SIMULA’T-SAPUL pala ay kwestiyunable na ang operasyon ng mga nagpapakilalang franchise holder ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) na Small Town Lottery (STL) at Perya ng Bayan (PnB) na ngayon ay palasak sa halos saan mang sulok ng bansa.
Ngunit sa wakas ay nabuko din ang hinihinalang iregularidad kabilang na ang pagbobola ng STL sa mga lalawigan ng mga tinatawag na Authorized Agent Corporations (AAC) na palasak namang tinatatawag sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Region I, II, II, V, Kabisayaan, Mindanao, Metro-Manila at iba pang panig ng bansa na “PCSO-STL franchise holder”.
Kaya naman mistulang “nalabhan at nasabon” si PCSO General Manager Royina Garma ng mga miyembro ng House Comittees on Games and Amusement and on Good Government and Public Accountability sa kabalintunaan ng pagpapatupad ng Implimenting Rules and Regulations (IRR) ng naturang ahensya sa pagsasagawa ng loterya sa mga lalawigan na hindi naman saklaw ng kapangyarihan ng PCSO.
Hindi kasang-ayon ang mga mambababatas na kinabibilangan nina SAGIP party- list Rep. Rodante Marcoleta, Rep. Eric Pineda ng 1 Pacman party list at Isabela Reps. Faustino Dy V at Rodolfo Albano sa pagbibigay ni Garma ng permiso para makapagsagawa ng localized lottery draw.
Nasa mandato ng PCSO ayon kay Rep. Marcoleta na magsagawa lamang ng national scale lottery at hindi sakop ang localized lottery lalo na ang mga pagbobola sa mga lalawigan.
Ayon sa mga kongresista, lumilitaw na ang PCSO, ay dume-depende lamang sa ACC, pagkat tagatanggap lamang ito ng kabahaging salapi para sa pamahalaan habang ang nangongolekta ng taya at nagbobola ng STL ay ang tinatawag na ACC na kilala naman sa mga lalawigan ng franchise holder.
Halata ang pagkataranta ni Garma sa mga pagtatanong ng mga mambabatas na karamihan ay mga abogado habang isinasangkalan nito ang Malacañang na nagbigay sa kanya ng kapangyarihan para ipatupad naman ang revised IRR na nagbibigay daw ng kapangyarihan sa PCSO.
Supalpal na naman ang alegasyong ito ni Garma lalo na nang ungkatin ng mga kinatawan ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal nga sa mga ACC na magsagawa ng lottery draw.
Hiniling ng mga kinatawan kay Garma na ipatigil ang operasyon ng STL sa lalawigan ng Isabela na kinakitaan din ng mga iregularidad na operasyon.
Katulad sa naunang litanya ni Garma, Malacañang din ang isinangkalan nitong magbibigay sa kanya ng kapangyarihan para suspendihin ang operasyon ng STL sa nasabing lalawigan. Anong halaga pa ni Manager Garma sa PCSO kung wala din naman pala siyang binatbat sa nasabing ahensya ng pamahalaan?
Nilinaw din ng mga kongresista na kailangang ang PCSO mismo ang magsasagawa ng STL draw at magtatakda ng share ng mga ACC. Ang ACC naman ay siyang magiging collecting arm ng PCSO lamang at hindi ang kabaligtaran.
Kaya ang mga ACC na ito ay wala palang kapangyarihan na magbigay o magtalaga ng kanilang sangay bilang panibagong ACC gamit ang pangalan ng kanilang permit na iisyu ng PCSO.
Ngayong malinaw na bawal pala ang mga isinasagawang pagbobola ng localized STL, bawal din pala ang operasyon ng Perya ng Bayan (PnB) na front din ng jueteng sa mga probinsya ng Cavite, Rizal at mga probinsya Mindoro. Napakatagal nang niloloko at pinaiikutan ng mga bwesit at madadayang franchise holder kuno na ito ang mga mamamayan.
Maliwanag na ito ay labag sa batas at talagang maituturing na illegal numbered-games na jueteng ang mga pagbobola ng STL at PnB sa mga lalawigan.
Kaya kayong mga STL at PNB franchise holder lalo na sa Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Rizal, Mindoro, Bulacan, Catanduanes, Albay at Metro-Manila, huwag ninyong gawing bobo ang mga mamamayan, bukong-buko na kayo!
Makapagbabangong-puri lamang si Garma kung lilipulin nito ang mga nabunyag na katiwaliang ginagawa ng kanyang mga ACC na nagyayabang din na franchise holder ng STL at PnB.
Para naman sa bumubuo ng Congressional Committees on Games and Amusement and on Good Government and Public Accountability, sumasaludo ang pitak na ito sa inyo. Good work!
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post “Sinabon” si Garma! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: