Titser ko siya noong kolehiyo noong dekada 1970. Kasagsagan ito ng batas militar ni diktador Ferdinand Marcos. Maraming bawal sa ilalim ng diktadura. Sa gabay ng aking titser, natapos ko ang kurso. Binibigyan ko siya ng kredito dahil maraming akong natutunan na nagagamit bilang isang mamamahayag.
Sa mga nagdaang taon, pareho kaming abala sa aming gawain at hindi nagkausap. Nagkaroon kami ng muling ugnayan sa pamamagitan ng social media (Facebook) mga tatlo o apat na taon na nakalipas. Pero noong Jueves, nagkausap kami sa FB. Isiniwalat niya sa akin na biktima siya ng scam kung saan nawala ang kanyang deposito sa bangko.
Hindi mayaman ang aking dating titser. Ngunit masikap at masinop sa buhay. At maimpok. Ikinuwento niya na may itinabi siya na halaga sa branch ng isang bangko na malapit sa kanilang bahay sa Quezon City. Hindi ito ginagalaw dahil nakalaan ang pera sa mga gastusin kung sakaling magkasakit at maratay siya. Nasa 80 anyos na siya. Hindi niya kabisado ang mga nagsusulputang bagong teknolohiya.
“Dormant account” ang tawag sa kanyang deposito. Hindi aktibo. Nakalagak lang sa bangko. Dahil patapos ang taon, nagpunta siya noong Disyembre sa branch ng bangko upang humingi ng update. Nagbigay siya ng mga detalye bilang bahagi ng SOP ng bangko upang masiguro ang pagkakakilanlan ng sinumang depositor. Hindi dito nagtatapos ang kuwento.
Nakalipas ang ilang araw, may babae na tumawag sa dating titser ko. Nagpakilala na staff umano ng bangko. Walang litrato na lumabas sa cp niya. Logo lang ng bangko. Alam ang detalye tungkol sa titser ko kaya nakumbinsi siya na tauhan nga ng bangko ang tumawag. Sinabi ng babae na kailangan itala siya electronic banking para makipag transaksyon siya sa bangko.
Bantulot ang titser ko ang online banking dahil mas sanay siya sa traditional banking kung saan may passbook. Ngunit kinumbinsi siya. Dito na pumasok na ang panloloko. Sa enrolment umano sa electronic banking, binigyan siya ng one time password (OTP) na ginamit upang kunin ang kanyang deposito.
Segundo lang ang lumipas at nailipat ang deposito niyang P100,000 sa ibang account na hindi niya alam. Nauna ang P50,000 na napunta sa isang account sa Union Bank. Ginamit ng scammer ang InstaPay para makuha ang natirang P50,000.
Nairecord niya ang detalye ng transaksyon. Ito ang basehan nang nagsampa siya ng reklamo sa bangko. Ngunit hindi tinanggap ng bangko ang kanyang liham. Sa kanyang pakiwari, ayaw makialam ng bangko sa mga usapin ng panloloko na sangkot ang mismong bangko. Napilitan magsaliksik ang dating guro tungkol sa usapin ng bank fraud.
Nalaman niya na mahigit 300 depositor ng kanyang bangko ang naloko kung saan inilipat ang mga hindi awtorisadong withdrawal sa account sa ibang bangko na hindi makilala kung kanino ang mga account. Nabatid ng aking guro na karaniwang biktima ang mga senior citizen na hindi kabisado ang pasikot-sikot sa electronic banking.
“Phising” ang tawag sa nangyari sa aking dating guro. Nakunan siya ng mga detalye tungkol sa kanyang pagkatao at bank account. Inengganyo siya na isama sa electronic banking. Bagaman pinaalalahanan ng bangko ang kanilang mga depositor na huwag ibigay ang password kahit kanino lalo na sa mga tumatawag na staff umano ng bangko, mayroon pa rin depositor na kumakagat dahil hindi kabisado ang online transaction.
Maaaring umabot sa libo ang mga biktima ng cyberfraud kung saan ang mga hindi awtorisadong withdrawal sa mga biktimang depositor ay nalipat sa ibang account. Ayon sa aking guro, nalaman niya na na napunta ang mga pera sa mga account sa Union Bank. Ginamit rin ang InstaPay at GCash upang mapasakamay ang salapi sa mga kasapi ng sindikato.
Hindi alam ng aking guro kung maibabalik sa kanya ang nawalang pera na pinaghirapan sa ilang dekada ng pagtuturo. Ipinaalam niya sa bangko ang nangyari sa kanya, ngunit ang tanging pangako sa kanya ay sisiyasatin ng bangko sa susunod na 20 araw. Walang malinaw kundi pangako na maaaring mapako.
Sumang-ayon ako sa mungkahi niya na ipagbigay alam sa mga mambabatas ang laganap na bank fraud upang magkaroon ng batas o polisiya. Ngunit binalaan ko siya na huwag umasa dahil sa nakakalungkot na kalidad ng mga mambabatas. Malalim sa kanila ang isyu at baka hindi nila kayanin at maintindihan, sabi ko.
Lumaki ako na tinitingala ang bangko. Dito itinatago ang sobrang pera upang magamit sa panahon ng pangangailangan. Ngunit sa mga nangyayari ngayon, mas mainam na mag-ingat sa bangko. Hindi tayo sigurado kung protektado ang ating pera.
***
MGA PILING SALITA: “Noong panahon ni PNoy nakakaawa iyong mga LA COSTE sa crocodile farm ng Congress.. Ang papayat nila at halos puro malnourished lahat! Come 2016, unti unting nagsitabaan at naging masigla! Ngayon hala! Nagsilakihan lalo! Halos lahat ka size na ni LOLONG!!” – Nilo Diaz, netizen
“Sa Colombia at Mexico drug cartel lang meron. Sa Pinas daming cartel. May sa bigas, sibuyas, asukal at ngayon itlog na. Mas malupit pa sa droga. Samantala byahe na naman si Dayunyor. Ayaw asikasuhin presyo ng pagkain.” – Manny Mogato, netizen, mamamahayag
“Netizens say BBM isn’t in charge. An understatement. Truth is he doesn’t know what to do. He has no program of gov’t, no agenda.” – PL,netizen, kritiko
“Sa nangyayari ngayon sa Pilipinas, [ang] pakiramdam ko ay wala naman talaga tayong presidente. Leni is The President we truly deserve.” – Pari Koy, netizen, critic
***
SINABI kamakailan ni JV Ejercito na nahuhuli ang transportasyon ng Filipinas ng 35 taon kung ihahambing sa mga kanugnog bansa. Hindi ko alam kung ano ang batayan ni JV. Mukhang sabi lang iyan. Paandar hangin para may publisidad. Hindi niya talagang pinag-aralan kung bakit nahuli tayo. Nauna ang konklusyon kahit walang detalye.
Ang pinakamaganda ay mag-deliver siya ng privilege speech sa Senado. Ipaliwanag niya ang sitwasyon ng transportasyon sa bansa. Sabihin niya ang mga dahilan kung bakit naiiwan tayo ng 35 taon. Pinakamahalaga na magmungkahi siya ng solusyon. Isa-isahin niya ang maaaring gawin ng Kongreso – mga panukalang batas at siyempre, ang mga hakbang ng Ehekutibo. Tingnan natin kung pakikinggan siya ni BBM. Hindi pwede ang puro lang salita.
The post MAG-INGAT SA BANGKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: