Facebook

Bong Go: Teaching supplies allowance ng guro, dagdagan

SINUSUGAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 94 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2022 na naglalayong dagdagan ang taunang “chalk allowance” ng mga guro upang maibsan ang kanilang pinansiyal na pasanin sa pagbili ng mga gamit sa paaralan para sa kanilang mga klase.

Ang panukala ay pangunahing iniakda ni Senador Sonny Angara.

Ayon kay Go, maraming guro ang kailangang magtiis sa pag-shoulder ng gastusin sa mga pangangailangan ng mga estudyante at kung minsan ay napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa para magkaroon ng mga gamit sa kanilang klase.

“Kung tutuusin, ang mga guro ay dapat bigyan ng sapat na serbisyo at konsiderasyon dahil sa pagtuturo sa ating mga kabataan. Sila ay nagbibigay ng kanilang oras, kaalaman, at dedikasyon upang masiguro na ang mga bata ay may magandang kinabukasan,” ani Go.

Upang matugunan ang isyung ito, binibigyan ng gobyerno ang mga guro ng taunang allowance para sa mga gamit sa silid-aralan na kilala bilang “chalk allowance.”

Gayunpaman, habang lumilipas ang panahon, ipinunto ni Go na hindi pa rin ito sapat upang mabayaran ang mga gastos sa mga gamit sa silid-aralan.

Bilang tugon dito, ang panukalang Teaching Supplies Allowance Act of 2022 ay naglalayong itaas ang taunang “chalk allowance” mula P3,500 hanggang P5,000 bawat guro kada school year.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang cash allowance sa mga guro para sa pagbili ng mga chalk, pambura, form, at iba pang gamit o materyales sa silid-aralan gaya ng itinatadhana ng annual appropriations para sa Kagawaran ng Edukasyon ay tatawaging Teaching Supplies Allowance.

Iminumungkahi rin ng panukala na atasan ang Kalihim ng Edukasyon na magsagawa ng pagrepaso sa Teaching Supplies Allowance, base sa kasalukuyang mga presyo ng mga kagamitan sa silid-aralan. Ang kalihim ay magrerekomenda ng pagtaas sa halaga ng allowance at halagang kinakailangan para maisama sa panukalang badyet ng departamento sa susunod na fiscal year.

Sinabi ni Go na ang panukala ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkilala sa pagsusumikap at dedikasyon ng mga guro sa pampublikong paaralan sa Pilipinas.

“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo para sa mga gamit sa silid-aralan, masisiguro ng gobyerno na ang mga guro ay makakatuon sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa kanilang mga estudyante nang hindi nababahala tungkol sa kanilang pinansiyal na pasanin,” aniya.

Nauna nang iginiit ni Go na dapat manatiling prayoridad ang edukasyon sa bansa. Nangako siyang susuportahan ang mga patakarang magpapalakas sa sektor ng edukasyon habang pinangangalagaan din ang kalusugan at kagalingan ng mga mag-aaral at guro.

Nauna rito, naghain siya ng SBN 1190 para palawakin ang layunin at aplikasyon ng Special Education Fund na iminungkahi niyang gamitin sa operasyon ng mga pampublikong paaralan, pagbabayad ng suweldo, allowance at iba pang benepisyo ng teaching at non-teaching personnels, pagpapatakbo ng Alternative Learning System, kabilang ang pagbabayad ng suweldo, allowance at iba pang benepisyo ng mga facilitator ng ALS, pang-edukasyon na pananaliksik, kagamitang panturo at iba pa.

The post Bong Go: Teaching supplies allowance ng guro, dagdagan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Teaching supplies allowance ng guro, dagdagan Bong Go: Teaching supplies allowance ng guro, dagdagan Reviewed by misfitgympal on Pebrero 24, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.