IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na tiyaking wala nang makahahadlang sa delivery ng COVID-19 vaccines na ibibigay sa mga mahihirap, vulnerable sector at seafarers na nasa priority list ng national vaccinations program ng gobyerno.
Ayon kay Go, naging positibo naman si Galvez sa apela ng seafarer groups na isama sila sa priority list.
Suportado ng senador ang pakiusap ng seafarers at ng iba pang sektor na natukoy bilang mga prayoridad sa bakuna, gaya ng frontliners, mahihirap at vulnerable sectors.
Ipinunto ni Go, chairman ng Senate committee on health, na ang seafarers ay may kritikal na papel sa shipping, kung saan ay limitado ang bakuna dahil sila ay palaging nasa malalayong lugar.
“Paghandaan na natin kung papaano magagawang available at accessible ang mga vaccines sa lahat, lalong-lalo na sa mga nasa malalayong lugar kung saan limitado ang access sa mga pangunahing serbisyo,” sabi ni Go.
“When the time comes that the vaccines are to be deployed, we must be ready to provide them to everyone regardless of where they live or whether they are rich or poor. Siguraduhin natin na walang maiiwan na Pilipino,” idiniin niya.
Paulit-ulit na ipinapakiusap ni Sen. Go sa gobyerno na tiyaking wala na dapat makahahadlang sa mabilis na pagpasok ng bakuna sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga estratehiya sa pagseguro sa supply nito.
Idiniin din niya ang maayos na paghahanda ng cold storage facilities at ng iba pang equipment na kakailanganin sa inventory, paggamit at distribusyon ng mga bakuna kapag dumating na sa bansa.
Bilang kasapi ng Senate committee on labor, idiniin ni Go ang kahalagahan ng shipping industry bilang source ng employment para sa Filipino seafarers.
Ang Pilipinas ay may tinatayang 385,000 seafarers o halos quarter ng global total na 1.6 million.
“Alalahanin po natin ang mga ordinaryong Pilipino. Pakinggan at intindihin natin kung saan sila nanggagaling.”
“Ngayon na napilitan ang karamihang umuwi dahil sa krisis at nawalan sila ng kakayahan para maghanapbuhay, responsibilidad natin na bigyang atensyon ang mga pangangailangan nila at tulungan silang makabangon mula sa kahirapan,” ang apela ni Go. (PFT Team)
The post Seafarers krusyal sa vaccine rollout, dapat iprayoridad — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: