HINDI mapigil na hindi sundan ang isinulat ng nakaraang lingo hinggil sa panunuwag ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag sa bakuran ng bansa. Walang kaabog-abog na tinira ng Military Grade Laser ang mga tauhan ng PCG sa dahilan na pumasok kuno sa teritoryo na ipinanalo ni Mang Juan sa UNCLOS ng idulog ito ng pamahalaang PNoy. Ang hindi pagkilos ng pamahalaan ni Totoy Kulambo ang nagpasikip sa lugar na pinaglayagan ng mamalakayang Pinoy upang makapanghuli ng isdang sana’y pakinabangan ni Mang Juan. Ang maling pakikipagkaibigan ng pamahalaang Duterte sa Tsina ang puno’t dulo ng pagiging arogante ng Tsina maging ang mga tauhan sa West Philippine Sea. Hindi mabilang ang pagmamalabis ng mga Tsekwa sa dagat na teritoryo ni Mang Juan sa katuwirang bata ni Onse si Totoy Kulambo kaya’t anuman ang gawin ng lahi nito’y walang dapat pinag-aalala.
Sa pagpapalit ng liderato sa bansa,‘di nagbago ang asal ng mga Tsekwa sa WPS at higit naging mapangahas dahil ‘di na water cannon sa halip Military Grade Laser’ ang gamit sa mga mamamalakaya, maging sa PN upang ito’y paalisin sa binabantayang sariling bakuran. Hindi kinakitaan ng pag-aalala ang panig ng mga Tsekwa dahil batid na ipapatawag lang ni Boy Pektus ang Embahador nito upang magpaliwanag sa pangyayari. At sa pagpapatawag malamang na maayos ang ginawa na parang walang nangyari. Ang masakit, ipagpapatuloy ang panunuwag sa kasundaluhang pandagat anumang oras na ibig ng CCG.
Sa mga sundalong Tsekwa o CCG, huwag mag-alala kung naghahanap kayo ng gulo at ibibigay sa inyo ang hinahanap. Hindi marunong umatras ang lahing magiting at tatayo sa takdang oras. Hindi man tumitindig na may dangal ang lideratong tagasunod ni Onse may isa, dalawa, tatlo at maraming magigiting na anak ni Mang Juan ang maglalayag sa WPS. Na sa maliit nilang paraan, itutulak kayo sa tamang lugar na dapat sa inyo. Kung hindi ninyo batid ang kasaysayan ng bansang ito, sinasabi ng pitak na ito ang magigiting na bayani ng aming lahi tulad nina Rizal, Bonifacio, Luna na hindi yumukod sa dayuhang mananakop. Maging ang mga kapatid na Mindanaoan ay nakahanda na ipahiram ang Kumpit o mismong tauhan upang ‘di maduhagi ang teritoryong pag-aari. Tunay na mapagmahal sa bayan ang lahing Pilipino. At iyan ang nakatala sa kasaysayan.
Ang pagbubuwis ng buhay’ karaniwan lalo’t ang lahing inyong kinakanti’y tunay na Makabayan at para sa bayan na minamahal. Para sa inyong mga Tsekwa, balikan ang sariling karanasan kontra sa Vietnam noong Pebrero 1979, na binalak ninyong sakupin dahil sa ‘di pagkakaunawaan sa ideolohiya. Sa maliit na paraan ng mga ito, pinatiklop ang mga sundalong ipinadala ng liderato ng inyong bansa sa Hilagang bahagi ng bansang Vietnam.
Natikman ninyo ang pagkatalo at ito’y isang mapait na kasaysayan ng bansa ng Tsekwa. Sa parehong paraan, ginamit ang pagkakaibigan ngunit nariyan ang ugaling dominante na kundi makuha sa donasyon gawin ang invasion. Ngunit, huwag umasa na ‘di kikilos ang maraming Pinoy lalo’t tinatamaan ang pagkalahi nito sa maling trato ng isang kaibigan. At huwag umasa na walang tatayo kontra sa kilos ninyong mapagsarili. Kung bumagsak ang Tsekwa sa panahon ni Mao, asahan ito’y mauulit sa panahon ni Onse.
Sa totoo lang, nagsimula na ang kilos kontra sa panunuwag ng Tsina sa bansa, nariyan ang maraming Makabayan na nagpapakita ng interes sa pagtutol at tumatayo kontra sa kilos ng Tsina sa bansa. Bilang mamamahayag nakikiisa ang Batingaw sa panawagan na dagdagan ang pondo o budget ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na sinimulan ni Philip Lustre upang makabili ng bagong barko na magagamit upang bantayan ang karagatang sakop ng bansa. Hindi nag-aatubili ang maraming mamamahayag na sumakay sa sasakyang pandagat ng PN o PCG upang ipakita ang pagtutol sa ginagawang panunuwag ng kasundaluhang Tsekwa. At kung gagawin muli ang panunuwag gagamitin ang pluma maging ang mga laptop upang ilarawan ang Gawain ng dayuhan sa pamalakayang Pinoy, tulad ng marahas na pananaboy. Sa pagkakataon na kailangang humarap sa marahas na laban ang mamamatay para sa bayan ay isang karangalan.
Sa ibang pagkakataon, nararapat na pagtuunan ng mga mambabatas na bigyan ng supplemental budget ang PN at PCG upang makabili ng makabagong sasakyang pandagat. Nararapat na bumuo ng pangmatagalang plano na magpapalakas sa Sandatahang Lakas ng bansa. Mainam na makabili ng makabagong sasakyang pandagat ang dalawang sangay na nabangit upang mapatibay ang pagbabantay sa maritime border ng bansa. Hindi sapat sa kasalukuyan ang mga sasakyang pandagat ng bansa upang mabantayan ang malawak nating karagatan. .Ang pagbili ng bago at makabagong sasakyang pandagat ng PN at PCG’y napapanahon na unahin.
Sa pagbabalik tanaw sa kasaysayan, nakita kung paano kumilos ang Pinoy kontra sa mapang-api. Minsan nang ipinakita na kung ang pagkalalaki o macho kung may tama tumatayo maging ang isang Miguel Zubiri na naghamon ng arnis sa isang dating mambabatas. Nariyan ang bagong senador na nakikita na ang palabas sa TV nakakatama sa pagkatao ng paniniwala, dinaig nito ang MTRCB at tumayo sa kagalingan ng mga kasama sa pananampalataya. Ito ang inaasahan sa mga mambabatas na tatayo sa kagalingan ng Hukbong Pandagat ng bansa.
At nariyan ang isang mambabatas na ipinaglaban ang pagiging senador nito ng sabihing ‘di papopormahin’. Oras na upang ipakita ang tapang at unahing pondohan ang modernisasyon ng PN at PCG. Isantabi ang politika at baka isang araw ay masakop na ng mga Tsekwa ang ating bayan. Huwag iasa sa ibang kamay ang kasarinlan, ang pagbibigay pondo sa PN at PCG ang hakbang sa ating ipinaglalaban.
Kay Boy Pektus, ito ang pagkakataon na ibangon ang ngalan ng lahi, ang magpakita ng tapang sa likod ng kakulangan ang hakbang na hinihintay ng bayan mula sa iyo. Unahin ang kapakanan ng bayan at huwag tularan ang pinalitan na naging sunod-sunuran sa kagustuhan ng mga Tsekwang pansarili ang layon. Ikaw Boy Pektus ang inaabatan at siguradong ‘di magpapabaya ang kaibigang si Uncle Sam kung makita ang iyong katikasan sa kinakaharap ng bayan. Huwag mawala sa isip na minsan tumayo ang Rizal, Bonifacio, Luna at iba para sa kasarinlan. Huwag ipagwalang bahala ang saysay ng kasaysayan ng bansa nating mahal.
Maraming Salamat po!!!
The post SAYSAY NG KASAYSAYAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: