Facebook

KALOKOHAN NG BANGKO

MAY mga natanggap kaming kalatas mula sa iba’t ibang netizen hinggil sa mga bank scam na sangkot ang ilang malaking commercial bank tulad ng Security Bank and Trust Company. May mga reklamo sila sa pagkawala ng kanilang deposit sa naturang bangko. Batay sa mga salaysay nila, mukhang sangkot ang empleyado ng bangko sa mga kasapi ng sindikato na bumiktima sa kanila at nagnakaw sa kanilang pinaghirapang pera.

May iba’t ibang modus operandi ang mga kasapi ng sindikato na bumiktima sa mga depositor ng Security Bank. Isang 80-anyos na retiradong propesora ang kinontak at nilansi ng isang kasapi ng sindikato. Nagprisintang ipagbubukas siya ng electronic account dahil hindi siya makakapasok ng transakyon sa bangko kung hindi siya enrolled sa online banking. Madali siyang naibukas online ng isang electronic account dahil kaunti lang ang mga requirement. Ngunit nilansi siya na ibigay ang password at tinangay ng sindikato ang P100,000 na kanyang deposit.

Isang mamamayan ang nagreklamo na nilimas ang kanyang P1.1 milyon na deposito matapos payuhan siya ng isang kasapi ng sindikato na pumasok sa electronic banking dahil “ito na ang sistema” ng Security Bank. Nilansi siya na ibigay ang password at nilimas “sa isang oras” ang kanyang naipon sa pagtratrabaho bilang isang OFW sa loob ng 23 taon. Hindi sinagot ng mga namumuno sa Security Bank ang kanyang reklamo.

Sa dalawang halimbawa ng maraming usapin ng mga depositor ng Security Bank na nawalan ng kanilang mga deposit, may mga napansin na kakulangan ang bangko. Hindi sila nagbigay ng masusing edukasyon sa publiko tungkol sa online banking. Ipinagmagaling ng Security Bank at iba pang bangko na maganda ang online banking sapagkat puede silang makapagtransakyon sa bangko kahit hindi pumunta sa alinmang branch. Hindi kailangan ang physical appearance, kaya ito umano ang sagot sa pandemya. Ngunit walang kampanya sa pubiko. Maraming depositor ang kumapa sa dilim tungkol sa online banking.

Walang sistema ang Security Bank sa mga nagharap ng anumang daing o reklamo sa sinumang depositor. Tanging ang kanilang call center na nagpapakilalang “customer assistance” ang nakakausap sa pamamagitan ng telephone sa kanilang mga daing at reklamo. Pagkatapos ideposito ang kanilang pera, deadend na ang mga depositor sa anuman na mangyayari. Hindi sila pinag-aaksayahan ng panahon na kausapin ng maayos ng sinumang opiyales ng bangko kahit anong sensitibo ang kanilang hinaing.

Kung may migration, o paglipat, mula sa tradisyunal na paraan ng pagbabangko, sa bagong paraan, marapat na may sapat ng information campaign ang bangko upang ganap na turuan ang mga depositor na lilipat sa makabagong sistema. Sa ibang bansa, mas nauuna pa na bigyan ng edukasyon ang mga depositor tungkol sa bagong sistema kesa sa paghahayag sa publiko. Mas mahalaga ang mga depositor ang mauna imbes na ang publiko. Walang ganitong information campaign sa Security Bank.

Sa mga halimbawa na nakalap tungkol sa nakawan sa deposito, mas nauna pang nalaman ng mga nanakawan na depositor ang bagong sistema sa mga kasapi ng sindikato na kumontak. Kung hindi kumontak ang sindikato, hindi nila malalaman ang tungkol sa online banking. Ngunit panlalansi sa mga depositor ang ginamit ng mga sindikato.

Hindi tama ang ikatwiran ng Security Bank na kasalanan ng mga biktimang depositor ang pagkawala ng kanilang deposit sa mga kasapi ng sindikato. Hindi tama na ibunton ang sisi sa depositor sa pagkawala ng kanilang deposit dahil ibinigay nila sa mga kasapi ng sindkato ang one-time password (OTP) ng kanilang deposit.

Sa ibang bansa tulad ng New Zealand, may mga pagkakataon na ibinibigay ng depositor ang OTP upang ma-reset ang password. Gayunpaman, walang iniulat na insidente kung saan nawala ang deposit ng nagbabangko. Sa totoo, kulang ng safety measure ang Security Bank kaya nawala ang deposit ng mga biktima. Hindi maayos ang kanilang sistema sa online banking.

Bukod diyan, mukhang kasama sa sindikato ang mismong empleyado ng Security Bank. Paano nila maipapaliwanag ng management ng Security Bank ang labis na kaalaman ng mga kasapi sa sindikato ang mga intimate detail ng pagkatao at pagkikilanlan ng mga biktima? Mula sa salaysay ng biktima ng bank fraud, napaniwala ng mga nagpanggap na empleyado ng bangko ang mga biktima batay sa information na tanging sa bangko nila ibinigay. Ito ang batayan ng isiniit ng mga biktima na may sabwatan ang sindikato at mga empleyado ng Security Bank upang nakawin ang kanilang pinaghirapang deposit.

Inirereklamo ng mga biktima ng cyberfraud na walang magpagsumbungan sa pagkawala ng kanilang deposit sa Security Bank. Hindi kumukilos ang Security Bank kahit may reklamo. Hindi kumikilod ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may kapangyarihan na manmanan ang mga bangko at tingnan kung tinutupad nila ang mga batas sa pagbabangko. Wala umaasikaso sa kanila.

Hindi sila pinapansin ng mga mambabatas upang tingnan kung may kailangan baguhin sa batas. Ilang biktima ng bank scam ang lumapit kay Raffy Tulfo. Hindi sila pinansin ni Tulfo.Hindi rin sila inintindi ni Joey Salceda sa Kamara de Representante. Hindi sila pinansin ng mass media tulad ng radio, telebisyon, at pahayagan dahil ang mga bangko ang kanilang advertiser. Malakas magpanhik ng benta ang mga bangko dahil sa advertising. Paano na ngayon?
*
HINDI pinasok ng legal team ni dating Senador Leila de Lima ang plano na magsumite ng petition for habeas corps sa Korte Suprema. Iniuna nila ang pagsumite ng motion to post bail sa hukuman na kasaluyang dumidinig sa sakdal kay Leila, isang bilanggo ng konsensiya. Sang-ayon sa mananaggol na si Filimon Tacardo, umabot sa dalawang taon ang petisyon ni Gigi Reyes bago umakson ang Korte Suprema. Malamang na matagalan ang pagdinig sa kasi ni Leila sa Korte Suprema.

Mas madali ang pagsumite ng motion to bail sa RTC na dumidinig sa kaso. Isang huwes lang kausap. Maaaring tumagal ng dalawang buwan upang madesisyunan ng hukuman ang petisyon ni Leila. Sana na mabilis nga. Totoong dapat mapalaya si Leila sapagkat walang dahilan upang siya ay patuloy na ikulong sa piitan. Pwang binawi ng ng mga saksi ang kanilang mga naunang pahayag na nagdidiin sa butihing senadora.

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Indeed, ICC cannot be deluded. Talaga naman kulang na kulang ang mga sinasabing imbestigasyon dito sa malawakang patayan sa ilalim ng Duterte drug war.” – Leila de Lima, political prisoner

“Bakit nyo idinadamay ang buong Pilipinas? It’s only Gongdi & his henchmen the ICC is after, not the entire country. It’s about accountability, not sovereignty.” – Joel Cochico, netizen, kritiko

“Imposible wala kaugnayan si Bato sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga kung saan libo-libo ang inulat na pinatay ng walang proseso sa batas. Siya ang PNP chief na lumagda sa Memorandum-Circular na naglunsad sa Project Double Barrel na may dalawang mukha – Oplan Tokhang at Oplan High Value Target – bilang batayang legal ng mga EJKs. Siya nga ang arkitekto ng malawakang patayan ng digmaan kontra droga ni Duterte.” – PL, netizen, kritiko

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post KALOKOHAN NG BANGKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
KALOKOHAN NG BANGKO KALOKOHAN NG BANGKO Reviewed by misfitgympal on Enero 31, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.