MAGPAHANGGANG sa ngayon ay kontrobersyal pa rin ang operasyon ng Sabong online sa bayan ng Sta Cruz, Laguna sapagkat maraming ligal na isyung ipinupukol laban dito.
Ngunit lalong nagiging tampulan ng negatibong reaksyon laban sa pagpapatakbo ng E-Sabong o Sabong Online na inooperate ni Boss Atong pagkat may mga nakarating sa SIKRETA na reklamo laban sa “nagluluto” na sentensyador sa cockpit arena na pinagdarausapan ng Sabong Online sa nasabing bayan. Halata daw na “niluluto” doon ang resulta ng ilang piling sultada.
Reklamo ng ilang mga sabungero na nagparating ng kanilang hinaing sa SIKRETA laban kay Alias Kalbo na mina- maniobra nito ang resulta ng sultada kapag nalalagay na sa alanganin ang pinapaboran nitong manok.
“Ginagawan po ni Kalbo ng paraan na makatabla ang sasabunging manok na kanyang pinapaboran sa pamamagitan ng pag-antala (delay) o kusang pagpapabagal ng kanyang pagsesentensya para abutin ng takdang 10 minutong reglamento ang salpukan ng naglalabang manok at maideklarang “draw” o tabla ang kinahinatnan ng sabong.
Ayon pa rin sa reklamo ay hindi na itinataas ni Alias Kalbo ang naglalabang sasabungin sa naghihingalong minuto o “dying seconds” ng sultada upang sentensyahan at masagip sa pagkatalo ang namatay na kinikilingan nitong sasabungin.
Batay sa reglamento ng sabong ay kailangang makatuka ng dalawang beses ang alinman sa naglalabang manok para mabilangan ng tatlong counts ang talunang manok at opisyal na maideklarang nanalo ang kalabang sasabungin.
Tatlong ulit na itinataas ng sentensyador ang dalawang nagtatagisang manok sa gitna ng ruweda at kapwa pinatutuka ng dalawang beses laban sa isat-isa sa pagtatapos ng sultada.
Ang sasabunging nabigong makatuka ng dalawang ulit laban sa kalaban nito ang idedeklarang talunan, samantalang ang manok na nagawang makakurit o makatuka ng dalawang beses ang itinuuturing na nagwagi.
Kapag inabot ng 10 minuto ang mainit na pagsasalpukan ng dalawang magkalabang sasabungin ay idenedeklarang tabla o “draw” ang sultada kaya walang nanalo sa partikular na sabong.
Sa puntong ito, pumapasok ang pagmamaniobra ni alias Kalbo. “ Kapag namatay na po ang kanyang pinapaborang manok, ay natural lamang na hindi na ito makakatuka pa sa kanyang kalaban kaya kusa na pinababagal ni alias Kalbo ang pagsesentensya para abutin ng 10 minuto ang sultada nang sa gayon ay maidedeklarang ngang patas lamang ang resulta ng salpukan ng dalawang sasabungin.
Tuwing natatapos ang sultada ay nakikita naman si alias Kalbo ng mga naagrabyadong cock owner na nagtutungo sa cock house ng may-ari ng pinaboran nitong sasabungin at tumatanggap ito ng pabuya mula sa may-ari ng nasagip nitong manok.
Maliwanag ang ibig sabihin nito kung totoong tumatanggap ng pabuya ang nasabing sentensyador, nasusuhulan ito para lutuin ang resulta ng sultada!
Palibhasa ay nasentensyahang patas ang kinahinatnan ng sultada, kaya ang milyones na pusta sa dapat ay nagwaging sasabungin ay nauuwi sa wala. “Kwarta na po ay naging bato pa ang perang dapat ay napalunan namin at ng pumusta sa aming sasabungin dahil sa pandaraya ni Kalbo”, ang nagngitngit na hinaing ng nalamangang cock owner.
‘Napakarami na nga ang mahigpit na tumututol sa pag-ooperate ng Sabong Online ni Boss Atong sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID 19 sa bansa, ngunit nahahaluan pa ng akusasyong nagkakaroon ng dayaan sa pagsesentensya ng isang alias Kalbo sa cockpit arena na inooperate nina Boss Atong, kaya dapat na ipatigil na ang operasyon ng Sabong Online nito.
Payo natin sa mga cock owners, ay huwag na kayong mag-entry o sumali sa araw-araw na paderby na ginaganap sa pinamamahalaang cockpit arena ng Sabong Online ni Boss Atong lalo pa nga at kung totoo ang ipinupukol na akusasyon laban sa sentensyador ni Boss Atong na si alias Kalbo.
Ang payo din natin sa mga mamamumusta online ay huwag na ninyong tangkilikin ang mga pasugal ng alinmang nag-ooperate ng E-Sabong sa bansa pagkat wala namang proteksyon ang inyong salaping ipinupusta laban sa ganitong mandarayang sentensyador.
Bakit nga ba nakapagdadaos ng araw-araw na derby sina Boss Atong gayong may itinatakda ang batas na maaari lamang makapagdaos ng pintakasi o paderby ang isang lisensyadong sabungan sa espesyal at espisikong araw at okasyon.
Kaya naman ang operasyon ng Sabong Online nitong si Boss Atong ay nakapagdududang tangkilikin pa ng mga opisyado ng sabong. Idagdag pa nga ang nagaganap na lutuan, tulad ng hinalang pagluluto ng laban ng sentensyador doon na si alias Kalbo.
Talaga palang ang batas sa ating bansa ay may butas at maari ding mamaniobra depende sa impluwensya ng operator ng sabungan. Abangan…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
The post Sindikato na, sinisindikato pa? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: