
HINDI parin humuhupa ang baha sa Sta. Cruz, Laguna matapos manalasa ang bagyong Ulysses nitong nakaraang linggo.
Halos 800 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center dahil sa baha.
Umabot sa beywang ang baha sa Sta. Cruz dulot ng malakas na pag-ulan dala ng bagyo.
Sa Barangay Santo Angelo Central na katabi ng Laguna de Bay, hindi parin bumaba ang tubig-baha hanggang nitong Miyerkoes. Bangka na ang ginagamit ng mga residente para mabisita ang kanilang mga bahay.
Sanay na raw ang mga residente sa baha kapag umaapaw ang Laguna de Bay, ngunit mas malalim ang tubig ngayon at mas matagal mawala. Dahil daw ito sa sunod-sunod na bagyo.
Sa ibang lugar, hanggang kalahati ng bahay ang inabot ng tubig-baha. Pumapasok na nga raw ang maliliit na isda sa loob ng bahay.
Ayon sa isang residente, ang huling malalang baha na naranasan nila ay noong bagyong Ondoy. Ang mga baha simula noon ay umaabot lang hanggang tuhod. Pero ngayon, mas mataas na ang baha.(PFT team)
The post Baha sa Laguna ‘di pa humuhupa; isda pumasok na sa bahay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: