Facebook

Ituloy ang pagbawi sa mga bangketa; at ‘ninja cop’ sa PNP-DEG

MAGANDANG ituloy ni DILG Secretary Benjur Abalos, Jr. ang programa ng pinalitan niyang kalihim na si Eduardo Ano na pagbawi sa mga bangketa na inare na ng mga business establishment at mga residente partikular ang mga nasa loobang kalsada.

Matatandaang noong si Ano pa ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay pinagiba niya ang mga nakatayo o nakapuwesto sa mga bangketa kahit sa loobang residential areas sa buong bansa.

Pero nang matapos ang termino ni President Rody Duterte at mapalitan din si Ano sa DILG ay nagbalikan ang obstructions sa bangketa – nilagyan ng mga lamesa, labahan, mga bulaklak at permanenteng parking ng kanilang sasakyan – tapos kabilaan ang parking, kaya kapag nagsalubong ang mga sasakyan ay hindi malaman ng driver kung paano tatabi o saan aatras. Animal!

Halimbawa lamang sa Tondo, Manila, ang mga secondary road ay 2 lanes, pero hirap makadaan ang isang sasakyan dahil kabilaan ang parking at andaming obstructions!

Kahit nga sa main road, halimbawa lang sa Delpan, Tondo, mula sa may Gat Andres Memorial Hospital hanggang Zaragoza st. palusot ng Mel Lopez Boulevard (Road 10) ay hirap nang dumaan ang mga sasakyan gayung 2 to 3 lanes ang lapad ng kalsada rito. Kasi double parking kabilaan, tapos yung mga business establishment sinakop ang isang lane kaya sumikip ang kalye.

Ayon sa ating mga bubuwit, may timbre sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), pulisya at barangay ang mga trucking at establishments na ginawa nang kanila ang kalye.

Ang mabuting gawin dito, Sec. Abalos, ay kasuhan ng kapabayaan itong mga local government unit partikular ang barangay chairman na pabaya sa paglinis sa kanilang nasasakupan. Let’s do it, Sec. Abalos, Sir!

***

Nitong nakaraang Linggo, may magdyowang magkaangkas sa motorsiklo ang nasawi nang bumangga sila sa isang truck na nakaparada sa kahabaan ng Capulong street, Tondo.

Ang kalye ng Capulong ay main road pero ginagawang paradahan ng mga truck kabilaan lalo sa gabi. Tapos may kadiliman pa sa lugar, talagang delikado sa mga nagmomotorsiklo lalo ‘pag lasing ang driver, tapos walang warning device ang hulihan ng mga nakaparadang truck. Patay!

Dapat panagutin ang may-ari ng truck sa nangyari sa magdyowa. Bawal ang pumarada sa kahabaan ng Capulong.

MMDA Chairman Romando Artes, pakiwalis ang mga truck na nakaparada sa kahabaan ng Capulong at Mel Lopez Boulevard (Road 10). Aksyon!

***

Isa na namang operatiba ng PNP-Drug Enforcement Group ang natimbog sa buy bust operation nitong Lunes ng gabi sa Sta. Cruz, Manila.

Ang “ninja cop” ay kinilalang si Staff Sgt. Ed Dyson Banaag.

Mga tauhan ng National Capital Region Police Office anti-narcotics unit ang nakadakma kay Banaag.

Si Banaag ay dating operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) bago nalipat sa PNP-DEG.

Inaresto rin ang mga dating kasamahan ni Banaag sa CIDG na sina SSgts. Raymund Portes at Jerry Saratobias Jr. na binalak arborin si Banaag.

Tingin ko recycle ang binibentang droga ni Banaag na nakuhanan ng 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170K.

Kaya ‘di matapos-tapos ang problema sa droga sa bansa ay dahil sa mga ganitong uri ng pulis.

Pinupuri ko ang NCRPO anti-drugs sa pagkahuli kay Banaag.

The post Ituloy ang pagbawi sa mga bangketa; at ‘ninja cop’ sa PNP-DEG appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ituloy ang pagbawi sa mga bangketa; at ‘ninja cop’ sa PNP-DEG Ituloy ang pagbawi sa mga bangketa; at ‘ninja cop’ sa PNP-DEG Reviewed by misfitgympal on Enero 18, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.