SUMUKO na sa awtoridad ang salarin sa pag-gahasa at pagpatay sa isang 12-anyos batang babae na naghahanap lang ng phone signal para makausap ang kanyang guro sa bayan ng San Narciso, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Bheanne Banico, Grade 7 na mag-aaral.
Ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon nitong Martes, sumuko sa kanilang tanggapan ang suspek na si Allan Mendeja, 35, at inaming siya at hindi ang kanyang ama ang salarin sa panggagahasa at pagpatay kay Banico noong Nobyembre 20, 2020.
Matapos matagpuan ang bangkay ng bata sa Bgy. Punta, San Narciso, inaresto ng pulisya ang ama ni Allan na si Artemio Mendeja, 66, isang magsasaka at mangingisda. Sinampahan siya ng kasong Rape with Homicide.
Pero makaraan ang ilang araw, lumabas si Allan para sabihing siya ang may kagagawan sa krimen.
“Ako po ang salarin, hindi si tatay,” wika ni Allan nang tanungin ng NBI agent na si Ferdinand Dagdag, may hawak ng kaso.
Isinuko rin ni Allan ang itak na kanya umanong ginamit para tagain si Banico at pati narin ang nawawalang cellular phone ng bata.
Sa salaysay ni Vicente Banico, 65, lolo ng biktima, sinabi niya na umalis ng bahay ang kanyang apo 6:30 ng umaga noong Nobyembre 20 para maghanap ng lugar na may signal ang cell phone. May kailangan umanong itanong si Bheanne sa kanyang guro.
“Nagpaalam po siya na pupunta lang doon sa lugar na may signal ang cellphone dahil kailangan niyang mag-text sa kanyang teacher. Pero 8:00 na ng umaga hindi pa siya bumabalik kaya sinundan ko na siya para hanapin,” ayon sa lolo ng bata.
Ayon kay Vicente, natagpuan niya ang bangkay ni Bheanne na walang saplot at may malalim na taga sa leeg at katawan.
Sa follow-up operation ng San Narciso Police Station, may ilang testigo ang nagturo kay Artemio bilang salarin. May mga bahid din ng dugo ang kanyang katawan at pantalon, dahilan para arestuhin siya ng pulis.
Ngunit kalaunan, lumabas si Allan para amining siya ang totoong salarin.
Napag-alaman na iniwan si Allan ng kanyang at sumama sa ibang lalaki.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa NBI-Quezon, sinabi ni Allan na nakita niya sa may bundok si Bheanne. Nilapitan niya ito, sinuntok sa tiyan na siyang dahilan para mawalan ng malay ang biktima.
Hinalay ni Allan ang bata at nang magsimula itong magkamalay ay nag-agawan umano sila sa itak. Muli niyang sinuntok sa tiyan ang biktima, kasunod nito ay tinaga niya ng dalawang beses ang bata sa may leeg at tiyan.
The post 12-anyos naghahanap ng signal, ginahasa at pinatay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: