UMALIS ng bokya si BBM at dumating ng bokya. Mukhang wala siyang nakuha sa kanyang state visit sa China kundi ang pangako ni Xi Jinping na “titingnan” ang suliranin ng mga na mga mangingisdang Pinoy na hindi makapangisda sa mayamang dagat ng West Philippine Sea (WPZ) na inaangkin at kinakamkam ng China. Kataka-taka na tahimik si BBM ng dumating siya mula Peking noong Linggo. Hindi niya sukdulang ipinagmalaki ang kanyang state visit.
“Malinaw ako ng subukan ko siyang kausapin tungkol sa suliranin ng ating mga mangingisda,” ani BBM sa paglapag ng kanyang eroplano mula Peking. “Ipinangako ng kanilang pangulo (Xi) na hahanap ng kasunduan ng pagbibigayan upang magkaroon ng solusyon na kapaki-pakinabang sa ating mga mangingisda upang makapangisda uli sa kanilang datihang pinangingisdaan,” ani BBM.
Bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ang tradisyunal na pinangingisdaan ng mga Pinoy na mandaragat sa WPS, bagaman kinakamkam ito ng China. Isinakdal ng Filipinas noong 2013 ang China sa Permanent Arbitration Commission at United Conference on the Law of the Sea. Sa makasaysayang desisyon, ibinasura ng Commission ang “Nine-Dash Line,” ang teorya kung inaaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea.
Hindi kinikilala ng China ang desisyon ng UNCLOS kahit kinilala ito ng international community sa pamumuno ng Estados Unidos na nagtataguyod ng karapatan ng maraming bansa na gamitin ang South China Sea sa pandaigdigang kalakalan. Umaabot sa $5 trilyon ng kalakal tulad ng langis mula Gitnang Silangan ang dumadaan sa South China Sea.
Patuloy ang panunuwag ng China sa Filipinas sa usapin ng kontrobersyal na karagatan. Patuloy ang paglabg ng Peking sa integridad ng teritoryo ng Filipinas at pangangamkam ng ilang isla sa WPS. Palaging nagrereklamo ang Manila sa Peking at nagsumite ang una sa huli ng ilang diplomatic protest.
Malakas ang loob ng Peking dahil mukhang ipinagkaloob sa isang kasunduan na hindi isinulat o sa bibig lang ni Rodrigo Duterte ang karapatan na pasukin ng China ang teritoryo ng Filipinas at nakawin ang yemang dagat ng Filipinas. Isa itong kabanata na hindi binigyan linaw ni Duterte na itinuturing ng mga Filipino na taksil sa bayan.
***
MGA PILING SALITA: “Mas mabuti pa matawag na Kakampink kaysa maging panatiko ng magnanakaw. Hindi ako matalino pero kabobohan matatawag ang taong alam ng ninakawan sila eh iboboto pang muli.” – Netizen Julia
“Trial lawyers know that a full blown criminal trial with presentation of witnesses isn’t usually completed in just three months. The brevity of the proceedings in this one case is a standard to aspire for but the question needs to be asked: was the name of the accused a factor?” Theodore Te, netizen, lawyer
***
NOONG Sabado, kumalat ang memo mula sa hepe ng PNP. Babala ang memo na ipinadala ng isang kaibigan sa hugong ng “destabilization movement” sa Armed Forces. Pakibasa:
WARNING
Good morning sirs!
References:
a. Tel Call from the CPNP; and
b. SMS from DSAF on January 7, 2023.
All SAF units are to stay in FULL ALERT due to destabilization movements from the AFP.
In this regard, all Battalion Commanders are directed to hold all leaves and passes for the meantime and conduct regular accounting to your respective personnel.
Further, let’s ensure the operational readiness of our personnel and equipment (move/shoot/communicate) particularly in dealing the said situation when need arises and be ready to move upon the orders of proper authorities.
Kindly acknowledge.
For strict compliance.
Ano ba ang totoong nangyari sa Camp Aguinaldo at Forst Bonifacio. Kumalat ang tsismis ng isang inaakalang destabilization plot. Umugong ang troop movements sa loob ng Camp Aguinaldo at Fort Bonifacio. Mayroon pang mga larawan ng mga tangke at 6×6 truck na tumakbo sa loob ng mga kampo. Wala lang nagpatunay.
Hindi namin ganap na nauunawaan kung ano ang napabalitang pagkilos sa AFP. Hindi namin naiintindihan ang dahilan ng iringan sa loob ng militar. Bago sa aming pandinig ang balitang destabilization bagaman sinasabing umuugat ito sa kawalang kasiyahan sa pagpapatupad ng bagong batas na nagpapataw ng tatlong taon termino sa mauupong AFP chief of staff. Hindi namin alam kung ito lang ang tanging dahilan.
***
Noong kasagsagan ng Kilusang Propaganda ng mga Filipino sa Espanya, maraming Filipino na uring Ilustrado nandoon, partikular sa Madrid. Kabilang sina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Felix Resurreccion Hidalgo, Mariano Ponce, magkapatid na Luna (pintor na si Juan at ang parmasyutiko na si Antonio), at marami pa.
Hindi lahat ng mga Kastila ay natutuwa sa pamamalagi ng mga Ilustrado na Filipino doon. Kabilang ang manunulat na si Mir Diez. Binabatikos ni Mir ang mga Filipino doon. Maraming nagalit sa mga Ilustrado ngunit wala silang magawa dahil may kapangyarihan ang mga manunulat na isulat ang kanilang nais doon.
Nagpulong ang mga Filipino at pinag-usapan si Mir Diez. Dahil iniinsuolto ang mga Filipino, napagkasunduan ng mga Filipino na hamunin ng duwelo si Mis Diez. Napagkasunduan na si Antonio Luna ang hahamon dahil siya ang may reputasyon bilang magaling sa baril at eskrima. Si Antonio Luna ang nagboluntaryo na humarap kay Mir Diez.
Noon pa man, may reputasyon si Antonio Luna bilang mainit ang ulo at kasador. Hinanap niya si Mir Diez sa mga kilalang lugar na pinupuntahan ngunit hindi kaagad nakita. Natiyempuhan niya na umiinom si Mir sa isang taberna sa Madrid. Pinuntahan kaagad at tama ang tip sa kanya. Nandoon siya.
Nilapitan ni Antonio si Mir at nagpakilala. Sinampal ni Antonio at dinuraan sa Mukha si Mir. Hinagisan ng guwantes at hinamon ng duwelo. Hindi tinanggap ni Mir ang hamon ng dakilang Filipino. Nilunok ang pride at hindi na siya nagulat ng kahit anuman laban sa mga Filipino.
The post BIYAHENG BOKYA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: