INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang pamahalaang lungsod ay nakapagsagawa na ng paunang bayad na nagkakahalaga ng P38.4M para sa 800,000 dosis ng Astra Zeneca anti-COVID vaccines. Ang nasabing bilang ng dosis ay sapat na para sa 400,000 katao na tatanggap ng dalawang dosis bawat isa.
Ang magandang balita ay ipinahayag ni Moreno sa kanyang regular live broadcast kung saan ipinaliwanag niya rin ang kahalagahan ng nasabing impormasyon.
“Tiyak na na nakasisiguro na tayo, kasi sa kontrata, maaaring me katiyakan pero ang initial payment ay nakapagbibigay ng kapanatagan ng kalooban para sa mamayang taga-lungsod na me darating nang mga bakuna sa Maynila,” pagbibigay diin ni Moreno.
Ang Astra Zeneca vaccines ay inaasahang dumating sa pagitan ng April at September sa taong ito.
Sinigurado ng alkalde na ang inorder na 800,000 doses ay mataas na kalidad na uri ng bakuna na ibibigay sa lungsod ng pambansang pamahalaan.
“Ibinigay ko na ang P38.4 million ninyo… pera ng taumbayan,” ayon kay Moreno. Ang nasabing halaga ay kumakatawan sa 20 porsyento ng kabuuang halaga.
Matatandaan na ang Maynila ang kauna-unahang local government units na pumasok sa isang tripartite agreement sa pagitan ng AstraZeneca.
Muli ay binanggit ng alkalde na handa siyang maunang magpabakuna sa harap ng publiko upang ipakita na ito ay ligtas at makumbinsi ang ilan na na ini-entertain ang takot sa pagpapabakuna.
Tiniyak din ni Moreno na kung anuman ang bakunang ituturok sa kanya ay ganun din ang ibibigay sa mga magpapabakuna sa lungsod.
Samantala, base sa ulat ni electronic data processing chief Fortune Palileo ay mayroon ng 88,747 indibidwal na nagrehistro sa Manila Vaccination and Immunization app, https://ift.tt/3nQ5c8v. Ibig sabihin ay interesado silang mabigyang ng libreng COVID vaccines kapag ito ay dumating na. (ANDI GARCIA)
The post ISKO, NAG-ADVANCE NA NG P38.4M SA ASTRA ZENECA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: