Facebook

ANOMALYA SA PPA

HINDI bago si Jay Santiago sa anomalya. Bilang general manager ng Philippine Port Authority (PPA) sa buong anim na taon termino ni Rodrigo Duterte, hindi lang minsan nakaladkad ang kanyang pangalan sa iba’t ibang uri ng anomalya sa PPA. Political appointee si Santiago. Dahil natapos ang termino ni Duterte, nanunungkulan si Santiago sa pansamantalang kapasidad dahil wala pang napili si BBM bilang kapalit.

Minsan inireklamo si Santiago sa overpricing umano ng mga equipment na inangkat ng kanyang opisina. Umabot ng lampas P200 milyon ang nawala sa gobyerno umano batay sa reklamo ng isinumite ng mga kawani sa PPA sa Office of the Ombudsman. Inireklamo rin si Santiago ng mga taga-PPA sa hindi makatarungang pagnombra ng mga taga-labas sa mga piling posisyon sa PPA. Sa maikli, isinusuka siya ng mga ka-opisina niya. Hindi alam kung saan siya humuhugot ng lakas ng loob para manatili sa posisyon niya sa PPA.

Kamakailan, pumasok uli Santiago sa isang kontrobersya at anomalya. Kalaban niya ang buong business community at ang kanyang boss, Jaime Bautista, ang kalihim ng Department of Transportation (DoTr). Nangyari ito ng pumasok ang PPA sa isang kasunduan sa isang IT partner upang manmanan ang mga parating at palabas na kargamento sa pantalan. Layunin ng proyektong ito na ihinto ang pagpupuslit (smuggling) ng mga kargamento.

Inisyu ni Santiago ang Administrative Order 04-2021, o ang “Policy on Registration and Monitoring of Containers.” Kalakip ng AO ang programang TOP-CRMS, o “Trusted Operation Program–Container Registry Monitoring System.” Nalito ang mga negosyante sa pantalan sa haba ng pangalan ng programa kung saan sinisingil ng P4,900 ang bawal container na isasailalim sa programa.

Noong Abril ng nakaraang taon, nanalo ang nag-iisang bidder, ang blockchain-based logistics joint venture kompanya -Shiptek Solutions Corp., NextIX, Inc. at Union Bank sa P900 milyon procurement contracting PPA para sa TOP-CRMS at Empty Container Storage Shared Service Facility. Mukhang nandito ang gigil ni Santiago. Napakalaki ng kontrata at aabot sa halos isang bilyon piso. “Pang-retirement,” ayon sa mga taga-pier.

Maganda ang layunin ng PPA at kinikilala na walang alinlangan na may kapangyarihan ang PPA sa paggalaw ng mga container at kargamento sa pantalan. May tanong: Hindi ba trabaho ng ibang sangay ng gobyerno ang pagmamanman sa mga kargamento na dumadaan sa mga pandaigdigang pantalan?

Hindi ba mandando ng ibang ahensya ito tulad ng Cebu Ports Authority, Cagayan Economic Zone Authority, Poro Point Management Corporation, Subic Bay Metropolitan Authority, PHIVIDEC Industrial Authority at Regional Ports Management Authority?

Mahigit sampung business group ang tumutol sa plano ni Santiago dahil kailangan ng mga negosyante ang panukalang programa ng PPA. Kung ipapatupad, hindi masusugpo ang suliranin sa smuggling. Mas lumala ang suliranin sa negosyo, anila. Hindi sang-ayon si Bautista sa plano ng PPA at kinatigan ang mga grupo ng negosyo na mas problema ang panukala ng PPA.

Nagpatawag si BBM ng isang meeting na dinaluhan ni Bautista, Santiago, at mga kapitan ng negosyo na kumakatawan sa Private Sector Advisory Council (PSAC). Napagkasunduan ng mga nagpupulong na isantabi pansamantala ang plano ng PPA. Walang itinakdang petsa kung kailan ipapatupad ang plano. Laking gulat ng mga nagpulong nang kinabukasan nag-isyu si Santiago ng isang press statement na nagsabing ilulunsad ang proyekto sa Hunyo.

Hindi dito natatapos ang isyu. Inakusahan ni Santiago ang mga kumokontra sa kanyang plano na pinopondohan sila umano ng mga smuggler. Dito na sila nagkagulo. May mga lumabas na mga kalatas hinggil sa plano ng PA sa ilalim ni Santiago. Dahil sa inasal ni Santiago, ipinakita na sinuway niya ang PPA board at desidido siya maglayag mag-isa. May mga patutsada na mukhang may “advance” ang kausap ni Santiago sa kanya.

Noong ika-10 ng Enero, nag-isyu ang 14 na asosasyon ng industriya at organisasyon ng joint manifesto na pinamagatang“United Call to Revoke PPA Administrative Order No. 04-2021.” Binanggit nito ang maaaring hindi magandang idudulot sa port operations at ekonomiya at nagsabing wala itong batayang legal at kinokontra ang nakagawiang pagnenegosyo at pangangalakal.

Kasama sa mga lumagda ng manifesto sina Philippine Chamber of Commerce and Industry president George T. Barcelon; Philippine Exporters Confederation Inc. president Sergio R. Ortiz Jr.; Alliance of Concerned Truck Owners and Organization director at external affairs officer Ricardo Papa II; Alliance of Container Yard Operators of the Philippines chairman Roger C. Lalu; at Association of International Shipping Lines, Inc. president Patrick G. Ronas.

Sabi ng manifesto: “the undersigned, in consultation with various stakeholders and port users, vehemently call for the immediate revocation of PPA Administrative Order No. 04-2021 (“PPA AO-04-2021″), … the Trusted Operator Program – Container Registry Monitoring System (“TOP-CRMS”) and Empty Container Storage Shared Service Facility (“ECSSSF”), and all similar measures that have the potential to negatively impact port operations and disrupt the delicate balance of commerce at the port…”

Sa ganang kanila, hindi pinagagaaan ng panukalang proyekto ng PPA ang operasyon sa mga pantalan. Pinabibigat at pinalalaki ang gastos ng proyekto. Hindi ito kailangan ng mga mangngalakal na gumagamit sa pantalan. Pagkikitaan lang ng kung sino ang proyekto, anila. (May karugtong)

***

MAY katwiran na kabahan si Bato dela Rosa sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang formal investigation kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap laban kay Rodrigo Duterte at mga kasangkot. Si Bato ang nag-isyu at lumagda sa Memorandum Circular No. 1 na nagbibigay detalye sa Operation Double Barrel, ang batayang legal ng madugo ngunit nabigo digmaan kontra droga ni Duterte. Inisyu ito noong ika-1 ng Hulyo, 2016, isang araw matapos naupo si Duterte bilang pangulo. Si Bato ang unang hepe ng PNP sa ilalim ng administrasyon ni Duterte. Arkitekto siya ng war on drugs ni Duterte.

May dalawang bahagi ang CMO at ipinatupad ito ni Bato: Oplan Tokhang na ang pangunahing layunin ay dakpin ang mga nasa laylayan ng lipunan, o iyong mga mahihirap; at Oplan High Value Target na ang pakay ay ang mga druglord at mayayaman. Nangibabaw ang CMO sa buong panahon ng walang habas na patayan kaugnay sa kampanya ni Duterte kontra droga. Ginamit ang PNP bilang institusyon sa maramihang pagpatay o EJKs.

Ngayon, nais ni Bato na lumusot, malibre, at hindi managot. Palusot niya na nakikialam ang mga dayuhan sa ating sistema sa katarungan ng bansa. Pinagtatawanan si Bato kasi nerbiyoso. Magaling lang siya sa mga mahina at walang lakas.

***

MGA PILING SALITA: “Ano ba ang napapala natin sa mining? Sinisira ang anyo ng bundok at kapatagan. Iniiwan ng ilang panahong tiwangwang ang lugar, binabaha at gumuguho sa kaunting ulan. Nilalason ang katubigan. Ang masaklap, pinapalagan pa ng mga mining companies ang proposed 10% mining tax.” – Ellen Sicat, netizen, social critic

“Iyong negosyo ng NLEX pinakialaman nyong magkapatid dahil sa abala sa mga taga-Valenzuela City. Bakit hindi ninyo pakialaman ngayon iyong family business ninyo na sumisira sa Sibuyan dahil sa nickel mining? Pumasok ba kayo sa pulitika to protect your family’s business interests?” – Joel Cochico, netizen, critic

The post ANOMALYA SA PPA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ANOMALYA SA PPA ANOMALYA SA PPA Reviewed by misfitgympal on Pebrero 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.