ALAM nating may nakaraang hidwaan sa pagitan nina Speaker Lord Allan Velasco at dating Speaker Alan Peter Cayetano. Ang “agawan” ng trono!
Alam ko din mabuti ang inyong hangarin para sa bayan pero por-dos-por-singko naman, ‘wag nyo naman gawin katatawanan ang serbisyo publiko sa binabalangkas nyong mga batas dahil ang dulo nito, taumbayan ang magsasakripisyo.
Kagaya na lamang nitong Bayanihan 2 sa panahon ng panunungkulan ni Speaker Cayetano. Hindi pa nga kumpleto ang pagre-release ng pondong inilaan para sa Bayanihan 2, heto’t nagkukumahog na naman ang liderato ng Kamara para maglaan ulit ng pondo para naman sa Bayanihan 3.
Pero saglit lang. Maganda itong aksyon ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin na magpatawag ng isang imbestigasyon kaugnay sa release and utilization of appropriations authorized under Republic Act No. 11494, otherwise known as the Bayanihan to Recover as One Act, para once and for all, malaman kung saan o kanino napunta ang natirang pondo.
Sa House Resolution 1558 na inihain ni Garin, mahigit 30 kongresista ang lumagda para hilingin sa House committee on public accounts na kailangan ang accountability dahil lalong mawawala ang oportunidad na makabangon ang ekonomiya at malaman ang aktuwal na pagkalugi ng ekonomiya.
Base kasi sa report ng Office of the President noong November 3, 2020, sa kabuuang P140 billion pesos appropriated funds sa ilalim ng Bayanihan 2, P76.2 billion pesos lamang ang nailabas. Kaninong kamay o saan napunta ang natirang P63.8 billion pesos?
Bukod pa rito ang karagdagang P39.4 billion pesos na pondong ibinuhos bilang puhunan para sa government financial institutions (GFIs) na makatutulong sa micro-small-medium enterprises mula sa masamang ekonomiya epekto ng COVID-19 pandemic.
Ngayon naman, ipinanukala ni Speaker Lord Allan Velasco kasama si Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo, ang House Bill 8628 para maglalaan ng P420 bilyong pondo upang tulungang pasiglahin muli ang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng Bayanihan 3 o ang “Bayanihan to Arise As One Act.”
Makikinabang sa P420-billion appropriation sa ilalim ng Bayanihan 3 ang small business, additional social amelioration program, farmers, livestock producers, fishermen; unemployment assistance and cash-for-work programs, internet allowances to primary, secondary and tertiary students and teachers in public and private educational institutions; rehabilitation of typhoon-affected areas, procurement of COVID-19 medication and vaccines, and to finance logistics, information awareness campaigns.
E ganito rin halos ang nilalaman ng Bayanihan 2. Makikinabang ang sambayanang Filipino.
I said it before and I say it once more, maganda ang inyong hangarin para sa bayan. Wala pong duda ‘yon! Pero paano ‘yong mga ahensiya ng gobyerno na pagdaraanan ng pondo lalo na ang Department of social Welfare and Development kung saan dito bumagsak ang pondo para sa social amelioration program (SAP).
Kagaya dito sa Barangay North Fairview, hindi pa nila natatanggap ang second tranche ng kanilang SAP sakop ng Bayanihan 1. Nagbigay na sila ng dokumento sa barangay subalit hihintayin pa ang “Go Signal” ng DSWD kung kalian sila magre-release ng SAP.
Ngayon Bayanihan 3 naman!
***
DPOS traffic enforcer sa North Fairview
kulang sa seminar
HINDI lang medyo kundi kulang talaga ng seminar sa traffic rules and regulations itong mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) sa Quezon City.
Pinag-suot lang ng uniporme traffic enforcer kaagad. Walang proper training o seminar isinabak na sa pagmamando ng trapiko sa mga kalsada sa Quezon City.
Tanong? Para saan ba o anong senyales ang yellow square na may ekis sa gitna nakaguhit sa mga intersections? Di ba’t dapat hindi sakupin ng mga sasakyan kung puno na para makadaan din ang mga tatawid na sasakyan?
Madalas itong nangyayari sa stop light along Commonwealth Avenue corner Atherton street at sa kanto ng Fairlane sakop ng Barangay North Fairview.
Bukod sa digital ang stop light sa Atherton St.at makikita kung ilang segundo na lamang ang natitira bago tuluyang mag-full stop, may DPOS traffic enforcer pa rin na nagmamando sa daloy ng trapiko dahil nga sobrang trapik palabas ng Commonwealth papuntang Philcoa.
Pero hinahayaan lang nila na mapuno sakop na ang yellow square lane bago nila pahintuin ang mga sasakayan.
Mga opisyal ng DPOS, kayo na po ang bahalang mag-isip gaano ka-trapik sa lugar na ito.
Ganun din ang daloy ng trapiko pagdating sa Fairlane, stop light sa tapat ng Fairview Center Mall at pinipigil nila ang takbo sa bandang Camaro St.
Pinapatay din nila ang traffic light sa Atherton st., bakit?
Obserbasyon lang po itong aking komento at sana po hindi ko na ulitin pa!
The post Bayanihan 2 kontra Bayanihan 3 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: