ISANG pulis-Maynila na dinukot ng mga armadong lalaki sa Binondo, Manila nitong Huwebes.
Kinilala ang pulis na si Corporal Allan Hilario, 30 anyos, nakatalaga sa Manila Police District Station 11 assistance desk.
Ayon kay MPD Director Brig. General Leo Francisco, apat hanggang lima lalaki ang dumukot kay Hilario.
Sa ulat ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP) ng MPD-PS-11, 2:05 ng hapon nang dukutin ng mga lalaki ang biktima sa outpost (tent) ng PCP sa panulukan ng San Fernando at Sto. Cristo Sts. sa Binondo.
Nabatid na mag-isang naka-duty si Cpl. Hilario sa naturang outpost nang dumating ang mga lalaki na lulan ng puting Isuzu Crosswind (XYF -188) at maroon Honda City (NCV-9054).
Sa salaysay ng tatlong ‘di pinangalanang testigo, tinutukan ng mga lalaki ng matataas na kalibre ng baril ang biktima na noo’y nakaupo sa outpost at kinaladkad, isinakay sa get-away vehicle at humarurot patungo sa direksiyon ng Jaboneros St., Binondo.
Sa kuha ng CCTV, bago umalis ang mga lalaki ay binuksan ng mga ito ang upuan ng nakaparadang motorsiklo ni Hilario at may hinahanap.
Bigo naman ang mga testigo na makilala at mamukhaan ang mga dumukot na inilarawang nakasuot ng mga itim na bonnet, itim na jacket, itim na pantalon, itim na gloves at sapatos.
Nag-ugnayan na ang MPD, Philippine National Police Security and Protection Group at Land Transportation Office para matukoy ang ginamit na mga sasakyan ng mga dumukot.
Inaalam pa ng MPD kung ano ang motibo sa pagdukot.
Inaalam na rin kung may kinasasangkutang kaso ang pulis o may matinding nakaaway sa trabaho.(Jocelyn Domenden/Andi Garcia)
The post Pulis-Maynila dinukot ng mga armadong lalaki sa PCP outpost appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: