KUNG mayroon mang kapansin-pansin sa Edsa bago dumating ang ika-35 anibersaryo ng People Power, ito ay hindi ang dating mga dilaw na ribon kundi ang naglipanang tarpaulin na may nakasulat na ‘Run, Sara, Run!’. Ang Sara na tinutukoy dito ay walang iba kundi si Sara Duterte, anak ng Presidente, Mayora ng lungsod ng Davao, at siyang inaasahan ng mga DDS na magmamana ng trono ng kanyang tatay.
Ngunit maliban sa maikling pahayag ay walang opisyal na pagdiriwang ang administrasyong Duterte sa anibersaryo ng Edsa. Ganito sa nakalipas na apat na taon. Hindi kasi panatiko si Duterte ng Edsa kahit na si Cory Aquino pa ang naglagay sa kanya bilang pinuno ng Davao matapos ang people power. Aminado si Duterte na ang idolo niya ay si Marcos kaya nga’t ang unang kautusan nito nang maupo ay ipalibing ang huli sa Libingan ng mga Bayani. Ang bise nito noong nakaraang eleksyon ay si Bongbong, at ang ibinida niyang malaking donor sa kanyang kampanya ay si Imee Marcos. Kaya’t madlang pipol, huwag siyang hahanapan ng “diwa” ng Edsa sa kanyang katawan dahil blangko ito sa kanyang isipan.
Sa katunayan, ang kabiguan ng Edsa sa nakalipas na 30 taon ang ginamit na mensahe ng kampanyang Duterte noong 2016. Ginawang kulay dilaw ang kabiguang ito kahit na hindi naman lahat dilaw ang nagpalitan sa pwesto sa nakalipas na 30 taon. Hindi si FVR. Lalong hindi si Erap na aminadong loyalista ni Marcos. Hindi rin si Gloria na dugong Macapagal. Sa totoo lang, ang 2 ‘dilawang Aquino’ ay 12 taon lamang sa poder, ilang taon dito ay pumilay pa kay Cory sa kasasalag ng kudeta. Habang ang natitirang 18 sa nakalipas na 30 taon ay pamumuno na ni FVR, Erap, at Gloria. Kaya’t huwag magtaka kung hindi itinuring ni Duterte na ‘delawan’ ang tatlong ito. Sa katunayan sila ay magka-alyado.
Kung paano nila nagawang naratibo ang “kabiguan ng mga delawan” ang buong tatlong dekada ng Edsa ang masasabi ko na panalong estratehiya sa propaganda ng adminsitrasyong Duterte noong 2016. Katulad din ito sa kung paano ginawang numero unong problema ng bansa ang droga gayong sa mga sarbey, ang top national concerns ng mga Pilipino mula noon hanggang ngayon ay sweldo, presyo, kalusugan, at paglaban sa korapsyon. Dito natin makikita ang bisa ng walang tigil na pagbomba ng manipuladong mensahe sa litong kaisipan at ramdam na kabiguan ng masa. Pareho din lang ito ng instant noodle na naipipresentang healthy food sa harap ng kapos na badyet ng masa.
Dahil sa ganitong mensahe, ang paninisi sa kabiguan ng Edsa ay nauwi lamang sa kulay, hindi sa isang uri na nagpapalit-palitan lamang sa poder. Napatotohanan dito ang teorya ni Goebbels na ulit-ulitin lang daw ang kasinungalingan at magiging tama na rin ito sa pandinig ng masa. Ganito ang nangyari sa panahon ni Hitler. Dahil kahit mali at karumaldumal na krimen ay natanggap ng mga Aleman na ang lahi ng mga Hudyo ay dapat lipulin. Dito sa Pilipinas ay epektibong nagamit ang yellow-tagging sa propaganda. Ngayon naman ay isinasagawa na ng puspusan ang red-tagging.
Balikan muna natin ang mga tarpaulin ni Inday Sara. Hindi lang sila nakabalandra sa mga overpass ng Edsa kundi sa lahat na yata ng kalsada sa buong bansa. Para saan nga ba ang mga ito? Ang tawag dito ay “epal” pero alam ng madla ang layunin nito. Kopyang istilo lang ito sa ginawa ni Bong Go noong 2019. Ginagawa rin ito ng maraming pulitiko. Palipad hangin pero seryoso. Pakipot pero todo na kung gumastos. Kunyari pahila pero nakakambyo na sa primera.
Malapit na ang 2022 elections. At pasalamat dapat si Inday Sara sa Edsa dahil malaya nilang nagagawa ang maagang pangangampanya ngayon pa lamang. Hindi naman daw ito bawal sabi ng Comelec. Tahimik din lang ang mga LGU at MMDA. Walang nagtatanggal. Kahit pakitang tao. Kahit sa ngalan man lang ng disiplina at kaayusan na sila rin ang nagbobomba sa kaisipan ng masa sa nakalipas na apat na taon.
Pero tiyak mag-iiba ang aplikasyon ng batas ng Edsa kapag ibang tao o grupo na ang magkakabit. Malaya din kayang makakapagkabit ang mga sosyalista ng tarpaulin na may nakasulat na “Sosyalismo Laban sa Pasismo”? O ang mga supporter ng VP na magkabit ng “Ready for Leni” o “Leni Mismo”?
Duda ako. Malamang magkaroon agad ng tanggalan o kaya ay arestuhan. May bilin lang ako na sakaling magpang-abot ang kanilang tarp operatives sa matataong lugar, sundin ang mabisang protocol na gawin na lang makulay ang magaganap na ‘misencounter’.
The post Edsa ni Inday Sara appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: