Facebook

Pagkaantala ng health emergency allowance ng HCWs kinuwestyon ni Bong Go

Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang sapat na suporta ng gobyerno para sa mga Filipino healthcare worker.

Ipinaalala rin ni Go sa Department of Budget and Management, Department of Health, at iba pang kinauukulang ahensya na tiyaking mailalabas ang mga allowance at benepisyo ng mga kwalipikadong HCW, alinsunod sa batas.

Sa sesyon ng plenaryo ng Senado noong Miyerkules, kinuwestyon ni Go ang naantalang disbursement ng health emergency allowance at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagbibigay ng agarang tulong pinansyal sa healthcare frontliners.

“Ipinasa namin ang Republic Act 11712 na nagbibigay ng patuloy na benepisyo at allowance sa mga pampubliko at pribadong healthcare worker sa panahon ng mga emerhensiyang pampublikong kalusugan, tulad ng COVID-19. Nitong Hulyo, inalis na ni Pangulong Marcos ang state of public health emergency dahil sa COVID-19 sa buong Pilipinas, sa kabila nito ay may mga healthcare workers pa na hindi nababayaran ang kanilang HEA o health emergency allowance,” banggit ni Go.

“Sa pag-iikot ko po ng bansa, may lumalapit sakin at ipinaparating na, ‘Sir, yung aming HEA ay hindi pa nila nababayaran, hindi pa namin natatanggap.’ Parati nating sinasabi na sila ang ating hero noong pandemya at hindi natin mararating ito kung hindi po dahil sa kanila,” dagdag ng senador.

Ang pagtatanong ni Go ay dahil naglaan ang pamahalaan ng malaking halaga na P19.962 bilyon para sa mga benepisyo at allowance sa emerhensiyang pangkalusugan ng publiko sa 2023 pambansang badyet. Saklaw nito ang healthcare at non-healthcare workers. Higit pa rito, ang karagdagang P52.962 bilyon na unprogrammed fund para sa potensyal na kompensasyon ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

Sinabi ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na P19.6 bilyon na ang nai-disburse mula sa programmed funds, habang may karagdagang P4 billion na inilaan mula sa unprogrammed funds.

Samantala, kinuwestiyon ni Go ang katwiran sa likod ng pag-apruba sa isang partikular na bahagi lamang ng panukalang P66.3 bilyong 2024 budget ng Department of Health (DOH) para sa kompensasyon ng mga manggagawang COVID-19 sa mga pasilidad ng kalusugan.

Binigyang-diin ni Go na ang mga frontliner na ito ay nagkaroon ng iba’t ibang gastusin sa linya ng tungkulin, kadalasan sa malaking personal na gastos. Ang pagkaantala o hindi sapat na pagbabayad ng allowance ay magpapalubha lamang sa mga paghihirap na kanilang kinakaharap at sa pakiramdam na hindi sila suportado ng pamahalaan.

“Nais kong umapela sa DBM na maglabas ng sapat na pondo para sa mga allowance ng mga healthcare worker. Ito ay upang matiyak na makukuha ng ating mga modernong bayani ang mga allowance na nararapat sa kanila. Maliit na incentive lang ito para sa atin frontliners,” sabi ni Go.

The post Pagkaantala ng health emergency allowance ng HCWs kinuwestyon ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pagkaantala ng health emergency allowance ng HCWs kinuwestyon ni Bong Go Pagkaantala ng health emergency allowance ng HCWs kinuwestyon ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 11, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.