Facebook

MVIS ‘pandemic special rate’ ikinagalak ni Bong Go

IKINATUWA ni Sen. Bong Go ang ginawang pagtiyak ng Department of Transportation at ng private operators ng Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na huwag dagdagan ang bigat na dinadala o bagong bayarin ng mga motorista sa implementasyon ng bagong pagsusuri sa mga sasakyan bago makapagrehistro.

Ibinalita ni Transportation Secretary Art Tugade kay Go na ang bayarin sa bagong MVIS ay kagaya rin ng ipinatutupad na mandatory smoke emission testing.

Bagama’t pinalawak ang requirements para sa vehicle inspection at improving mechanisms sa road worthiness ng mga sasakyan, ang halaga na babayaran ng mga motorista ay wala pa ring ipinagbago.

“Totoo naman na kailangan nating siguraduhin ang road worthiness ng mga sasakyan. Huwag lang natin dagdagan ang pasakit na pinapasan ngayon ng taumbayan,” wika ni Go.

Sinabi ni Tugade na nakipag-usap siya sa mga opisyal ng asosasyon ng MVIS operators at stakeholders ng road sector na isulong ang ‘pandemic special rate’ para hindi mabigatan ang mga ordinaryong Filipino sa panahon ngayong krisis.

“Nakiusap po tayo na baka pwedeng huwag muna ngayon. Napakinggan naman ang hinaing ng nakararami kaya sisiguraduhin ng DOTR na hindi mapipilitan ang taumbayan na gumastos ng dagdag mula sa kanilang pinagpapawisang pera,” sabi naman ni Go sa pagsasabing palaging nakikinig ang Duterte administration sa bawat concerns at kapakananan ng mga ordinaryong Filipino.

Hiniling ni Go na pag-aralang mabuti ang implementasyon ng MVIS para maisaayos ang sistema at mapaganda ang serbisyo nang walang dagdag gastos sa ordinaryong mamamayan.

“Intindihin natin na may mga nawalan ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may mga pamilyang pinapakain. Huwag nating hayaan na may magugutom at gawan natin ng paraan na mapagaan ang hirap na pinagdadaanan nating lahat ngayon,” dagdag niya.

Kinikilala naman ni Go ang pangangailangan ng nasabing programa para masiguro ang roadworthiness ng mga sasakyan at maiwasan ang traffic-related accidents.

“Naniniwala ako na malinis ang intensyon ng mga inisyatibong ito. Huwag lang sana ito maging dagdag na gastusin sa panahong hirap na hirap na ang ating mga kababayan,” iginiit ng senador.

“Ito ang dahilan kung bakit po umapela ako kay Pangulong Duterte, kay Secretary Tugade at iba pang mga opisyales na pag-aralan po muna muli at kung maaari pong bigyan muna natin ng palugit o pahinga ang sambayanang Pilipino. Sa Bisaya nga, pahulay sa ta kay naghihirap talaga ang taumbayan,” ani Go.

Sa ilalim ng PMVIC system, ang motor vehicles na may bigat na 4,500 kilograms o pababa ay sisingilin ng inspection fee na P1,800 at P900 kung babagsak ito sa inisyal na inspection. Ang mga motorsiklo at traysikel ay sisingilin naman ng P600 at P300 sa inspection at re-inspection fees, ayon sa pagkakasunod.

“Ito pong perang ito ay pwedeng magamit po sa pambili sana ng pagkain sa kanilang mga pamilya o di kaya’y full tank na po ito ng bawat sasakyan, pwede nilang gamiting pambili ng gasolina ng kanilang sasakyan o ng kanilang mga motorsiklo,” paliwanag ni Go.

“Babalansehin po natin ang lahat. Babalansehin po natin ang safety at pangangailangan po ng tao at bigyan muna natin ng konsiderasyon muna. Ika nga, palugit, ‘wag muna nating ipitin, ‘wag muna nating pahirapan pa ‘yung mga ordinaryong Pilipino,” ang naging apela niya. (PFT Team)

The post MVIS ‘pandemic special rate’ ikinagalak ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MVIS ‘pandemic special rate’ ikinagalak ni Bong Go MVIS ‘pandemic special rate’ ikinagalak ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Pebrero 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.