NITONG nakaraang Friday, January 6, 2023 isang pagtitipon ang naganap sa Matang Tubig na dinaluhan ng mga kaibigan.
Naroon sina former Prosecutor General Jun Galvez-Catalan, Nonoy Roldan, Ric at Reby Mesa, Bebeng at Boy Chang, Boy Roldan, Boy “Ambo” Omiping, Lito at Eldy Tan, Edu Kabayan Mendoza, Mike Roxas, Oscar Flores, Bambi Enriquez, Henry Morales, Cesar Emiterio, Bok Soliman, Boy Apang, Bob Arespe, Bobot Yee, Boyet Salud, Louie Mirabueno, Tito Emiterio, Joel Galang, Barangay 196 Chairman Alan Reyes, Barangay 197 Chairman Alvin Enriquez, Ver de Vera, Embong, Baby Diche, Reymond, Apay, Jojo Badjao, Dodong Mata, Nareng, Boboy at Hermie Pablo, Embong Pascual at ang inyong lingkod.
Pabalik na sa US si Nonoy Roldan kaya isinabay ng grupo ang selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Syempre, hindi maaring walang inumin, beer at red wine, prutas, adobo manok, sweet and sour lapu-lapu, pansit at marami pang iba. Ngapala, maraming salamat sa naging cook na ibinuhos ang kanyang talento sa pagluluto, si Edmon bayaw ni Chairman Alan at sa lahat ng nag-asikaso. Palakpakan!
Kumustahan, picture-picture, biruan, kantiyawan, tawanan reminiscing the good old days. Kaya inabot kami nina Bok, Oscar, Cesar at Joel ng alas 3:00 ng umaga, heheheh.
Magkikita-kita ulit ang grupo sa January 14 (Saturday) na gaganapin sa Bahay ni Juan sa Novaliches sa pagdating naman ni Steve Nocum sa January 11. Tiyak na mauulit ang masayang kwentuhan at tawanan.
ProGen Jun, may videoke ba sa Bahay Ni Juan?
Isang maliit na lugar sakop ng Tondo II sa Maynila malapit sa R. Papa station ng Metro Rail Transit (MRT) ang Matang Tubig. Dito ako ipinanganak at nagka-isip.
Lupain ito ng aming Lolo, si Don Toribio Teodoro, ang nagpasikat ng Ang Tibay shoes. Sa Matang Tubig nanirahan ang ilan sa aming mga kamag-anak. Sina Kuya Boy Eliseo at Ate Adoring Galvez, Ate Lydia at Kuya Carding Galvez- Coyoca, Kuya Jorge at Diche Puring Galvez-Catalan, Lolo Emilio at Lola Abiang Gutierez, Kuya Ruben at Ate Zeny Gatchalian, Delfin at Elsie Salud, Lola Sanay, Kuya Sosing at Kuya Jing Angles. Mga kapit-bahay na sina Mang Ross at Aling Remy Mesa, Papa Medyong at Mama Choleng Flores, Mang Noneng at Aling Iska, Mang Arsenio at Aling Elo Roxas , Aling Esting, Aling Urya, Aling Anday, ang ilan sa kanila.
Malaki at mataas ang paggalang at pagrespeto ng bawat indibiduwal na naninirahan sa Matang Tubig. Walang “siga-siga,” walang mayabang, walang hipokrito, may pinag-aralan man o wala, may kaya sa buhay o wala, lahat pantay-pantay! Ewan ko ba, bakit meron yatang isa na akala mo kung sino na sya.
Hindi ko rin maaring makalimutan ang mga kaibigan na nasa ibang bansa gaya nina Toti Bautista, Monching Cesar Estrella, Yoyoy at Rey Mesa, Boyet Surio, Sonny “Goti” Ang, ang ilan sa kanila.
Marami rin sa taga Matang Tubig ang pumanaw na, isa na dito ang aking tatay, si Mang Sally, Kuya Jorge Catalan, Oscar Gayot, Mono Soliman, Rey Kuba, Elyong Kabayo, Noel Roxas, ang ilan sa kanila.
Mula sa aming pagkabata, marami kaming masasayang araw na nagsama-sama bilang matalik na magkakaibigan at magkakapit-bahay. Sabay-sabay din kami nagpatuli, larong basketball tumbang-preso, papintero, tiraduran, akyat sa puno aratilis, mambugbog ng snatcher, minsan suntukan, mangaroling, magpalipad ng saranggola, lusong sa sapa, mamboso sa simenteryo, ang ilan dito.
Syempre, hindi maaring kalimutan ang halo-halo, pansit, tubo, mais , puto bumbong at bibingka na pinasikat na tinda ni Aling Elo, lalo na kapag madaling araw ng Simbang Gabi. Pinasikat naman ni Maneng “Mike” Roxas ang paggawa ng leather belt.
Naalala ko pa noon, nag-manager ni erpat ng basketball team na isinali sa liga ng Barrio Obrero Youth Athletic Association (BOYAA). Imbes na Matang Tubig ang tatak ng team, pinangalanan niya itong “Eyes Water” coach ang aking Ninong Tony Go. May imbitado rin limang Chinese players mula sa Binondo. Second placer ang Eyes Water sa katapusan ng liga. Syempre, hindi makokompleto kasiyahan kung walang “blow-out.” Isang salo-salo sa bahay ni Kuya Jorge para ipagdiwang ang panalo sa liga.
Talagang masarap alalahanin ang napakasayang mga araw na iyon!
Mabuhay ang mga taga Matang Tubig!
***
“Magna Carta for Barangays” isinulong sa Kamara
PANTAY na pagkakataon ang isinusulong ni Bataan 1st district Rep. Geraldine Roman para sa lahat ng Filipino.
Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay sa pagtrato ng mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran. Matatag na naninindigan at bukas ang mambabatas sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat ng Filipino na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang ma-impluwensiyang grupo.
Sa House Bill 228 na inihain ni Roman, upang epektibong mapalakas at paganahin ang mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa kanilang nasasakupang lugar.
Layunin ng HB 228 o ang “The Magna Carta for Barangays” na tukuyin ang tiyak na pangunahing serbisyo at mga pribilehiyo nararapat sa barangay at mga residente nito.
“Hindi dapat balewalain ang mahalagang tungkulin ng mga opisyal ng barangay bilang isang political unit,” pahayag ni Roman, chairperson ng House committee on women and gender equality.
“Upang epektibong matugunan ang mga pangunahing serbisyo, kailangang palakasin natin ang barangay upang maging matatag sila sa kanilang pamumuno. Ang mga kailangang pasilidad gaya ng ligtas at maiinom na tubig, health centers, educational centers at schools, barangay halls, at mayroong nakahandang masasakyan sa lugar upang maitaguyod ang kapakanan ng mga residente sa barangay,” dagdag pa ni Roman.
Sa klase ng kanilang trabaho, sinabi ng mambabatas palaging nasa panganib ang kaligtasan at seguridad ng Barangay officials. Isa na rito aniya ang pagsugpo laban sa droga. Ang Barangay officials din aniya ang mas naka-aalam ng aktuwal na listahan ng mga posibleng drug peddlers at users sa kanilang komunidad.
“Ang opisyal ng barangay ang mas unang pinupuntahan sakaling mayroong reklamo laban doon sa mga sangkot sa droga bago makarating ang reklamo sa pulisya. Ang barangay ang unang nakatatanggap ng mga report sa krimen naganap o nagaganap,” pahayag ni Roman.
Binigyang-diin ni Roman ang malungkot na nararanasan ng mga Barangay officials sa kabila ng serbisyo na kanilang ibinibigay kaakibat ang panganib sa kanyang sarili at pamilya.
Hindi sapat ang mga benepisyo na kasalukuyang tinatanggap nila mula sa gobyerno.
The post Ang lugar kong sinilangan, ang tahanan ng aking lahi appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: