
NAHARANG ng mga operatiba ng gobyerno ang iligal na droga sa dalawang outbound at apat na inbound parcels na nagkakahalaga ng Php 17.04 milyon matapos na madiskubre ang mga ito mula sa bodega ng Central Mail Exchange Center (CMEC) sa lungsod ng Pasay, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA, isinagawa ng BOC-NAIA, PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang operasyon noong biyernes ( Disyembre 9 ).
Nabatid sa ulat na dalawang shipment na patungo sa New Zealand, na idineklara bilang “Kix Shield Thick Foam” at “Kix Shield for TaeKwondo” ang dumaan sa x-ray machine subalit naghinala ang mga awtoridad kaya’t sumailalim ito sa 100% physical examination kung saan nadiskubre na naglalaman ng puting crystalline substance na nakabalot sa itim na duck tape at aluminum foil na nakatago naman sa makapal na foam ng mga thick shield.
Nakuha sa magkabilang pakete ang puting crystalline substance o ‘shabu’ na tumitimbang ng hindi bababa sa 828.8 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P 5.6 milyon.
Hindi rin naman nakalusot sa customs examiners ang apat na inbound parcels na naharang sa Central Mail Exchange Center (CMEC) kung saan ay natuklasan na naglalaman ng 1,676 gramo ng shabu na natagpuan sa isang paketa mula Mexico at nakatago sa isang ‘tamarind ball’ na tinatayang nagkakahalaga ng Php 11.4 milyon.
Samantala, may kabuuang 44 na cartridge na naglalaman ng langis ng cannabis ang natagpuan naman sa 3 pakete na nagmula sa Estados Unidos.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga iligal na droga habang patuloy na iniimbestigahan ang mga taong nasa likod ng ipinagbabawal na kalakalan. Kakasuhan sila ng paglabag sa Republic Act 916, Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang BOC sa pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon L. Ruiz ay mananatiling mapagmatyag at matatag laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga at iba pang kontrabando na papasok sa lahat ng paliparan at daungan sa buong bansa. (JOJO SADIWA /JERRY TAN)
The post MILYON-MILYONG SHABU AT CANNABIS OIL, NABUKO SA 6 AIR PARCELS SA NAIA WAREHOUSE appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: