NAKATUTUWANG malaman na sa kabila ng kahirapan ng buhay sa ngayon, may mga taong gobyerno pa rin na kayang tumanggi sa suhol.
‘Yan ay nangyari nang madakip ang isang French fugitive na umano ay ‘wanted’ sa kanyang sariling bansa dahil sa mga krimen na may kinalaman sa iligal na droga.
Napag-alaman ko sa mga naglabasang ulat na ang Pranses na si Julien Barbier, 39, ay nag-alok ng P1.5 milyon kapalit ng kanyang kalayaan sa mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) na pinamumunuan ng hepe nitong si Bobby Raquepo.
Si Barbier ay inaresto sa Clark International Speedway, Mabalacat City, Pampanga ng pinagsanib na operatiba mula sa BI-FSU, Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3, Angeles District Field Unit (CIDG RFU3, CFU), Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines – Military Intelligence Group 41 (ISAFP MIG41) at National Capital Region Police Office – Regional Special Operations Group.
Ito ay matapos na makatanggap ng opisyal na ulat si Raquepo mula sa French authorities na wanted nga si Barbier sa France.
Si Barbier ay matagal na palang minamanmanan ng Interpol, mula pa 2018, dahil sa “unlawful transport, retention, offer, sale, acquisition or use of drugs under Art 222-37 of the French Penal Code”
May warrant of arrest din ito mula sa Tribunal de Grande Instance de Paris noong August 2017, samantalang meron din siyang European Warrant of Arrest noong September 2017.
Diumano, itong si Barbier ay may kinalaman din umano sa illegal bank fraud syndicate na nago-operate sa Pampanga at Cebu.
Mukhang sanay talaga sa iligal si Barbier dahil agad daw itong nag-alok ng P1.5 million sa grupo ni Raquepo para siya ay pakawalan kaagad.
Ginamit pa daw nito ang dalawang kasamahang Pinoy para mag-alok ng lagay kaya naman bukod kay Barbier ay dinakip na din nina Raquepo ang nasabing dalawang Pinoy.
Bago niyan ay nakipag-ugnayan si Raquepo sa CIDG, detectives ng City Intelligence Unit – Angeles City Police Office, CIDG Angeles City Field Unit at CIDG Regional Field Unit 3 para makapagsagawa ng isang entrapment operation laban sa mga nag-aalok ng suhol.
Arestado ang dalawang kapwa pa naman Pilipino at sila ay kinasuhan ng Corruption of Public Official at paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code.
Kung lahat sana ng opisyal sa gobyerno ay katulad nina Raquepo, hindi sana sumasakit ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte at malamang, malaki na sana ang iniunlad ng ating bansa.
Binabati ko si Raquepo at mga tauhan nito, hindi lamang dahil sa magandang trabaho kundi dahil sa pagiging tapat na mga taong gobyerno. Sana ay dumami ang kagaya nila.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Suhol ng Pranses, ‘di umubra sa BI-FSU at mga kasama nito appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: