SA kabila ng pandemya, siguradong magiging abala pa rin ang Chinatown sa Ongpin, Maynila sa pagdiriwang ngayong araw na ito ng Chinese-Filipino community sa pagpasok ng ‘Year of the Metal Ox.’
Bagamat kanselado ang mga pagpapaputok, dragon at lion dance sa kalsada gayundin ang anumang aktibidad na maaring maging daan upang magtipon ang marami at magkahawaan ng sakit, tuloy na tuloy ang pagpasok ng Chinese New Year at maari pa rin naman itong ipagdiwang nang simple at alinsunod pa din sa mga nakagisnang tradisyon ng mga Tsinoy.
Gaya ng nangyayari taon-taon, abala ang Eng Bee Tin Stores na pag-aari ni Gerie Chua at ngayon ay pinatatakbo na ng kanyang mga anak na sina Gerik, Gerald at Geraldyn, dahil ito ang puntahan ng mga Tsinoy na naghahanap ng mga espesyal na Chinese products, kabilang na ang mga panlagay sa ibabaw ng mesa para pampaswerte gaya ng tikoy, `huat kee’ o `fortune cake’ na pinaniniwalaang nagdadala ng mabuting pamumuhay at pinya, na sumisimbolo sa `ong lai’ na ang ibig sabihin ay ‘swerte, pasok ka.’
Marami ang tindahang nagtitinda ng ganitong mga produkto sa Chinatown pero ang dahilan kung bakit laging dinudumog ang Eng Bee Tin ay dahil sa kalidad ng kanilang mga produkto at makatarungang presyo, dahilan para maging sikat ang lahat ng kanilang produkto hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa maraming ibang bansa. Higit sa lahat, bahagi ng kinikita ay napupunta sa pantulong sa mga nangangailangang volunteer na bumbero.
Pinagsumikapan naman ng mga anak niya ang pagdadala sa Chinatown ng pinakamalaking gintong Buddha na ngayon ay isa nang tourist attraction. Ito ay matatagpuan sa loob ng bagong bukas nilang restaurant, ang ‘The Great Buddha Cafe’ na nasa pusod ng Ongpin at kung saan pupuwedeng magpakuha ng litrato nang libre.
Bukod sa mga lion dance at paputok, bahagi na rin ng tradisyon ng pagdiriwang ng Chinese New Year angpagpunta sa mga templo na siguradong punuan ngayon. Doon ay nagbibigay at nagpapasalamat ang mga Tsinoy sa mga biyayang natanggap nang nakalipas na taon at sa mga darating pa sa taong papasok.
May paniniwala din na suwerteng maghain sa mesa ng tikoy dahil sa taglay nitong korteng bilog para sa tuloy-tuloy na suwerte at gayundin sa tamis at lagkit nito, na magdadala naman daw ng magandang samahan.
Swerte din daw ang magpagupit dahil inaalis daw nito ang malas na dala ng nakaraang taon, gayundin ang pagbabayad ng mga utang pang maging malinis ang pagsisimula ng bagong taon para sa iyo.
Pero sa gitna ng lahat ng mga paniniwalang ito, sinabi ni Gerie– at gayundin ang aking personal na paniniwala— na ang tunay na swerte ay nakasalalay sa mga mabuting gawain sa kapwa.
‘Kung Hei Fat Choi’ sa ating lahat!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Chinese New Year, ipinagdiriwang ngayong araw na ito appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: