KUNG ang isang alkalde ay walang magawa para ipagtanggol ang pagkasira ng kalikasan ng kanyang bayan, ang tawag dyan ay INUTIL!
Oo! Sinabi mismo ni Mayor Nanette Tansingco sa isang panayam ng media na walang permiso ng kanilang munisipyo at ng barangay ang pagmimina sa kanilang bayan ng San Fernando, Sibuyan island, Romblon. Kung ganun, bakit wala siyang ginagawang hakbang para pigilan ang pagwakwak ng Altai Mining Philippines sa kanilang kabundukan? Aba’y napakalawak ng lugar na kakatayin dito ng Altai, dalawang barangay daw!
Dapat igiit ni Mayora ang kapangyarihan ng local government unit. Dahil ang mamamayan niya ang magdurusa kapag may trahedyang nangyari dulot ng pagmimina sa kanyang bayan.
Kung walang permiso ng LGU ng San Fernando ang pagsira ng Altai sa kanilang kalikasan, aba’y bakit ‘di samahan ni Mayora Tangsinco ang kanyang mga residenteng nagmamalasakit sa kanilang bayan, na araw-gabi kahit umuulan ay nagbabarikada sa mining site para mapigilan ang pagkawasak ng napakaganda nilang bayan.
Pero kung dedma lang sa nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng mga nagbabarikada at pulisya si Mayora Tangsingco na tila nagsisilbi pang spokesman ng mining company, aba’y kaduda-duda na yan, mga pare’t mare. Magkano?
At nakakabingi rin ang pananahimik ng gobernador ng Romblon na si Otik Riano lalo ng kanilang bosing na si Representative o Congressman “Budoy” Madrona. Sigurado napapanood nila sa social media lalo sa mainstream media ang mga nangyayaring kaguluhan sa bayan ng San Fernando pero ‘di manlang sila mamagitan, huwag nilang sabihin na wala ring pahintulot nila ang pagmimina ng Altai sa Sibuyan?
Ang isang mining company ay hindi basta magmimina sa isang lugar ng walang pahintulot ng barangay, mayor at provincial. Dahil bago magbigay ng “go gignal” ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay numero uno nilang nire-require ang mga permit ng LGU lalo’t isang protected area ang Sibuyan. Yes!
Sa mga hindi pa nakararating ng Sibuyan, ako kasi ay naikot ko na ang buong isla, napakaraming magagandang ilog dito. Dito nyo matatagpuan ang sikat na Mt. Guiting Guiting at ang natitirang virgin forest sa Pilipinas.
Kapag nagpatuloy ang pagwakwak ng Altai mining sa bundok ng San Fernando, kungsaan matatagpuan ang tanyag na Catingas River at marami pang ilog na dinadaluyan ng malinis at malamig na tubig mula sa kabundukan, at nagkaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan, siguradong dadaloy ang putik mula sa minahan patungo sa mga ilog hanggang baybayin paikot ng isla. Magkukulay tae ang mga ilog dito. Peks man!
Ito ang dapat isipin ng mga namumuno sa Sibuyan lalo ng gobernador ng Romblon. Yung Congressman kasi ay wala namang paki yan anuman ang mangyari sa Sibuyan, kasi nasa Tablas island ang kanyang mansion.
Naniniwala ako na si Cong. Madrona ang nagdala ng mining sa Sibuyan. Kasi kung si Otik lang, malabo yan. Hindi kilala ni Otik ang Gatchalians, ang may-ari ng Mining. Si Madrona ang pamilyar sa Gatchalians kasi nakasama niya sa Kongreso ang magkapatid na Gatchalians.
Nitong Biyernes ng umaga, nagkagulo uli sa barikada sa mining. Binuwag ng mga pulis ang barikada para makalabas ang mga truck na puno ng nickel ores patungo sa barge sa kanilang ginawang private pier sa lugar. Subaybayan!
The post Inutil na mga opisyal! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: