Nanawagan ang grupo ng mga hog raisers at poultry farming na pakialaman na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema sa suplay at presyo ng mga baboy at manok.
Hiniling ng naturang samahan kay Duterte na magsagawa ng Agriculture Summit na pangunahan ni Exec. Sec. Salvador Medialdea.
Sinabi ni Nicanor Briones, Vice Pres. for Luzon ng Pork Producers of the Philippines Inc., na dapat mapag-usapan ang tamang solusyon sa problema ng baboy sa bansa at para matapos na ang walang direksyong galaw ng gobyerno na bunga nang maling pagtimon ni Agriculture Sec. William Dar.
Ipinahayag ni Briones na first time sa kasaysayan ang pagkakaroon ng ‘price ceiling’ sa mga baboy. At tahasan nitong sinabi na hindi makakatulong ang naturang ‘price ceiling’ sa lumalalang problema sa pagbabayunan kaya nararapat lamang na itigil na ito.
Iminungkahi ni Briones na imbitahan ang lahat stakeholders partikular na ang mga magbababoy, magmamanok, mga supermarket, retailer, DTI para mapag-isa ang hakbang na kailangang gawin ng gobyerno.
Sinabi rin ni Briones na sayang lang ang panahon para sa imbestigasyon sa napaulat na manipulasyon sa suplay at presyuhan ng baboy at iba pang pangunahing bilihin.
Giit ni Briones na ang ilang dahilan ng pagtaas ng presyo ng baboy ang lumalalang pagkalat ng African Swine Fever (ASF), smuggling at ang tinuturong kapabayaan sa ayuda para sa mga magbababoy.
Pahayag ni Briones, na kung mayroon dapat imbestigahan, unahan ang mga importer na maaaring sangkot sa technical smuggling na umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis sa mga produktong pang agrikultura partikular ng manok at baboy kung saan bilyong piso ang nawawala sa bayan.
Sinabi pa ni Briones na tila mas pinapaboran pa ni Dar ang mga nag-i-import ng baboy at manok dahil wala itong ipinatupad na price ceiling para sa mga frozen meat.
Patuloy namang umaapela si Briones na gawing P10,000 ang ibayad ng pamahalaan sa bawat baboy na biktima ng ASF upang hindi malugi ang mga magbababoy.
The post Para sa tamang solusyon sa problema ng baboy sa bansa: Agri summit, hiniling isagawa! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: