Facebook

Bong Go sa pandemic response ng bansa: ‘Very good’ pero ‘wag magkampante

ITINUTURING ni Senator Christopher “Bong” Go bilang “very good” ang ginagawang pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic pero huwag muna dapat magpakampante ang lahat habang hinihintay ang papapatupad ng national vaccination program.

Sa pagbubukas ng ika-100 Malasakit Center sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City, sinabi ni Go na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang malabanan ang pandemya.

“Alam naman natin na ginagawa po ni Pangulong Duterte at ng Executive Department, including ang ating health officials (and experts), mga kapulisan at mga militar ang lahat para labanan itong COVID-19. Ako po ay naniniwala sa sinabi ng WHO na very good po ang ating response, ang ating gobyerno,” ani Go.

Ngunit binalaan ng senador ang publiko na nagiging kampante sa pagsasabing ang paglaban sa pandemya ay hindi pa tapos.

“Ngunit huwag po tayong magkumpiyansa. Hindi pa po natatapos ang laban natin sa COVID-19. Hopefully, matapos na po itong pandemyang ito. Nakikita naman namin na sa susunod na taon ay unti-unti na tayong mag-a-adjust,” ani Go.

“Kaya sumunod muna tayo sa gobyerno. Mag-social distancing, hugas ng kamay, mask at face shield. Sa mga matitigas na ulong mga Pilipino, nakikiusap kami sa inyo. Sa ngayon naman po marami ang mga sumusunod, sa pag-iikot ko po marami ang naka-mask. Gusto pa pong humaba ang kanilang buhay. ‘Yun namang iba ayaw mag-mask, ‘yun po ang mga nagmamadali po,” idinagdag niya.

Samantala, sinabi ni Go na bilang chairman ng Senate committee on health, suportado niya ang probisyon na dagdagan ang pondo sa genome sequencing ng Department of Health (DOH) para ma-detect ang bagon COVID-19 variants.

“Nakausap ko kanina si Secretary (Francisco) Duque kung kakailanganin nila ng pondo para sa genome sequencing. Hindi naman natin akalain na may darating na bagong UK variant at hindi po ito kasali sa budget ng 2021 itong mga testing na ito,” sabi ni Go.

“Ako po, bilang Committee chair (ng Senate Committee on Health), ay handa akong makiusap sa ating mahal na Pangulo na ngayong taon ay malagyan na ito ng pondo. Kakausapin ko rin si Secretary (Wendel) Avisado ng DBM (Department of Budget and Management) dahil hindi na po ito makaaantay ng 2022,” anang senador.

Nauna rito, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa online media forum na ang panukalang dagdag na P362 million budget ay consolidated requirements mula sa University of the Philippines – National Institutes of Health, Philippine Genome Center, at ng Research Institute for Tropical Medicine.

“Sa ngayon po dahil kapos pa po ang budget natin ngayong 2021, ang Executive Department, pwede nilang gawan ‘yan ng paraan sa contingency fund ng ating mahal na Pangulo,” ani Go.

“Nandito po ako, handa po akong tumulong at makipag-usap kay Pangulong Duterte upang mabigyan kaagad sila ng pondo para maumpisahan na agad ang testing sa bagong variant,” ayon sa mambabatas. (PFT Team)

The post Bong Go sa pandemic response ng bansa: ‘Very good’ pero ‘wag magkampante appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa pandemic response ng bansa: ‘Very good’ pero ‘wag magkampante Bong Go sa pandemic response ng bansa: ‘Very good’ pero ‘wag magkampante Reviewed by misfitgympal on Pebrero 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.