Facebook

ANO ANG MAASAHAN SA 2024?

MAGANDANG tanong. Tatlong bagay ang dapat asahan sa 2024: Una, ang pag-inog ng proseso ng International Criminal Court (ICC) sa sakdal na crimes against humanity kontra Gongdi at mga kapanalig; pangalawa, ang pagpapalakas ng Filipinas sa mga alyansa sa ibang bansa kontra sa pangangamkam ng Tsina sa ating teritoryo at karagatan; at pangatlo, ang pagpapatuloy ng paglago ng pambansang ekonomiya at pagpapatatag upang harapin ang mga hamon.

Walang hadlang upang ituloy ng ICC ang tila naaantala na formal investigation kay Gongdi at mga kasapakat tulad ni Sara Duterte, Bato dela Rosa, Bong Go, Jose Calida, at iba pa na pawang mga taga-Davao City. Huwag kalimutan ang ibang sangkot sa walang humpay na patayan sa madugo pero nabigong digmaan kontra droga ni Gongdi tulad ni Alan Peter Cayetano, Dick Gordon, at mga opisyales ng PNP na naglunsad at nagpatupad ng Operation Double Project na may dalawang mukha – Oplan Tokhang at Oplan High Value Target.

Walang ibinabang executive order, memorandum-circular, o verbal order si BBM upang pigilan ang mga taga-ICC sa kanilang pakay na siyasatin ang mga nangyari sa giyera kontra droga ni Gongdi at sipatin ang mga responsable sa walang humpay na patayan batay sa illegal order sa ilalim ng Memorandum Circular 1 (Project Double Barrel) na ibinaba at nilagdaan ni Bato bilang hepe ng PNP. Inaasahan namin na tuloy tuloy at walang sagabal sa imbestigasyon ng ICC kahit maingay ang grupong Davao City.

Kinilala ni BBM ang desisyon ng Korte Suprema noong 2021 hinggil sa pagtiwalag ng Filipinas sa ICC. Sa desisyon sa usapin Pangilinan v. Cayetano, kinatigan ng Korte Suprema na may poder si Gongdi na pangunahan ang pagtiwalag ng Filipinas sa pagiging kasapi ng Rome Statute, ang tratadong multilateral na nagtatag sa ICC. Hindi nilabag ni Gongdi ang Saligang Batas ng bansa sa pagtiwalag sa ICC kahit hindi niya kinunsulta ang ibang mga lider tulad ng mga senador, DFA, at iba pang opisyales.

Ngunit binigyan diin ng Korte Suprema na may tungkulin ang Filipinas na sundin ang probisyon ng ICC noong kasaping bansa ito sa panahon 2011 hanggang 2019. Hindi matalikuran, ayon sa Korte Suprema, ang atas ng ICC sa panahon na kasaping bansa ang Filipinas. Hindi nawawala ang pananagutan ng Filipinas dahil tumiwalag ito noong 2019.

Naging kasaping bansa ng ICC ang Filipinas nang sang-ayunan ng Senado ang Rome Statute noong 2011. Tumiwalag ito sa utos ni Gongdi noong 2019. Nakikita ang pagbabalik ng Filipinas sa ICC sa susunod na taon. Nagparinig si BBM na balak ng kanyang administrasyon na bumalik sa ICC at wala kaming nakikitang hadlang sa ganitong hakbang. Marami ang sang-ayon sa hakbang na balik-ICC ang bansa.
***
NAKIKITA namin ang pagpapalakas ng mga alyansang militar ng Filipinas sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Japon, mga kasaping bansa ng ASEAN, Australia, India, at iba pang bansa upang tugunan ang hamon ng Tsina hinggil sa pangangamkam ng halos kabuuan ng South China Sea kasama ang ilang bahagi ng West Philippine Sea at Exclusive Economic Zone ng bansa. Hindi titigil ang Tsina hanggang hindi mapasakanila ang South China Sea.

Hindi namin nakikita na hahayaan ng mga demokratikong bansa ang pangingibabaw ng Tsina sa South China Sea, pigilan ang malayang daloy ng kalakalan sa karagatan, at tuluyang angkinin ang buong karagatan na walang sagot sa kanilang kapangahasan. Mas nakikita namin ang pagbubuklod ng mga demokratikong bansa sa pagmamalabis ng Tsina. Hindi titigil ang mga malayang bansa na pigilan ang Tsina sa kanilang mala-diyablong intensyon sa karagatan.

Tuloy-tuloy ang paglago ng pambansang ekonomiya sa susunod na taon. Batay sa mga datos ng Philippine Statistical Authority at Bangko Sentral ng Pilipinas, bumalik na ang dating sigla ng ekonomiya kahalintulad ng panahon bago ipataw ni Gongdi ang isa sa pinakamalupit na lockdown sa buong bansa noon 2020. Walang nakikitang sagabal upang tuluyang umusbong ang mga itinanim na polisiya upang tulungan ang kabuhayan ng bansa.
***
NAGPASYA ang Muntinlupa City Regional TrialCcurt na ilipat ang 11 saksi sa pangatlo at huling asunto ni Leila de Lima mula sa piitan ng Sablayan sa Occidental Mindoro sa new New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Pito sa kanila ang bumawi na naunang testimonya na nagdiin kay de Lima sa pinagtagpi-tagpi asunto ni de Lima. Hiniling ni de Lima at mga prosecutor ang kanilang paglipat dahil sa banta sa kanilang kaligtasan sa Sablayan.

Nabalitaan namin mula sa kampo ni de Lima na maghaharap sila motion for demurer dahil mahina ang inilatag na katibayan ng prosecution. Malamang dumating sa punto na ipawasalang sala ng hukom ang dating senador dahil walang sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso. Malamang mangyari ito sa unang quarter ng 2024.
***
HINDI nawawala ang aming paghanga kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard sa isyu ng West Philippine. Buong giting niyang sinupalpal ang Tsina sa panukala ng huli na magkaroon ng dayalogo at konsultanyon ang dalawang bansa sa isyu ng pangangamkam ng Tsina sa ilang bahagi ng West Philippine Sea. Ito ang pahayag niya:

“How can we engage you in a dialogue and consultation when your statement begins by blaming the Philippines for escalating tension in the West Philippine Sea, accusing us of deliberately provoking China and infringing on your territorial sovereignty? How can we trust China’s commitment to maintaining regional peace and stability when you deploy the China Coast Guard to use water cannons against our Philippine Coast Guard and Bureau of Fisheries and Aquatic Resources vessels, which are on purely humanitarian missions?

And how can you claim territorial sovereignty over these waters based on the ten-dash line, which your own government decided to draw, disregarding the UNCLOS that your country also signed?”
***
BALITA ang pagtatag ng Estados Unidos ng kauna-unahang federal database upang tuntunin ang official record ng paglabag ng mga pulis sa kanilang tungkulin. Itinuturing ito na isang hakbang upang siguruhin na susundin ng mga pulis ang kanilang tungkulin.

Hindi puede dito sa Filipinas iyan dahil sinisiguro na babagsak lang ang database sa dami ng paglabag sa tungkulin ng mga pulis sa bansang ito. Mas lalong titindi lang ang suliranin.
***
HINDI NA balita ang 14-day preventive suspension order ng MTCRB sa dalawang programa ng SMNI epektib Dec. 18. Tanong: Bakit dalawang linggo lang?
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “The bullying and island-grabbing by China in the West Philippine Sea cannot be stopped by mere letters of diplomatic protests.” – Edcel Lagman, mambabatas

“When it rains, it pours. Keep those complaints vs Celiz, Badoy coming.” – Jessie Severino, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post ANO ANG MAASAHAN SA 2024? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ANO ANG MAASAHAN SA 2024? ANO ANG MAASAHAN SA 2024? Reviewed by misfitgympal on Disyembre 20, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.