Facebook

TVJ… AT ATP…

NAGMUKHA silang mga ipis na gumagalaw sa dilim. Ito ang masasabi ko sa galawang naganap sa pagpasa ng Maharlika Investment Fund na brainchild umano ni Bongbong Marcos at ang koro niya sa Mataas at Mababang Kapulungan. Bakit nasabi na ang pagsasabatas ng MIF ay nagmukhang galawang ipis? Madaling araw ipinasa ang MIF. Alam natin na ang ipis ay malimit aktibo kapag madilim. At sa talukbong ng kadiliman ginawa ng mga kasapakat ng kasalukuyang “commander-in-thief” ang ipasa ang Maharlika Investment Fund na sa laman ng sulat, ay walang pakinabang kundi para sa kapakanan ng nagmungkahi nito. Sa maikli, ito ay kukuha ng pondo mula sa Landbank, SSS, GSIS, at Bangko Sentral. Sa maikli, ito ay pinuhunanan ng laway, at kinatigan ng mga kasapakat ng Bonget. Sa maikli, ito ay labag sa Saligang Batas. Bakit labag sa Saligang Batas? Hindi ka maaaring magsagawa ng MIF na gamit ang pondo na binanggit, dahil ito ay pag-aari ng mga miyembro, at ginagarantiyahan ng pamahalaan at Saligang Batas. Samakatuwid ang MIF ay taliwas sa sinasaad ng ating Saligang-Batas, samakatuwid ito ay ilegal, labag sa batas.

Dito ginamit ang “mob rule” para pwersahan ipasa ang MIF. Dito ang lahat ng mambabatas ay may kasalanan maliban ang iilan mula sa Mababang Kapulungan sina Basilan Representative Mujiv Hataman na kasalukuyang House deputy minority leader, ACT Teachers Representative France Castro na House deputy minority leader, Camarines Sur 3rd District Representative Gabriel Bordado ang House assistant minority leader, Gabriela Representative Arlene Brosas ang kasalukuyang House assistant minority leader, Albay 1st District Representative Edcel Lagman, kasalukuyang Liberal Party president, at Kabataan Representative Raoul Manuel na nagsabi: “If a family is drowning in debt, it is better not to make more risks…” Sa panig ng Senado bukod-tanging si Senador Risa Hontiveros ang bumoto kontra sa MIF. Si Nancy Binay umiwas, at sina Imee Marco, Koko Pimentel at Chiz Escudero ay lumiban (absent). Sa lahat mg mga senador tanging si Senador Risa ang may bayag na bumoto ng HINDI.

Kahit saan tingnan, ang MIF ay nagpapakita ng napakaraming “red flags” at ang sinuman na nakakaintindi ng bagay na pinansyal, maging ang magulang o lolo ang magsasabing hindi maganda ang MIF dahil bukod sa kontra sa isinasaad sa Saligang-Batas, dito, walang katiyakan na maibabalik sa iyo ang pera mo. Tuldukan ko ito sa sinabi ni Sahid Sinsuat Glang, dating sugo at ngayon netizen: “The Maharlika Investment Fund (MIF) is Marcos Jr.’s version of Marcos Sr.’s Coconut Levy Fund(CLF). The only difference is that the MIF will likely make the monies of the BSP, LBP, DBP, GSIS, SSS, Philhealth, and Pag-IBIG depositors and members as its milking cow while the CLF made the monies of the Coconut farmers as its milking cow…” Kasihan Nawa Tayong Lahat ni Poong Kabunian.

***

Masasabi na nagtapos ang isang yugto nang kumalas sa ‘ere sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na mas kilala bilang grupong Tito Vic at Joey ng Eat Bulaga. Ilang buwan ko nang alam ang tungkol sa pagsakop ng grupo ni Romy Jalosjos sa TAPE Inc. at prangkisa ng Eat Bulaga. Ayon sa panayam kay Tito Sotto, humantong ang lahat matapos pagbawalan ang tatlo na pagpalabas ng “live”ng bagong management ng TAPE inc. at ng bago nitong chairman si Romy Jalosjos. Kung sa putok ng kwitis, hinintay ko ang pagsambulat ng balita. At hindi ako nagtaka sa naging resulta sa kalaunan, dahil alam ng inyong abang lingkod ang “innerworkings.” Ang TAPE ay nagsilbing production house ng grupo ng APT Entertainment, ang APT ay acronym ng may ari, si Antonio P. Tuviera, ang may-akda ng Eat Bulaga. Mula noong nag-umpisa ang Eat Bulaga noong dekada sitenta maging mainstay nito ang trio ni Tito Vic at Joey, pero ang utak ng lahat ang taong nasa likod ng tabing at nagdidirihe ng lahat ay walang iba kundi si APT. Sa kanya ang utak na nagpaikot ng makinaryang naging Eat Bulaga.

Samakatuwid ang TVJ at APT ay sanggang-dikit mula sa umpisa. Unang-una walang obligasyon ang TVJ sa TAPE Inc. dahil wala silang anumang kontrata sa TAPE. Kung meron man ito ay sa APT Productions Inc. hindi sa TAPE. Kaya kung tatanungin niyo sa akin may legal implications ang pagkalas ng TVJ sa Eat Bulaga? Ang sagot dito WALA. Kaya masasabi ko sa tatlong kolokoy na namamayagpag sa larangan ng noontime shows Maligayang Kasarinlan. At kay APT, maaaring nabili nila ang prangkisa ngunit kailanman hindi nila mabibili ang utak.

***

Mga Harbat Sa Lambat: “Bakit ba masyadong minamadali nitong si BeBeEm itong Maharlika Fund? Dapat dyan ay pag-aralang mabuti kung kaya at dapat dahil hindi biro ang halagang kailangan dyan ( 250Billion pesos). Maraming mas malaking problema ang bansa na dapat unahin, bakit itong MWF ang pinagtutuunan ng pansin ? Marami ang tutol dyan, pag-aralan ang kanilang rason kung bakit. Mayroong kasabihan, ang tumatakbo ng matulin, kung matinik ay malalim. Sa English, haste makes waste…” -Maris Hidalgo, OFW, netizen

PATAMA kay Sara: “Wala na ba siyang ibang bukambibig kundi NPA, terorista, komunista? Sa laki ng budget at confidential fund, aba eh taas-taasan naman ang level ng serbisyo…” – Leisbeth Recto, netizen, kritiko

“Sa mga “maharlika” sa gobyerno, ok laang isugal ang di nila pera kasi kung sakali eh di naman sila ang matatalo…” – Vida Guerrero, netizen

“Katiting na pledges lang yata natuloy. Kaya ang gagamitin/isusugal sa Maharlika fundscam ay ang pera ng taongbayan. Pera mo!…” -Bob Magoo, rock jock, netisen

“Remember it’s a red flag when they guarantee returns but won’t invest in risk free assets…” -Prof. Cesar Polvorosa Jr. guro, netisen

“[IYONG] mga mayabang sa Senado, [iyon] ang mga walang utak Bato, Robin, BG, Francis…” – Bob Blue Magoo, rock jock, kritiko

***

Jok Of ‘Da Day:

Tanong ni Sen. Bong Go sa mga pulis general:

“Kung sakasakali lang, puede pa ba maging ‘drug czar’ si Duterte?”

***

mackoyv@gmail.com

The post TVJ… AT ATP… appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
TVJ… AT ATP… TVJ… AT ATP… Reviewed by misfitgympal on Hunyo 03, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.