Facebook

Bong Go: Mga magsasaka, industriya tiyaking panalo sa RCEP

PUMABOR si Senator Christopher “Bong” Go sa ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ngunit nanawagan siya sa pagpapatupad ng mga seguridad upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at industriya mula sa potensyal na masamang epekto ng kasunduan.

Sinabi ni Go na sumang-ayon siya o bumoto ng “yes” dahil kinikilala niya ang pangako ng mga kinauukulang ahensya at ang pahayag ng Executive Department na walang magsasaka o ordinaryong Pilipino na maiiwan sa pag-unlad na ipinangako ng kasunduang ito.

“I give my conditional support, and will hold you to your commitment na hindi mapapabayaan ang mahihirap at pinakanangangailangan,” sabi ni Go.

Idiniin ni Go ang kahalagahan ng lubos na pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at industriya upang matiyak na hindi sila maiiwana sa kompetisyon ngayon at sa pangmatagalang panahon.

Hinimok ni Go ang pamahalaan na unahin ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at pagtupad sa mga ipinangako.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang taasan ang badyet sa agrikultura at gawing sapat o matatag ang mga lokal na magsasaka upang makinabang sa mga oportunidad na iprinisinta ng RCEP.

“Naiintidihan po natin ang concern at pangamba ng agricultural sector dahil sa loob ng maraming taon ay napabayaan po talaga ang agrikultura. Huwag po natin silang pabayaan. Dapat lahat ng mga ipinangako ay maipatupad. Dapat madagdagan talaga ang budget para sa agrikultura,” giit ni Go.

Ayon sa mambabatas, suportado niya ang mga hakbang upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa at relasyon sa ibang bansa pero dapat tiyaking makakabuti rin ito sa mga ordinaryong Pilipino, partikular sa magsasaka at maliliit na industriya.

“Siguraduhin natin na with open competition, bababa ang presyo ng mga produkto para makinabang ang mga ordinaryong Pilipino,” idinagdag ni Go.

Ang RCEP ay isang free trade agreement na pormal na nilagdaan ng 15 bansa sa Asia-Pacific noong Nobyembre 15, 2020. Kabilang sa mga lumagda ay ang sampung miyembrong estado ng Association of Southeast Asian Nations – Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam – pati na rin ang China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.

Sinasaklaw nito ang malawak na hanay ng mga lugar, kabilang ang kalakalan sa mga produkto at serbisyo, pamumuhunan, intelectual property, e-commerce, at iba pa.

Itinuturing na pinakamalaking kasunduan sa kalakalan sa mundo, sakop ng RCEP ang humigit-kumulang 30% ng pandaigdigang ekonomiya at halos isang katlo ng populasyon ng mundo. Layon nitong bawasan ang trade barriers at isulong ang integrasyong pang-ekonomiya sa mga bansang lumagda na posibleng humantong sa pagtaas ng daloy ng kalakalan, pamumuhunan, maraming oportunidad sa trabaho at paglago ng ekonomiya.

“Kailangang ipatupad ang mga alituntunin at patakarang isinama natin sa ating resolusyon upang matiyak na magiging epektibo ang RCEP para sa atin,” hikayat ni Go.

The post Bong Go: Mga magsasaka, industriya tiyaking panalo sa RCEP appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Mga magsasaka, industriya tiyaking panalo sa RCEP Bong Go: Mga magsasaka, industriya tiyaking panalo sa RCEP Reviewed by misfitgympal on Pebrero 21, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.