NASA 1M facemasks ang iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno na ipamudmod ng libre sa lahat ng residente ng Maynila sa kasagsagan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong mga nakaraang araw.
Ito ay kasabay nang sabayang pagbabakuna sa mga medical frontliners na kabilang sa senior citizen age group at mga non-elderly.
Agad na pinakilos ni Moreno si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje upang utusan ang kanyang mga tauhan sa pamamahagi ng nasabing bilang ng facemasks sa mga barangays kasabay ng kanyang pagkabahala sa pagtaas ng COVID-19 cases sa kabisera ng lungsod.
“Mga kababayan ko, baka nae-excite tayo sa bakuna. Tandaan nyo, ang binibigyan ng priority ng World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH) at national government ay ang medical frontliners,” ayon kay Moreno.
Umapela rin ang alkalde sa mga barangay na paalalahanan ang kanilang nasasakupan na palagian na magsuot ng facemask sa oras na maipamahagi na ito ng pamahalaang lokal.
Samantala ay inutos ni Moreno ang pagpapatuloy ng pagbabakuna sa medical frontliners sa lungsod kasabay ng pag-aanunsyo ng pagdating ng karagdagang 3,000 dosis ng Sinovac. Ito ay dagdag sa first batch ng 3,000 na dumating noong isang linggo.
Pinasalamatan ng alkalde sina President Rodrigo Duterte, vaccine czar Carlito Galvez, Jr., Department of Health Secretary Francisco Duque III at ang DOH family para sa karagdagang dosis ng Sinovac at gayundin matapos na matanggap ng lungsod ang 1,000 dosis ng Astra Zeneca na binubuo ng 100 vials kung saan may sampung dosis ang bawat isa.
Sa pagdating ng nasabing bakuna, sinabi ng alkalde na ang mga medical frontliners na pawang mga senior citizens na edad 60-anyos pataas ay nabakunahan na ng Astra Zeneca sa Ospital ng Maynila habang ang mga 18 hanggang 59 – anyos ay naturukan ng Sinovac sa Sta. Ana Hospital, ang lugar kung saan unang ginawa ang kaunahang pagbabakuna noong isang linggo.
Sinabi ni Moreno na sumusunod lamang ang pamahalaang lungsod sa sulat kaugnay ng reglamento na itinakda ng WHO, DOH at ng pambansang pamahalaan sa kung paano gagamitin ang mga donasyong bakuna.
“Me alituntuning pinatutupad at ayaw kong lalabag tayo pagka’t baka maperwisyo ang pangkalahatan ng buong bansa,”pahayag ni Moreno patungkol sa kautusan na dapat na mauna ang mga health frontliners sa bakuna.
Sa Maynila, ang mga inuna ay mga health workers mula sa six city-run hospitals, barangay health centers at Manila Health Department. Si Vice Mayor Honey Lacuna, na isa ring doktor ang kaunahang tumanggap ng bakuna na Sinovac.
Ayon pa sa alkalde, ang pagbabakuna ng ginagawa ng lungsod ay bukas din para sa mga private hospitals at clinics, at ikinatuwa ng alkalde na naunang nabakunahan ng first batch ng Sinovac ay mula sa mga private health institutions. (ANDI GARCIA)
The post 1M libreng facemasks pinamigay ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: