IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa law enforcement agencies, partikular sa Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency, na ayusin ang kanilang inter-agency coordination matapos ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga tropa nito sa Commonwealth, Quezon City.
“Importante po dito ang koordinasyon dahil puro naman ‘yan magkakakilala. So dapat ang close coordination between law enforcement agencies ay paigtingin pa po,” ayon kay Go.
Sinabi ng senador na kung kinakailangan ng batas na mag-aayos sa koordinasyon sa pagitan ng PNP at PDEA ay nakahanda siyang suportahan ito sa Senado para matiyak na hindi na mauulit ang insidente.
“Kung kailangan ng batas, I am willing to support. ‘Wag lang po mangyari ang mga ganitong aksidente,” aniya.
Sinabi niya na dahil sa madugong nangyari ay tiyak na pinagtatawanan ng drug criminals ang mga law enforcers.
“Tumatawa po ang mga durugista na ito. Hindi po ang PDEA o law enforcer ang dapat nakabulagta doon. Ang dapat pong nakabulagta doon, ‘yung mga drug dealer,” sabi ng senador.
“Kung sila po ang nakabulagta doon sa sahig, ako mismo ang papalakpak ‘pag drug lord at drug dealer ang nakabulagta doon. Pero ‘pag pulis o PDEA ang nakabulagta, nagdurugo ang puso namin ni Pangulong Duterte,” idinagdag niya.
Sinabi ng mambabatas na inatasan na ni President Duterte ang Department of Justice at ang National Bureau of Investigation na pangunahan ang imbestigasyon sa insidente.
“Inatasan na po ni Pangulong Duterte ang NBI na mag-imbestiga at lumabas ang katotohanan at para malaman ng publiko ang katotohanan, malaman ng pamilya ng mga biktima ng unfortunate incident na ‘yun ang katotohanan,” sabi ni Go.
“Kailangan natin malaman ang katotohanan para ‘di na po mangyaring muli ang napakasakit na unfortunate incident na ito na napakasakit pong isipin na puro pa law enforcement agencies ang nagbabarilan,” dagdag ng mambabatas. (PFT Team)
The post Bong Go sa PNP-PDEA: Ayusin ang koordinasyon vs droga appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: