Facebook

Pork Holiday

SA satirikal o nanunuya na tono ay nag-post ako ng pork challenge sa aking wall. Ang sabi ko dito: “Kaya namin na walang pork, kayo po, Cong.?”

Dito ko ipapaliwanag ang layunin ng aking mensahe mula sa tatlong bagay na pinatutungkulan nito. Una. May isinasagawang ‘pork holiday’ ngayon ang mga magbababoy laban sa itinakdang price control ng pamahalaan. Ikalawa. May panukalang batas para sa Bayanihan 3 sa Kongreso para isalba ang naghihingalong ekonomiya ng bansa. Ikatlo, pero isang lokal na isyu. May banta ang SUWECO, ang power supplier ng isla ng Tablas sa lalawigan ng Romblon, na ‘scaling down of operations’ sa February 15 (may takdang petsa pa) dahil sa pagkalugi umano nito. Para ding ‘pork holiday’ itong ikatlo kung ikukumpara. Ang kaibahan lamang nito ay per kilo ang presyuhan ng baboy habang sa kuryente ay per kilowatt.

Unahin muna natin itong sa baboy. Proponent kami ng aking partner ng plant-based diet kaya hindi namin problema ang baboy. Pero hindi ibig sabihin nito ay dedma na sa amin ang presyo ng baboy.

Ang itinakdang price control ay P270 mula sa prevailing market price na umaabot hanggang P400/kg. Kadalasan, ang price control ay pansamantalang remedyo lamang. Layunin nito na sawatain ang pagsasamantala sa presyo sa merkado sa panahon ng krisis. Sa ngayon ay nagkakagulo sa usaping ito dahil sabi ng mga traders, hindi sila maaring magbenta nang mas mababa kaysa sa kanilang puhunan. May punto din naman ito, bagamat totoo rin naman na may abusong nagaganap sa merkado tuwing may krisis.

Nagiging tama ang price control sa kondisyon na may tao o grupo na nagmamanipula ng presyo. Ngunit nagiging mali ito kung ang mataas na presyo ay dulot ng problema sa suplay, na siyang lumalabas na problema ngayon. Ang kakapusan din ng suplay ang dahilan ng inflationary pressure dahil mas maraming pera ang inilalabas ng mga tao kumpara sa nabibili nilang suplay. Ang headline inflation ng bansa ay umabot na ngayon sa 4.5% mula sa 2.2% noong nakaraang taon dahil sa nagtaasang presyo ng mga bilihin. Ang mas malaking problema na pinangangambahan ng ilang ekonomista ay ang senaryo ng ‘stagflation’ o ang kombinasyon ng istagnasyon ng ekonomiya at ang mataas na inflation.

Ang nangyayaring ito sa ating ekonomiya ang dahilan kung bakit itinutulak ni Rep. Estella Quimbo (Marikina) at House Speaker Lord Allan Velasco (Marinduque) ang Bayanihan 3 dahil para sa kanila, na sinasang-ayunan ko, hindi sapat ang Bayanihan 1, 2, at ang naipasang 2021 budget para makarekober tayo sa nagpapatuloy na resesyon. Kalakhan kasi ng 2021 budget ay napunta sa DPWH at sa security sector.

Hindi bago ang nilalaman ng Bayanihan 3 dahil dati na itong panukala (ARISE) na hinarang lamang ng Palasyo kapalit ng itinutulak na Bayanihan 2 na nagkakahalaga lamang ng P165B. Sa bayanihan 3 ay panukalang maglaan ng P108 billion cash assistance to pandemic-affected households; P100 billion for capacity-building programs for businesses; P70 billion for the agriculture sector; P52 billion for small business subsidies; P30 billion for displaced workers; P30 billion for internet allowances to teachers and students; P25 billion for COVID-19 medicines and vaccines, and expenses related to vaccination; at P5 billion for the rehabilitation of typhoon-struck areas.

Ganitong mga panukala ang dapat pinagkakaabalahan ng Kongreso, hindi charter change (chacha) o sa inaalagaan nilang ‘pork’ sa mga proyekto. Malapit ito sa panukala ng Nagkaisa labor coalition. Suporta sa magsasaka ang kailangan para maresolba ang problema sa suplay ng pagkain na kumakatawan sa kalahati ng household consumption. Kailangang suportahan ang MSMEs dahil sila ang employer ng mahigit 70% ng ating labor force. Kailangan ng trabaho, wage subsidy, at cash assistance, para ayudahan ang household consumption na bumagsak sa – 5.7%. Hindi makakabangon ang ekonomiya hangga’t ang purchasing power ng mga Pinoy ay bagsak.

Punta naman tayo sa napaulat na banta ng SUWECO. Para nga din itong pork holiday. Nagulat nga lang ako at hindi mismo sa SUWECO nagmula ang anunsyo, kundi kay Cong. Madrona sa pamamagitan ng nailathala niyang sulat sa ERC na nanawagang aprubahan na ng ahensya ang nakabinbing petisyon ng huli para sa rate adjustment. Nalulugi daw kasi ang SUWECO ng daang milyon dahil sa ‘solar rate to diesel’ charge na ipinapatupad ngayon.

Mahirap nang detalyehin ang lahat ng isyung bumabalot dito dahil mula sa ilang impormasyon na nakuha ko online ay masalimuot pala ang istorya nito, mula sa orihinal na 7.5 MW power supply agreement (PSA) ng SUWECO sa Tablas Electric Cooperative (TIELCO) na ‘bunker-hydro’ noong 2013, hanggang sa mga supplemental fillings nito sa ERC for amendments ng kontrata – ‘interim diesel plant’ (2014) at ‘diesel-solar hybrid with heat recovery system generator’ (2017). For quick reference sa mga nabanggit ko, makukuwa sa website ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ilan dito, maliban sa mga annexes.

Hindi tayo eksperto sa regulation kaya’t ipaubaya na lamang siguro natin sa ERC ang pagpapasya sa kawastuhan ng petisyon dahil nasa kanila ang lahat ng records, maging ang mga dokumento na nakapetisyon din tulad ng business model ng SUWECO na ituring din bilang “trade secret” ng kompanya. At manalangin na ang ERC ay magiging tapat sa kanilang tungkulin.

Sa kabilang banda, may dahilan at tungkulin si Cong. Madrona at mga LGU, hindi lamang bilang mga kinatawan ng lalawigan kundi bilang mga miyembro mismo ng TIELCO na maghanap ng solusyon sa problema. Sa katunayan, sa lahat ng patawag ng ERC na public hearing ay otomatik na imbitado ang mga LGU at tanggapan ng kongresman, maging ang house and senate energy committees. Dahil tungkulin nilang tiyakin ang kapakanan ng kanilang nasasakupan dahil anumang maging desisyon ng ERC ay maaring makaapekto sa mga konsyumer. Ang tanong na lamang siguro dito ay kanino bang problema ang nais maresolba? Sa nabasa ko, nagmula ito sa banta ng SUWECO.

Sa ilalim naman ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers, isa sa karapatan ng mga konsyumer, bukod sa matiyak ang least cost at reliable power na obligasyon ng power utulities, ay ang karapatan sa impormasyon. Dahil may banta ng ‘holiday’ ang SUWECO, may karapatan ang mga taga-Tablas na malaman ang mga dahilan kung bakit aabot sa ganito, o kwestyunin kung tama o mali ang mga dahilan nito. At kung sakali mang pagbigyan ng ERC ang hiling ng SUWECO, na malaman din ang magiging implikasyon nito sa presyo ng kuryente sa Tablas.

Advocate ako ng renewable energy at energy democracy kung kaya’t kahit na maraming challenges sa larangang ito, ikinatutuwa ko ang renewable energy projects sa Romblon, Tablas, at sa Carabao island. Naniniwala kasi ako na ang energy security, kontribusyon sa klima, at paraan para mapapaba ang presyo ng kuryente sa off-grid islands gaya ng sa atin na single source ang kuryente ay sa pamamagitan ng renewable energy na bukod sa malinis at sustainable ay scalable din.

Sa maraming paraan ito maaring gawin. Sa pamamagitan mismo ng cooperative katulad ng ginagawa ng ROMELCO, community o LGU-owned power projects katulad ng San Luis sa Aurora, joint venture katulad sa ANTECO, o sa pamamagitan ng pakikipag-kontrata sa pribadong kompanya katulad ng SUWECO. Alinman sa mga ito ang mapiling daan, dapat palaging una ang kapakanan ng mga konsyumer.

Ngayon. Maari bang basta na lamang magbabawas o hihinto si SUWECO ng suplay ng kuryente sa TIELCO dahil sa sinasabi niyang problema ng pagkalugi? Sa opinyon ko ay hindi. Dahil parehong magiging paglabag ito sa kontrata, sa Magna Carta, at sa mga alituntunin ng ERC.

The post Pork Holiday appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pork Holiday Pork Holiday Reviewed by misfitgympal on Pebrero 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.