Facebook

KOTONG NI “INSTANTINO”, ALAM KAYA NI PBGEN. JOHN CHUA?

NASUSUONG ang Philippine National Police (PNP) sa kontrobersiya matapos na hilingin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos sa mga third level official (general at colonel) na magsumite ng courtesy resignation para sa utos na “internal cleansing” ni Pangulong Bongbong Marcos dahil sa pagkakasangkot ng ilang police official sa illegal drug.

Lima-kataong probe team ang binuo ni Sec. Abalos para silipin ang mga sangkot na mga opisyales na sa unang pahayag ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ay sampung third level official na nagsisilbing coddler o protector ng sindikato ng droga na naging aktibo sa operasyon matapos ang anim na taong pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa isinasagawang imbestigasyon sa mga sangkot sa droga, sinabi naman ni PDG Azurin Jr., na nais niyang isailalim din sa lifestyle check ang mga heneral at colonel at kapag napatunayan na nagkamal ng salapi dahil sa pumatong sa droga at iligal, tulad ng gambling ay pananagutin. Hindi aniya madali ang kanyang ginagawa, pero kailangang gawin para linisin ang police organization.

Sa tagal kong naging police beat reporter na ang istambayan ay police headquarter, batid ko ang nangyayari at kalakaran sa kapulisan. May masamang commander na ang hanap lagi ay pagkakakitaan, pumapatong sa mga iligal para magkaroon ng weekly o regular tongpats, pero mas marami yaong mga mabubuti, tapat sa tungkulin na tinatanggihan ang “crying money”.

Kapag si commander ay tumatanggap ng tong sa mga iligal, ang nangyayari ay hindi na nito nagagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin bilang alagad ng batas. Ang reklamo ng taumbayan na problema sa bawal na droga at lantarang operasyon ng mga sugalan ay hindi na inaaksyunan. Kumbaga, mistulang bulag, pipi at bingi si hepe o opisyal sa daing ng lipunan dahil nagpakasal na kay satanas at sa mga iligal, sa ngalan ng tongpats.

Hindi iisa o iilan ang tinatamaan ng ating pitak, hindi ko na din mabilang ang mga heneral at colonel na pinupuna natin dahil bilang mamamahayag, tayo ang sumbungan ng mamamayan na ipinaaabot naman natin sa kinauukulan at maging sa kapulisan pagkat sila ang may mandatong magpa-iral ng batas kasama din ng mga local government leader.

Kung maraming plastic na PNP official, mas marami ang totoo, makatao at ginagampanan ng maayos ang kanilang trabaho tulad ng lagi nating pinupuri na si National Capitol Region Police Office (NCRPO) Director MGen. Jonnel Estomo na malakas na contender bilang next PNP Chief dahil mismong ang DILG Sec. Abalos ay pinapupurihan, bilib kay MGen. Estomo na isang action man na katangian ng isang magaling at maasahang PNP official.

May mga iba pa sa listahan natin na maaasahang police official pero talagang napahanga din tayo sa management style ni Region 1 PNP Director BGen. John Chua. Bilang matagal nang media practitioner, marami tayong kilala at kaibigang heneral pero itong si BGen. Chua bagamat hindi natin personal na kakilala ay nakikita sa gawa at nararamdaman ang kanyang pagiging sensitibo sa puna at sumbong ng taumbayan. Kumikilos ito at di nagpapabaya.

Ang feed back ng ating mga KASIKRETA siya ay action man, mabilis kumilos at napatunayan natin nang ating isiwalat ang dalawang pergalan, isa sa Pozzorubio at ang nasa Villasis, parehong nasa lalawigan ng Pangasinan na kaagad nitong iniutos na ipatigil ang operasyon ng mga iligal na pasugalan.

Ngayon ay may ibinabato na namang sumbong hinggil sa isang “Instantino” na umiikot sa mga pergalan, gamit na pangalan sa pangongotong si Pangasinan Provincial Commander Col. Jeff Fanged, at pati ang pangalan ni Gen. Chua ay karay-karay din ni “Instantino” ayon sa ating police insider sa provincial command.

Isa sa lingguhang kinokolektahan ni “Instantino” ay ang pergalan con mini casino ng isang Oldak na nasa kahabaan ng highway ng Brgy. Nancayasan patungo sa SM Mall sa Urdaneta City na ang contact ay ang poste o bantay ng mga pasugalan na ginagamit ding drug den ay si alyas “Nilo”.

Ang weekly tongpats na inihahatag ni Oldak kay “Instantino” ang nagiging tila moog at matibay na pader na sandalan kung bakit hindi matinag ang operasyon ng inerereklamong pergalan con drug den nitong sina Oldak at Nilo.

Maaring di pa nakakarating kay PBG Chua ang mga karantaduhan nitong si “Instantino” kaya bago mamantsahan nito ang imahe ni heneral ay kailangan kumilos na si Col. Fanged, atasan nito si Urdaneta Police Chief, LtCol. Benzon D. Pimentel na arestuhin sina Oldak at Nilo, gibain ang kanilang pergalan na gamit din sa bentahan ng shabu.

Nagtataka ang mga taga-Urdaneta kung bakit lantaran ang pailigal nitong sina Oldak at Nilo sa Brgy. Nancayasan ay dedma, di inaaksyunann ni LtCol. Pimentel?

Tiyak na hindi kukunsintihin ni PBGen. Chua ang mistulang pagong na pagkilos nina Col. Fanged at LtCol. Pimentel laban kina “Instantino”, Oldak at Nilo.

May isinusumbong din sa atin na pergalan operation sa bayan ng Calasiao, hometown ng new CIDG Director MGen. Romeo Caramat na sa pagkakaalam natin ay isa ring masipag at tapat sa tungkuling PNP official. Abangan ang aksyon ni BGen. Chua…

BATANGAS PNP DIRECTOR, COL. PEDRO SOLIBA, NO SHOW VS. SAKLAAN, PERGALAN!
Mistulang “tulog sa pansitan” hindi kumikilos si Padre Garcia Town Police Chief Major El Cid Villanueva laban sa lantarang operasyon ng saklaan sa Malvar Street, Padre Garcia, Batangas ng bigtime na drug pusher din na sina Tisoy at alias Nonit. Nasa tabi lamang ito ng rebisahan ng STL con-jueteng na pinatatakbo din doon ng dalawang tinataguriang salot sa nasabing bayan.

Mariing tinutuligsa din ang operasyon ng pergalan (perya at sugalan) ni Bong sa Brgy. Lanatan, sa bayan ng Balayan na nasa hurisdiksyon ni Police Chief Major Domingo Ballesteros Jr. gayundin ang pergalan con drug den sa Brgy. Putol sa bayan ng Tuy, malapit lamang sa barangay basketball court ng drug addict na si Janog na di rin kinakanti ni Police Chief Major Nepthalie Solomon.

Kung susumahin, ayon sa ating police insider ay may 50 ang bilang ng nag-ooperate na pergalan sa hurisdiksyon ni PD Soliba, ngunit nagtataka ang mga Batangueno kung bakit tila nganga lang, di gumagalaw itong butihin nating Colonel versus pergalan con drug den.

Ang ilan pa sa mga inerereklamong pergalan ay nasa Brgy. Pinagtong-olan, bayan ng San Jose-operator Glenda; ang kari-raid lamang ngunit muling nag-ooperate na Brgy. Lodlod at Brgy. Mabini, kapwa sa Lipa City, na pinatatakbo ng police scalawag na alias Sgt. De Guzman na may aliases na Digoy at Allan at ng kalaguyo nitong si Jobelle; Brgy. Pansol, bayan ng Padre Garcia at Brgy. Bulihan na kapwa pinatatakbo ng isang Venice, Brgy. Loyus-operator Agnes, Brgy. Pagaspas-operator Niki Bakla at iba pa.

Kung patuloy na “magtetengang kawali” si Col. Soliba at maging ang kanyang Intelligence officer at operatiba laban sa saklaan at pergalan na pawang mga conduit ng drug trade ay lalong lalala ang drug problem, sa Batangas.

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.

 

The post KOTONG NI “INSTANTINO”, ALAM KAYA NI PBGEN. JOHN CHUA? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
KOTONG NI “INSTANTINO”, ALAM KAYA NI PBGEN. JOHN CHUA? KOTONG NI “INSTANTINO”, ALAM KAYA NI PBGEN. JOHN CHUA? Reviewed by misfitgympal on Enero 18, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.