SINABI ni Senador Robin Padilla na hindi siya isang politiko kundi isang rebolusyonaryo at wala na siyang inisip araw-araw kundi ang mag-resign sa kaniyang posisyon.
Ginawa ni Padilla ang pahayag kasabay ng pagtitiyak sa publiko na ang kaniyang panukala palitan ang Saligang Batas ay limitado sa economic provision at hindi sakop ang pagbabago sa istraktura ng politika.
“Kunin nalang po ninyo ang salita ng isang rebolusyonaryo. Ako po’y hindi politiko. Ako po’y pinilit lang na pumasok dito sa pulitika. Ako po ay nana-natiling rebolusyonaryo hanggang sa oras na ‘to,” sabi ni Padilla sa Kapihan sa Manila Bay forum.
“Ako po’y mag-iingay kapag ang usapan dito’y napunta na sa pulitika. Eh maniwala po kayo sa akin, hindi po ako kapit-tuko sa posisyon na ‘to. Araw-araw po na ginawa ng Diyos, wala po akong ibang gustong gawin kundi mag-resign,” dagdag pa niya.
“Wala po, as in hindi po ako makapag-chicks dito. Ang hirap, totoo po ‘yan. Ako po talagang… totoo hindi po ako nagsisinungaling sa inyo mga kababayan,” pabirong sabi pa ni Padilla.
Ayon pa sa bagitong senador, ang Charter change o Cha-cha ay nag-iisang paraan para maiangat ang buhay ng mga Pinoy.
“Lahat po ng mga mambabatas — maging sa mataas, mababang kapulungan — wala pong sinasabi ‘yan kung hindi bibigyan kayo ng trabaho, iaahon kayo sa kahirapan, magiging mura ang pagkain,” sambit ni Padilla.
“Isa na lang po ang natitirang paraan, na ginawa ng mga kapitbahay natin at sila po’y naging matagumpay, ‘yun po ang pagbubukas ng kanilang foreign investment, ang pagpapasaayos ng kanilang economic provisions,” saad pa niya.
Sa nasabi ring forum, sinabi ni Padilla na hindi mararamdaman ng taumbayan – lalo na ng mga magsasaka – ang benepisyo ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) kung hindi aayusin ang economic provisions ng Saligang Batas.
Aniya, pinapayagan ng RCEP at katulad nitong international trade agreement ang pagpasok ng produkto galing sa ibayong dagat, ngunit hindi makapasok ang puhunan galing sa ibang bansa dahil sa restriction ng kasalukuyang Saligang Batas.
Nagpahayag din ng pangamba si Padilla na kung hindi maayos ang implementasyon ng RCEP, baka matulad ito sa implementasyon ng Rice Tariffication Law kungsaan dumami pa ang importasyon ng bigas at nagpabagsak ng presyo ng palay. (Jocelyn Domenden)
The post Sen. Padilla umaming pinilit pumasok sa politika appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: