi natin makakaya ang harapang makipagsagupa sa digmaan sa higanteng armas, military at ekonomya ng China — na isang superpower.
Ultimo ang US na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nuclear ay atubili na makipagkomprontasyon sa komunistang China.
Lalo na wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China na ano ang makakaya nating isagupa sa barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel.
Napakasakit na katotohanan Kuya Eddie.
Tama po ba Mr. President ang posisyon ng pamahalaan na maging “maingat muna at mahinahon tayo” sa pakikitungo sa China, kahit na lantaran po tayong tinatarantado at nilalamangan nito sa ating kabutihang loob?
***
Hindi po natin iminumungkahi dear readers na magpakita tayo ng tapang laban sa China na hindi natin kayang mapanindigan.
Pero kailangan natin na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay natin sa bansang Tsina.
Kailangan marahil na magpakita tayo ng isang matinding golpe de gulat gaya ng pagtataas ng boses kontra China, tama po ba dear readers?
‘Wag nating ipakita na wala tayong buto at gulugod at bayag kontra China, period!
***
Ilang ulit ko na pong tinalakay ito: Ano nga ba ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?
Wala tayong pagkakaisa, pulos pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.
Magagawa natin na tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan kung ang mga kawani at opisyales na matitino at matatapat ay ating tutulungan.
Sa paanong paraan, sumunod tayo sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.
Matututo tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.
Maligayang Pasko po sa Lahat!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post MATUTONG SUMAMA SA PAGBABAGO, HUWAG HUMADLANG SA PAGBABAGO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: