Facebook

Suklam kay Governor

‘DI pa marahil tanto ni Rizal Governor Rebecca “Nini” Ynares na malaki na ang sama ng loob ng mga constituent nito, ngunit lihim na kinikimkim sa kanilang kalooban ang nagpupuyos nilang damdamin laban sa kinikilala nilang INA ng kanilang lalawigan.

Ang dahilan, hindi inaaksyunan ng Gobernadora ang kanilang reklamo laban sa laganap na operasyon ng Perya ng Bayan cum jueteng at loteng sa halos lahat na sulok ng 13 mga bayan at sa Syudad ng Antipolo.

Kaya sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay suklam na suklam ang mga ito at sinisisi din ang kanilang Gobernadora sa patuloy na pagdami ng mga sugapa sa droga sanhi ng di masupil na operasyon ng jueteng at loteng sa lalawigan ng Rizal.

Isang retiradong pulis na si alias Abion na nagpapakilalang dati ring close-in security ni Governor Nini at ng asawa nitong ex-Governor Casimero “Ito” Ynares, ang nagbigay ng bendisyon para makapag-operate ng bawal na pasugal sa Antipolo City, Cainta, Taytay at iba pang munisipalidad ang mga kapitalistang sina alias John Yap, trusted man nitong si Jun Moriones at alias Bong Sola.

Nagpapatakbo ng jueteng sina John Yap at Jun Moirones gamit na prente ng Perya ng Bayan ( PnB) ng Philippinbe Charity Sweeptakes Office (PCSO), samantalang ang front naman ni Bong Sola ay ang dalawang nauunang numero ng bola sa PCSO Lotto bilang winning combination sa kanyang pa-loteng.

Si Abion din ang nakipagcash- sundo o nagiging tagapag-ugnay nina John Yap, Jun Moriones at Bong Sola sa tanggapan ng PNP Region 4-A, ilang mga hepe ng kapulisan, CIDG at iba pang awtoridad para di matinag ang operasyon ng jueteng at loteng sa Antipolo City at lahat na munisipalidad ng Probinsya ng Rizal.

Bakit naman kaya gayong katikas ni Abion maging sa hanay ng kapulisan kahit retirado na ito, may basbas nga kaya sa hinayupak na ito si Gobernadora para masunod ang kapritso nitong magpatakbo ng iligal na pinagkikitaan ang Intsik na si John Yap, Jun Moriones ay Bong Sola?

Milyones ang kinikita nina John Yap, Jun Moriones at Bong Sola sa magkakahiwalay na operasyon ng jueteng at loteng sa Antipolo City, Cainta at Taytay at sa iba pang mga bayan sa Rizal, sa katunayan ayon sa ating mapananaligang ulat ay hindi bababa sa Php 6 milyon ang kinakale ng mga ito sa kanilang iligal na pasugal.

Kung idadagdag pa ang natatabo ng mga ito sa pagpapabenta ng shabu sa kanilang mga kabo at kubrador, ay aabot sa Php 12 milyon ang naibubulsang salapi ng tatlong salot na ito ng lipunan.

Sa kinikitang kabuuang Php 12 milyon araw-araw nina John Yap, Jun Moriones at Bong Sola ay mahigit pa sa kalahati naman nito ang napupunta sa bulsa at pinaghahatian ng mga protektor nitong ilang mga police, provincial at local officials.

Isang grupo ng mga Sangguniang Kagawad na sadya nating di tutukuying lokalidad sa Rizal ang humiling na magpadala ng imbestigador si DILG Secretary Eduardo Año sa lalawigan ng Rizal para mapatunayan ang napaka-talamak na operasyon ng jueteng at loteng sa nabanggit na lalawigan.

Humingi na rin ang nasabing grupo ng tulong ni Senador at Special Assistant to the President, Lawrence “Bong” T. Go para mapasampahan ng kasong administratibo si Gov. Ynares dahil sa kabiguan nito na masugpo ang mga kawalanghiyaang pinaggagawa nina John Yap, Jun Moriones, Bong Sola at ng retired police sergeant na alias Abion.

Panawagan din ng nabanggit na mga kagawad na sadya nating di binanggit ang mga pangalan na ipasibak sa kani-kanilang pwesto bilang hepe ng kapulisan sina Antipolo Police Chief, P/LtCol. Jose Joey C. Arandia, Cainta Police Chief, P/LtCol. Rodolfo R. Santiago at ang hepe ng bayan ng Taytay na si P/LtCol. Rodel S. Ban-O.

“Dapat din po silang ipagharap ng kasong administratibo kapag napagtibay ng tanggapan ng DILG ang katunayan ng aming reklamo na napaka-talamak at parang ligal na ang pangungubra ng taya sa jueteng at loteng sa Rizal na siyang dahilan ng paglaganap ng bentahan ng shabu doon”, ang hiling pa ng nabanggit na mga kagawad nang dumulog sa inyong lingkod.

Ginagamit na kanlungan ng grupo ng operator ng jueteng na sina alias John Yap at Jun Moriones at loteng capitalist na si alias Bong Sola ang kanilang mga safehouses sa Antipo City, Cainta at Taytay bilang rebisahan ng taya sa kanilang iligal na pasugal at pagbebenta ng illigal drug lalo na ng shabu, ang pinakatalamak at mabentang uri ng droga sa ating bansa.

“Bakit sa halos limang buwan nang pag-ooperate ng jueteng at loteng na front ng illigal drug operations ang mga nabanggit na drug/gambling operators sa Antipolo City, Cainta at Taytay ay hindi ang mga ito nabubuwag ng hepe ng kapulisan doon na sina Arandia, Santiago at Ban-O”, ang himutok sa inyong lingkod ng ating sources.

Ayon pa sa mga nabanggit na kagawad, ang modus operandi ng mga tauhan nina John Yap, Jun Moriones, Bong Sola ay makipag-transaksyon sa mga suki ng mga itong drug addict habang nangungubra ng taya sa jueteng at loteng sa dakong umaga hanggang hapon saka ng mga ito ide-dispatsa ang “bato” sa bandang may kalaliman na ang gabi sa mga nag-aabang na mga sugapa sa droga

Kaya panawagan natin kay Gobernadora Ynares, sana sa madaliang panahon ay maaksyunan na niya ang matinding suliraning kinakaharap ng kanyang mga constituents pagkat ang mga ito naman ang naglagay sa kanya sa pwestong kinaroronan ngayon.

Inuulit natin na bilang Ina nga ng Lalawigan ng Rizal ay tungkulin ni Gobenadora Ynares na pangalagaan ang katiwasayan, kaligtasan at kalusugan ng kanyang mga mamayan na tila nakakaligtaang gampanan din ni PNP Region 4-A director, PBG Felipe Natividad at ni Rizal PNP director P/Col. Joseph Arguelles.

Patuloy nating susubaybayan ang mga kaganapang ito sa lalawigan ng Rizal…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.

 

 

The post Suklam kay Governor appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Suklam kay Governor Suklam kay Governor Reviewed by misfitgympal on Pebrero 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.