Facebook

Courtesy resignation sa mga protektor ng iligal ng sugal sa Mindoro

MAHIGIT 100 generals at colonels ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang “courtesy resignation”.

Ito ang inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos, Jr., kung saan sa kabuoang 956 high-ranking officials ng Philippine National Police (PNP), mayroon pang 113 opisyal ang hindi pa nakakapag-file.

Ayon kay Abalos, hinihintay pa nila ang tugon ng mga pulis partikular na ang mga nakatalaga sa Visayas at Mindanao hinggil sa mga sangkot sa illegal drug trade.

Sinabi ng kalihim na kanilang lilinisin ang “ninja cops” sa hanay ng PNP dahil kabilang sa mga nasasangkot ang mga opisyal na may mataas na puwesto.

Itinuturing din ng Commission on Human Rights (CHR) na dapat ay pang-unang hakbang lang ang panawagang courtesy resignation sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Ito’y kung ang layunin ay linisin ang hanay ng kapulisan mula sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Sa isang statement, sinabi ng CHR na ‘di dapat magtapos sa resignation ang paghingi ni DILG Secretary Benhur Abalos sa courtesy resignations ng mga PNP officials.

Dapat pa rin umanong habulin ang kriminal na pananagutan ng mga narco generals.

Samantala nais naman ng ilang mamamayang mindoreño na mag-bitiw na rin sa pwesto ang mga PNP officials na protektor ng iligal na sugal particular na ang pamamayagpag ng jueteng sa Oriental Mindoro upang sa ganon anila nito ay maipapakita sa publiko na ang batas ay patas o parehong kumikilala mayaman ka man o mahirap.

Marapat umanong sisilipin ni DILG Sec Abalos s ang umano’y patuloy na pamamayagpag ng iligal na sugal sa nasabing lalawigan ng dahil malinaw na kinukunsinte umano ito ng lokal na kapulisan.

Ayon sa sumbong na nakarating sa BALYADOR, ang pangungubra ng mga kubrador ng taya sa jueteng ang pinagbabasehan ng iligal na sugal na milyong piso ang arawang kubransa sa buong lalawigan.

“Obyus ang proteksyon na ibinibigay ng kapulisan, mula probinsiya hanggang rehiyon maging ng NBI, dahil lantaran ang pagpapataya ng kubrador ng jueteng kahit may pandemya pa nang hindi man lamang hinuhuli,” pahayag ng isang source sa nasabing probinsiya na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan para sa kanyang seguridad.

Sinabi nitong mga tigasing opisyal umano sa nasabing lalawigan ang ipinangangalandakan ng gambling operator na alyas Chito Mañalac na kanyang mga “kasangga” ang kapulisan sa nasabing lalawigan kaya hindi umano hinuhuli ang kanyang negosyong iligal na sugal.

“Ayaw kong maniwalang protektado ng mga opisyal ang iligal na sugal, pero nagtataka lang ako kung bakit hinahayaan nila ang nasabing iligal na sugal na lumalabag PD 1602 dahil sa pangungubra ng pera, katunayan ang resultang lumabas kahapon ng tanghali ay 39-3 at 22-5 naman kagabi” pahayag ng impormante.

Aniya, pareho ang halagang natatanggap ng ilang tiwaling opisyal ng PNP mula sa Droga at Sugal.

Sinabi pa ng source na taga-Pangasinan ang financer ng Jueteng na ang umano’y resulta ay nagmumula pa sa probinsya ng Quezon.

Dagdag pa sa source, isang Police General na may inisyal na “RF” ang nasa likod ng lantarang sugal sa lalawigan ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.

Tila wala rin umanong silbi ang naging pahayag at kautosan ni PNP Chief, Lt. General Rodolfo Azurin Jr na: “I am giving you a week. If you will not stop illegal gambling, I will relieve you.”- Ang kautosan ay nakaukol sa lahat ng regional at provincial directors sa buong kapuluan. Kasabay ang pagbibigay-diin ni Azurin: No take policy. na ang ibig sabihin, walang sinuman ang dapat tumanggap ng suhol sa mga gambling lords. Kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo ang mga pulis na mapatutunayang sangkot o protektor ng iligal na sugal sa kani-kanilang mga nasasakupan. Kung nagawa ni Sec Abalos na pagbitiwin ang mga Colonels at Generals na sangkot sa drug trade ay pwede ring mag-courtesy resignation ang protekto ng 1602.

Subaybayan natin!

***

Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:30am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.

The post Courtesy resignation sa mga protektor ng iligal ng sugal sa Mindoro appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Courtesy resignation sa mga protektor ng iligal ng sugal sa Mindoro Courtesy resignation sa mga protektor ng iligal ng sugal sa Mindoro Reviewed by misfitgympal on Enero 14, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.