IPINAG-UTOS na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapataw ng price cap sa karneng baboy at manok sa loob ng 60-araw sa Metro Manila.
Ito ay makaraang aprubahan ng pangulo ang Executive Order 124 kasunod na rin sa hiling ng Department of Agriculture (DA) hinggil dito.
Nakasaad sa naturang kautusan na hindi dapat lalagpas sa P270 ang presyo ng kada kilo ng kasim at pigue.
Ipinako naman sa P300 ang price ceiling para sa liempo, habang P160 naman para sa manok.
Maaari ding palawigin ang pagpataw ng naturang price ceiling kung magkakaroon ng rekomendasyon nito mula sa DA at kung aprubado ng Pangulong Duterte.
Samantala, magugunitang isinisi ni DA Secretary William Dar sa mga mapanamantalang negosyante at wholesalers ang pagtaas ng presyo ng karne sa gitna na rin ng African swine fever (ASF) outbreak.
ILANG SENADOR DUDA SA “PRICE FREEZE” SA KARNENG BABOY AT MANOK
Samantala nagpahayag ng kanilang pagdududa ang ilang senador sa ‘price freeze’ na ipatutupad ng gobyerno para matuldukan ang pagtaas ng presyo ng mga karne ng baboy at manok.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sa kanyang palagay hindi uubra ang price freeze dahil ang problema ay nasa suplay at sa halip na makatulong ay maaring mapalala pa nito ang sitwasyon.
Aniya ang maaring solusyon ay pataasin ang suplay at tulungan ang mga negosyante para mapalakas ang kanilang produksyon.
Ayon naman kay Senator Francis Pangilinan, sa pananalasa ng bagyong Ulysses noong nakaraang taon ay nagpatupad din ng ‘price freeze’ ang gobyerno ngunit sumirit pa rin ang presyo ng mga pagkain.
Diin nito, kung tama si Agriculture Sec. William Dar, dapat ay kumilos ang mga awtoridad para arestuhin ang mga nagsasamantalang negosyante.
Samantala, hirit naman ni Sen. Imee Marcos, dapat ay gamitin ng DA ang lahat ng kanilang mga sasakyan para matulungan ang mga nag-aalaga ng baboy na madala sa Metro Manila ang kanilang produkto at mawala na ang ‘transportation cost’ sa mga karne.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Samantala, laging subaybayan ang palatuntunang “walang personalan trabaho lang” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00nn sa RADYO NG MASA entertainment net radio. Tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band at 10:00am-11:00am sa DWXR 101.7FM – Mapapanood livestreaming via Facebook at Youtube!
The post Pagpataw ng price cap sa karneng baboy at manok, ipinag-utos ni Digong appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: