BATAY sa rekord ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mayroon pang natitirang 233 bukas na imbakan ng mga basura (open dumpsites) sa maraming bahagi ng bansa.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na labag sa Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Law ang mga bukas na imbakang ito.
Ngunit, hindi ko maintindihan kung bakit ayaw sundin at ipatupad ng mga alkalde ang R.A. 9003.
Ipaalala ko lang na napakalinaw ng nakasaad sa R.A. 9003 na: “no open dumps shall be established and operated, nor any practice or disposal of solid waste by any person, including LGU (local government units), which constitutes the use of open dumps for solid wastes, is allowed”.
Noong 2017, 385 pa ang bukas na mga imbakan ng basura sa maraming panig ng bansa.
Ibig sabihin nito, bago pa naging pangulo ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte ay napakarami nang mga imbakan ng mga basura.
Napakarami nang mga alkalde ang sadyang hindi kinikilala at lumalabag sa R.A. 9003.
Pokaragat na ‘yan!
Ngayon ay 233 na lang ito, ayon sa DENR.
Ibig sabihin, 152 ang nabawas mula noong 2017.
Kung 152, mayroong 50 bukas na imbakan ng mga basura ang naipasara bawat taon.
Napag-alaman ko na ang dahilan ng pagpapasara sa mga imbakan ng mga basura ay dahil agresibo ang DENR laban dito.
Naniniwala ako rito.
Ang nangunguna sa DENR sa kampanya laban sa basura ay si Undersecretary for Solid Waste Management and LGU Concerns Benny Antiporda.
Naniniwala ako dahil karamihan ng mga alkalde ay walang pagkukusa na ipasara ang mga imbakan ng mga basura sa kani-kanilang nasasakupan.
Katunayan, hindi nga nila kagyat na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng mga bukas na imbakan ng mga basura.
Pokaragat na ‘yan!
Nasabi ko ‘yan dahil kahit nga mga estero na lantarang maitim, nalilimahid, barado, napakaraming burak at mayroon pang mga basura ay hindi agresibong ipinag-uutos ng maraming alkalde ang pagpapalinis ng mga ito.
Ihahalimbawa ko ang Maynila, ang kabisera ng Pilipinas.
Hanggang ngayon ay napakaraming estero ang mabaho, napakarumi, barado at may mga basura.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ko alam kung bakit hindi ito inaaksyonan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso hanggang ngayon – Pebrero 2021 na.
Ganoon din sa Lungsod ng Taguig na napabayaan na ang mga estero hanggang ngayon.
Akala ko malilinis na ang mga ito nang maging alkalde ng Taguig si Mayor Lino Cayetano mula 2019 dahil noong ang hipag niyang si Rep. Ma. Laarni Cayetano ang alkalde ng lungsod mula 2010 hanggang 2019 ay hindi ito naging masigasig at tuluy-tuloy ang paglilinis sa mga estero.
Malapit nang matapos ang unang termino nina Domagoso at Cayetano, hindi ko alam kung kikilos pa sila laban sa napakaruming mga estero.
Tiyak ako na mayroon ding umiiral na batas laban sa marumi, mabaho, tambak ng burak at iba pa sa mga estero tulad sa mga bukas na imbakan ng mga basura.
Kung noong una pa lang ay naghigpit na ang mga akalde laban sa mga imbakan ng mga basura, pihadong hindi na ito kasama sa kampanya ng DENR.
Basura na lang ng mga kumpanya ang aasikasuhin ni Antiporda na wala sa ayos ang pangangasiwa at pagtatapon.
Pero, dahil sa maraming alkalde ang sadyang hindi tumatalima sa R.A. 9003, sabi ni Usec. Antiporda sa akin, handa niyang pangunahan ang pagpapasara sa mga bukas na imbakan ng mga basura kapag hindi kumilos ang mga opisyal ng mga pamahalaang lokal hanggang Marso ng taong kasalukuyan.
Idiniin din ni Antiporda na sasampahan niya ng kaso ng paglabag sa R.A. 9003 ang mga opisyal ng mga pamahalaang lokal kung hindi nila tutupdin ang target sa Marso tungkol sa pagpapasara ng nasabing mga imbakan ng mga basura.
Abangan natin ang aksiyon ni Usec. Benny Antiporda!
The post Mga alkalde dapat magkusang ipasara ang mga bukas na imbakan ng mga basura appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: