Suportado ni Calamba City Mayor Ross Rizal ang panawagang courtesy resignation sa mga heneral at colonel ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr.
Ito ay matapos na tumugon ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) region at nagsumite na rin ng kanilang courtesy resignation kasunod ng apela ng DILG chief.
Pinangunahan ang courtesy resignation sa Calabarzon ni Brig. General Jose Melencio Nartatez Jr., commander ng Police Regional Office 4A (PRO-4A).
Kasama ni Nartatez na tumugon sa apela ni Abalos ay ang kanyang limang provincial director na sina Colonel Christopher Olazo ng Cavite, Randy Glenn Silvio ng Laguna; Pedro Soliba ng Batangas; Donnic Baccay ng Rizal at Ledon Monte ng Quezon.
Ginawa ng grupo ang courtesy resignation nakaraang Biyernes sa annual Regional Director’s New Year’s call sa Camp Vicente Lim sa Calamba City.
Ayon kay Mayor Rizal ang pagtalima ng mga opisyal ng PNP sa Calabarzon sa panawagang courtesy resignation upang maugat ang problema sa ilegal na droga ay pagpapakita ng kanilang buong suporta para mapagtagumpayan ng administrasyong Marcos ang giyera kontra droga at mawalis ang mga gumagamit ng kanilang kapangyarihan para protektahan ang mga drug syndicate.
“Kaisa ako sa malinis na hangarin ng PNP-Calabarzon na mawalis ang mga bulok sa ating kapulisan na nagpapagamit sa mga sindikato ng ilegal na droga kapalit ng kanilang proteksiyon,” pahayag ni Mayor Ross.
Iginiit din ni Mayor Ross na sa hakbang na ito ng DILG ay nakatitiyak ang bawat Pilipino na seryoso ang pamahalaan na lipulin ang ilegal na droga na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.
Isa ring hakbang aniya ito ng pagpapakita ng administrasyong Marcos ng sinseridad na puksain ang ilegal na droga at mga protector nito sa kapulisan.
The post Calamba Mayor Rizal suportado courtesy resignation ng Calabarzon PNP officials appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: