INULIT ni Atty. Ferdinand Topacio na hindi babaligtad sa kanilang mga naunang salaysay ang mahahalagang testigo sa kasong drug trafficking laban kay dating Senador Leila de Lima. Hindi nila babawiin ang kanilang mga testimonya.
Ito ang sinabi ni Atty. Topacio nang atin siyang muling makausap kahaoon sa isang pagtitipon ng mga kilalang abogado sa Pilipinas sa Valle Verde Country Club, Pasig City.
Ayon kay Topacio, matitibay ang mga paninindigan at buo ang loob nina Herbert Colanggo, Noel Martinez, Jose Pepino, Jesus Durano at iba pang testigo na hindi babaligtad sa kanilang naunang salaysay laban kay De Lima.
Matatandaang inihayag nina Colanggo, Martinez, Pepino, Durano sa kanilang testimonya na personal nilang nakita na tumanggap ng milyong-milyong piso mula sa mga kilalang drug lord noong ito ay justice secretary.
Humigit kumulang anim na taon ng nakapiit si De Lima sa PNP HQ sa Camp Crame, Quezon City.
Kaya muling nanawagan si Atty. Topacio kay Justice Sectetary Jesus Crispin Remulla – na labanan ang lahat ng pagtatangka na mapawalang sala si De Lima.
Ani Topacio, pinatunayan mismo ng Supreme Court ang katotohanan sa mga kasong isinampa laban kay De Lima.
Dagdag ni Topacio, walang karapatan ang sinomang dayuhan na kuwestiyunin ang proseso at sistema ng hustisya sa Pilipinas.
***
Kumusta na ang kapalaran ng political dynasty sa Pilipinas?
Kung may pagtitibaying batas kontra dinastiya, kailangan bang iasa na lamang ito Kongreso?
Aba’y kalokohan na ito dahil suntok sa buwan na asahan pa ito – kumbaga, parang nais mong maging butiki ang buwaya at maging dilis ang isang piranha. Hehehe..!
Nasa kamay ng mga botante ang pagwasak sa dinastiya, at kung ang masang botante ay patuloy na pasisilaw sa alok na salapi, at patatakot sa pananakot at hindi ang pagtitiwala sa sariling lakas ng boto nila, mananatili ang dinastiya sa ating bansa.
Kailangan na ang ihalal ay mga tunay na magsisilbi sa ating bayan, hindi ang gagamitin ang ating mga balota, upang patuloy tayong apihin at gamitin.
***
Sa totoo lang dear readers, kung ang kasalukuyang nakaupong senador at kongresista sa Senado at Kamara de Representates ang aasahan, aabutin pa ng maraming dekada para tuluyang mabura sa mapa ng bansa ang dinastiya ng mga angkan ng politikong “sila-sila” at “kami-kami lamang” ang kultura.
Kung ililista ng inyong lingkod ang pangalan ng mga angkan at pamilyang “sila-sila” na lamang ang nagpapalitan bilang mayor, governor, konsehal at kongresista sa kanilang mga lugar ay kulang espasyo ng kolum natin – na para bang may titulo sila sa kapangyarihan gayong ang puwesto ay dapat na ibinibigay ng mga botante.
Ano nga ba ang dahilan at namamayani ang political dynasty?
Ito ay kasalanan mismo ng mga botante at hindi lamang ng mga politiko, di po ba?
***
Uulitin ng pitak na ito, hindi lang pribilehiyo ang internet connectivity, karapatang pantao na ito.
Kailangan ng industriya, negosyo, siyensiya, edukasyon, kalusugan, politika at militar ang mahusay na serbisyo ng telecommunications.
Ito na ang bagong “giyera” ng mundo at dito, kitang-kita, tayo ay hindi pa nag-uumpisa ang labanan, talo na tayo.
Kinakailangan na marahil na pakialaman na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang suliranin sa internet connectivity at bigyan na ng ultimatim ang telcos partikular ang PLDT-Smart at Globe: husayin, patinuin at gawing accessible sa taumbayan ang serbisyo ng internet connectivity.
Matagal na nga namang nagpasasa sa dugo at pawis ng mamamayang nagtitiis sa makupad sa pagong na serbisyo ng telcos.
Gayong ang katabing bansa natin ay parang jet sa bilis at tulin sa himpapawid, tayo naman ay eroplanong tora-tora pa rin ang kakarag-karag na pinalilipad.
Nakakainis na dahil pinagtatawanan tayo ng ibang bansa sa bagal ng ating internet.
Dapat na po silang usigin at panagutin PBBM, ang PLDT-Smart at Globe, ang dalawang hari ng bilis sa pagsingil, pero kaytamad magbigay ng mahusay na serbisyo.
Bakit di na lang kunin ng gobyerno ang operasyon ng telco at bawiin ang prangkisa nito?
Uulitin ko dear readers, kailangan na marahil na estado na ang magpatakbo ng operasyon ng telecommunication sa Pinas, ngayon na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post TOPACIO: WALANG BABALIGTAD NA MGA TESTIGO LABAN KAY DE LIMA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: