DAHIL inaasahang darating na sa bansa ngayong araw ang unang batch ng donasyong bakuna ng Sinovac, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng whole-of-nation approach para matiyak ang tagumpay ng national vaccination program.
Pinuri ang local government ng Dagupan City sa Pangasinan dahil sa kahandaan nitong bumili ng bakuna para sa kanilang mamamayan, sinabi ni Go na ang national at local governments ay nakahanda na sa pagsasagawa ng rollout ng COVID-19 vaccines.
“Ako po, I commend Mayor Bryan Lim dahil nauna po kaagad at handa ang ating city government sa pagbili ng bakuna,” ani Go sa kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City nitong Biyernes.
“Ang ibig sabihin, nandyan ang pera, ready tayo. Nandyan ang pagro-rollout sa pakikipagtulungan ng national government with the local government ay ready na po,” dagdag niya.
Ngunit sa kabila ng kahandaan aniyasa vaccine rollout, inamin ni Go na nahihirapan ang pamahalaan sa pagsasara ng vaccine deals sa mga manufacturers dahil inuuna ng mga ito ang mayayamang bansa na mabentahan.
Kaya nga iminungkahi niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-maximize diplomatic relations para mapaibilis ang vaccine rollout.
“Ang problema po ngayon dahil ang mayayamang bansa po ang nauuna parati sa supply, so nakausap ko si Pangulo and I suggested kung pwede pong itong foreign relations, ibig sabihin ang pakikipag-usap po sa ibang bansa, sa mga diplomats,” aniya.
“I suggested to the President na tulungan ni (Foreign Affairs) Secretary (Teddy) Locsin at Finance Secretary (Carlos) Dominguez, si Secretary (Carlito) Galvez para mapabilis ang pagbibili ng bakuna at makarating na po dito sa ating bansa,” anang senador.
Sinabi ni Go na habang handa na ang pondo para pambayad sa bibilhing bakuna, hindi pa tiyak ang pagdating sa bansa ng COVID-19 jabs.
“Nandiyan na ang pera, nandiyan na ang order, different LGUs na po ang nag-o-order. Pero kelan darating, mismo po ang COVAX ay ‘di pa po sila nakaka-assure kung kelan darating ang bakuna dito sa ating bansa. Walang assurance ang petsa,” paliwanag niya.
Kaya iginiit ni Go sa lahat ng sangay ng gobyerno na magtulungan para makabuo ng kumpiyansa sa publiko upang maging matagumpay ang rollout ng vaccines program..
“So, tulungan lang po tayo dito. Ang importante po, ang rollout ay tuluy-tuloy, not only rollout, get the confidence of the people, kailangan makuha ang kumpiyansa,” sabi ni Go. (PFT Team)
The post Bong Go: Whole-of-nation approach kailangan sa tagumpay ng COVID-19 vaccination program appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: