MALAPIT ng matapos ang itinatayong storage facility ng pamahalaang lokal ng Maynila para sa COVID vaccines.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang nasabing storage facility sa Sta. Ana Hospital ay 90 porsyento ng tapos base sa estimasyon ni City Engineer Armand Andres at magiging ready na sa pagdating ng bakuna sa Maynila. Ang nasabi ring ospital na nasa ilalim ng pamamahala ni Director Dr. Grace Padilla ay siya ring lugar kung saan matatagpuan ang Manila Infectious Disease Control Center at ang molecular lab kung saan ang mga resulta ng libreng free swab tests ay prinoproseso.
Sinabi pa ni Moreno, ang nabanggit na storage facility ay isa ring long-term investment kaya naisip nilang dalawa ni Vice Mayor Honey Lacuna na ipatayo ito dahil magagamit pa rin ito ng anim na city-run hospitals kapag tapos na ang pandemya.
Ang storage facility, ayon pa sa alkalde ay magagamit sa lahat ng uri ng bakuna na available sa merkado at kaya itong paglagyan ng isang milyong bakuna, bagama’t inaasahan na by batches ang pagdating ng bakuna.
Maliban sa hindi na kinakailangan pang mag-renta para paglagakan ng bakuna, sinabi ni Moreno na ang facility ay maari ding gamitin ng mga nasa medical field para sa mga items na kinakailangan ang uri ng temperatura na ibinibigay ng pasilidad.
“Manila will continue to help the national government to ease the burden and challenges… pwede natin itong ipahiram sa national hospitals if me allotment na ng bakuna at kulang o wala silang storage facility,” ayon kay Moreno.
Tiniyak naman ng alkalde na ang lokal na pamahalaan sa ilalim nilang dalawa ni Lacuna ay gagawin ang lahat upang makatulong na mabakunahan ang mas maraming tao sa maiksing panahon.
Dahil dito ay muli siyang nanawagan sa lahat ng mga taga-Maynila na magrehistro sa https://ift.tt/381GLQX para sa mabilis na proseso sa sandaling available na ang bakuna sa lungsod.
“Para makabalik na sa trabaho ang mga tao at ang mga negosyo ay makaluwag-luwag at makabawi sa mga oportunidad na nawala at sa mga nawalan ng trabaho, para makagalaw na sila nang malaya at makahanap ng trabaho,” sabi pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post STORAGE FACILITY NG COVID VACCINE, 90% NG TAPOS – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: