Facebook

Parusa sa bayan

BAGAMAN sinabihan ni Rodrigo Duterte na huwag pumalaot sa magulong mundo ng pambansang pulitika at tumakbo bilang kahalili sa 2022, itinuloy ng kampo ni Sara Duterte ang motorcade ng “Run Sara Run” noong Huwebes. Iisa ang mensahe: Palabasin na lubhang malakas ang tawag ng nasa ibaba upang tumakbo si Sara Duterte sa 2022.

Palabasin na walang magawa sa sobrang lakas ng “hiling” ng sambayanan. Sambayanan ang nagsasalita at humihingi, iyan ang mensahe ng motorcade sa Metro Manila at ibang siyudad. Samakatuwid, walang magagawa si Rodrigo kundi magbigay sa hiling umano ng sambayanan. Sa huli, papayag siyang tumakbo ang anak kahit alam niya na hindi ito karapat-dapat at walang wala na kakayahan upang mamuno.

Parusa sa bayan, kapag tatakbo si Sara at siya ang mahalal na hahalili. Walang nalalaman sa pamamahala ng isang malaking burukrasya. Walang alam sa international relations. Limitado ang karanasan at tanging sa Davao City lang. Paglalaruan siya at paiikutan ng mga vested interest. May hangin lang sa ulo kaya nag-aambisyon, ngunit hindi totoong magaling.

Nanguna si Sara sa survey ngunit dapat malaman niya na hindi nananalo ang mga nanguna sa unang bahagi ng bawat halalang pampanguluhan. Nanguna si Ramon Mitra Jr. sa mga unang buwan ng 1991, ngunit pang-apat siya noong 1992. Nanguna si FPJ noong 2003, ngunit natalo kay GMA sa halalan noong 2004. Nanguna si Manny Villar noong 2009, ngunit nang pumalaot si Noynoy Aquino, hindi na nakabangon si Villar. Nanguna ni Jojo Binay noong 2015, ngunit natalo kay Duterte noong 2016. Tanging si Erap Estrada ang nanguna at nanalo, pero ibang kuwento si Erap na pinatalsik sa EDSA Dos.

Iba ang laro ng kampo ni Sara. Nais palabasin na hindi gustong tumakbo ngunit matindi ang hiling ng sambayanan. Magpapakipot ng labis-labis, ngunit tatakbo sa bandang huli. Hindi matatanggihan ang hiling ng sambayanan sa kanya. Sangkatutak na hele-hele pero kiyere. Maski si Rodrigo ay papayag sa kinalaunan. Mukhang iyan ang script nila.

Pinakamadali ang magdaos ng motorcade sa larangan ng pulitika. Mabisa kahit hindi nabibisto ang pulitiko. Kasi tumatakbo ang mga sasakyan at kung mahaba ang pila ng sasakyan, may impresyon na mukhang totohanan nga. Kung bahagi ng kampanya, hindi nalalaman ang lalim ng isang kandidato sapagkat pakaway-kaway siya sa mga tao. Hindi sila nagsasalita sa publiko. Mabisang ginamit ng mag-amang Revilla ang motorcade dahil parehong sila kinikilala sa kamangmangan sa maraming usapin.

Sa maikli, walang napatunayan ang motorcade para kay Sara. Ipinakita lamang ng kanyang mga kauri at kakampi ang sobrang ambisyon kahit walang kakayahan sa madla. Pilit nagpapakilala kahit walang paghahanda sa maselang trabaho. Isang malaking katatawanan ang kanilang ginawa sa sambayanan. Kalokohan, sa maikling usapan.

***

MAY kuwalipikasyon ba si Sara Duterte upang sumabak sa 2022? Kaya ba niyang gampanan ang tungkulin ng isang abalang pangulo dahil tiyak na maraming lulutasin na mga bagay na hindi naharap ng kanyang batugan na ama? May pagnanasang pulitikal ba si Sara upang paalisin ang China at impluwensiya nito sa Filipinas?

Ikinalulungkot na sabihin namin na isang malaking anomalya si Sara Duterte. Wala siyang ipinakikitang katangian upang masabi ng karapat-dapat na kahalili ng kanyang ama sa 2022. Hindi siya magaling; mainit ang ulo, sumpungin, at bugnutin sa mga usapin. Primadonna at spoiled brat ang kanyang imahe publiko. Iba ang maging pangulo sa Filipinas. Kailangan malamig ang ulo sa maraming suliranin. Kailangan ang marunong tumantiya.

Maraming isyu ang magsusulputan pag-alis ng kanyang ama sa Malacanang. Hindi kakayanin ang isyu sa kabuhayan. Aabot sa P15 trilyon ang utang ng national government sa sandaling matapos ang termino ni Rodrigo sa June 30, 2022. Dahil sa laki ng utang, sobrang liliit ang pera na mailalaan sa ibang serbisyo tulad ng ng edukasyon, kalusugan, depensa at mga kalamidad at sakuna. May ideya ba si Sara kung ano ang gagawin?

May kakayahan ba si Sara na paghilumin ang sugat na idinulot ng madugo ngunit bigo na digmaan kontra droga? Kaya ba niyang pagkaisahin ang mga nagtutungaling grupo at paksyon sa ating lipunan? Hindi puede ang bungangaan at sapakan sa gulo ng sambayanan. Kailangan ang matinding pagnanasang pulitikal (political will) upang gampanan at mga tungkulin iniaatas ng Saligang Batas sa susunod na pangulo. Proteksyon lang sa ama ang kanyang gagawin.

Kaya ba niyang tanggapin na kailangan niyang iwasto ang ma pagkakamali ng kanyang ama? Paano kung maharap sa mga demanda ang kanyang ama? Kaya ba niyang harapin ang posibilidad na makukulong ang kanyang ama sa maraming kasalanan sa bayan? Hindi puede ang daldal lamang.Mabigat ng sitwasyon ang kanyang haharapin sa hinaharap.

Malabnaw ang tingin ni Sara sa demokrasya. Hindi malusog dahil sa maling pag-aakala na magagawa niya ang mga bagay kahit hindi legal. Kahit na abugada si Sara, hindi niya lubos na nauunawaan ang kaluluwa ng bansa ay nasa Saligang Batas, nasa pangingibabaw ng batas (rule of law) at tamang proseso (due process). Hindi niya batid ang katotohanan, katapatan (honesty), pananagutan (accountability), at kalinawan (transparency) sa pag-ugit ng pamahalaan. Kung susuriin, malasadong masalado si Sara; bagaman iniluwal sa sistemang demokrasya, hindi niya batid ang ibig sabihn ng demokratikong sistema.

Hindi siya nalalayo sa kanyang ama na berdugo at iresponsable. Wala siyang naipakitang komitment sa demokrasya. Hindi niya alam ang kahulugan ng sistemang demokratiko sa bansa. Sayang lamang ang boto kung ihahalal.

***

HUWAG kasisiguro ang kampo ni Sara Duterte. Malinaw angf Estados Unidos na bumabalik sila sa Asya. Malinaw na malinaw ang kanilang foreign policy kontra China. Gagawa ito ng hakbang upang hindi manalo o maupo ang isang pro-China na tulad ng kanyang ama na si Rodrigo. Dahil wala naman siyang ipinakita na pagtatanggol sa demokrasya, maaariung isipin na gagawa ng paraan ang Estados Unidos upang hindi siya mahalal sa 2022.

May mga narinig kami na pinagsabihan si Rodrigo ng kung sinong sugo ng Estados Unidos na hindi katanggap tanggap sa kanila sina BBM, Sara, Bong Go, at iba pang galing ng grupong Davao na maging pangulo. Kung paano hahadlangan ang balak ni Rodrigo ay isang palaisipan. Palaisipan kung magbabagsak ng ilang bilyon ang China para kay Sara.

***

TUMANGGAP kami ng balita sa ilang kakampi na dity finger ang sumalubong sa motorcade sa Metro Metro. Maraming nilalang ang hindi pumapakpak kundi dirty finger ang ginawa. Patunay lamang ito na hindi mainit kay Sara ang mga taga-Metro Manila. Hindi namin alam kung ano ang ano ang nangyari sa ibang siyudad. Mahina ang nagplano ng motorcade sa Metro Manila. Sa susunod. Hindi kami magtaka kapag inulan iyan ng katakot takot na bulok na kamatis. Itaga ninyo sa bato. Paghahandaan iyan.

The post Parusa sa bayan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Parusa sa bayan Parusa sa bayan Reviewed by misfitgympal on Pebrero 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.